Wednesday, August 31, 2022

tawid

parang itinatawid ko lang lahat ng mga araw. umuwi na ako sa'min. i think tapos na uli yung mga season na gigising ako ng umaga na may almusal na at babati sakin si Tita Malou. hindi na rin ako nakakasulat, hindi dahil magulo yung lugar kundi dahil sobrang kumportable ko na. hindi talaga ako pwedeng magsulat lang sa maayos na lugar o may nakalaang oras. kailangan talaga panakaw, patago, paagaw. nagpapasalamat ako sa masasarap na luto nina Tita Malou, sa conducive for yoga na lugar ni Rabin, sa mga nasulat at hindi natanggap na works at mga accepted works na naisulat ko sa Berinayan. 

naitawid ko naman ang maluhong pagsusulat. araw-araw na uli akong kakayod sa work, pipila sa dyip kapag paopisina, manonood ng online series kapag hindi mag-oopisina, magkukumahog sa zoom meeting kasi napuyat sa kakanood ng series, tapos malulungkot sa mga dumadaang tula na hindi nauupuan at magbibilang ng mga sana ganito ang ginagawa ko at hindi nagta-tally ng mga resibo. 

pero mahalagang mag-ipon ng pera para sa future na pakiramdam ko may mga susulatin na uli ako o may kailangang-kailangang tumigil para magsulat, may panggastos nga ako. popondohan ko ang sariling residency, para kahit wala akong magawa, eh okay lang kasi ako naman nga ang gumastos. naitawid ko naman, may mga naisulat ako na masaya ako at dapat i-celebrate. hindi na ko nakakapag-celebrate kapag napa-publish or what kasi nga nakatingin na agad ako sa hala parang iba na naman to sa previous works ko wala na akong nabuong body of work na may theme, or anong next neto, dapat ba mas malaki na ganap? puro ganang thoughts deep inside kaya parang sayang naman yung akda hindi ko naitatanghal at least on my own version of festive celebration: like talking about it to a friend or posting it on social media kahit isa lang. ayan our work Sandaang Araw ng Samut-sari will be exhibited sa Ateneo Art Gallery hanggang September 17, baka dumalaw ako to get 2 catalogs (bigyan ko si axel kasi art nya yung nasa sanaysay). huy happy na yun naitawid natin ang pandemic notes into an art gallery. (ayan ha, nag-celebrate na ko inappreciate ko na). parang gusto ko lang tingnan on a gallery tapos mag-iiyak ako ron mag-isa. jowk.

meron ding biocultural festival ang isang youth network ng mga advocates ng biodiveristy at pulpol na pulpol ako na hindi ako alam sino bang gusto kong i-serve sa platform na yun, sarili ko ba na utang uta sa admin tasks, yung ecosystem ba na utang-uta na sa pagiging backdrop or doomsday narrative, o yung mga advocates ba na baka napapagod na ring magalit? basta ang sigurado bukas balik na ako sa pag-aasikaso ng mga admin papers para makalipad ang aming technical team. mag-aaral pa ko ng aking mga mining laws, may quiz yata eeeeeek, magtutulug-tulugan ako sa eroplano para hindi ako ma-quiz ng superiors ko.

Monday, August 29, 2022

Field Notes Pansipit I

 Bumisita kami ng Taal. 'yung bayan hindi yung lawa. Nakagaling na ako dito dati noong nilindol ang Batangas taong 2017. Nasa opisina lang ako ng dswd, nag-eencode ng mga apektadong pamilya. Coffee break sa 7-11. Balik na ulit sa opisina tapos uwi agad. Hindi ko napansin ang mga lumang bahay kahit pa nga yung malaking Basilica. Ngayon na lang.

Siguro dahil hindi na ako nagmamadali ngayon.  O siguro dahil may kaibigan na ako ngayon na nasa conservation work ng mga pamanang kultural. O nakasinghot na ako ng konti pang kultura. Si Archi. Axel ang naging tour guide namin. Naging kaklase ko sya sa isang workshop na may cpd points ng architecture at hindi ko rin alam kung anong ginagawa ko sa workshop na yun. Kapag tinatawag kaming Taal, pareho kaming lumilingon, "Which Taal? 'yung heritage town o yung protected area?" Pareho ng edad, magkaibang mga pangangalaga, at magkadugsong ang mga kasaysayan.

Dumadaan sa bayan ng Taal, 'yung ilog ng Pansipit na bukod tanging labasan ng tubig mula sa lawa ng Taal papunta sa look ng Balayan. Kaya din namin binisita ni Ms. Jane ang Pansipit dahil ito lang ang daanan ng mga isda mula sa tubig-alat papuntang Tabang. Naiga ang malaking bahagi ng Pansipit "nauhaw po ang bulkang Taal" sabi ng naglalarong batang tinanong ko. Nalalakaran ko na ang dating ilog, sanaw-sanaw na lang ang tubig. Mababaw na yung dating halos ampos tao. Puwedeng umangat ang bayan ng Taal o bumaba ang bayan ng Lemery kaya nawalan ng tubig. 

May mga nahuhuling tilapia at dugong sa ilog. Nakita rin namin na maraming kanal mula sa Caysasay at Lemery ay tumatalon sa Pansipit. May mga kabahayan din na deretso ang depostio sa ilog. Malulusog ang mga water lily. May mga napalipat nang residente ng mismong ilog at may mga pag-uusap naman na ililipat rin yung ilang naninirahan pa.

Isa sa mga lumang bahay na malapit lang sa Pansipit ay ang Casa Tirtuga, ayon sa sabi ay sa bahaging ito ng ilog pumapanhik ang mga pawikan para mangitlog. Kaya may mga bahay ng pawikan sa loob ng Casa Turtuga. Marami rin sa loob ng bahay na mga lumang gamit na hindi naman galing sa Taal ayon kay Axel. Sementado na ngayon 'yung malaking bahagi ng gilid ng Pansipit. 


notes on Pansipit walk 2021

Tuesday, August 23, 2022

peste

Pagkatapos ng paraket-raket at walang regular na trabaho simula pandemya ay balik regular na trabaho ako. Regular as in araw-araw pero kontraktwal pa rin -proj based. Di ko naman kailangang araw-araw na sumulpot sa trabaho, dalawang beses lang in a month. Kaya siguro kada punta ko ng uplb (elbi) pagoda ako. Gutom ako lagi pagkababa ng dyip. 

Isa na sigurong pinaka masarap na kain ko ay isang maulang gabi na galing sa serye ng meeting na pwede naman sanang email na lang lahat. Binaon ko pauwi yung bulgogi at orange na rice na food during the meeting. Umorder lang ako ng kape at ube-keso pandesal sa 7-Eleven para makakain doon. Paparating na si bagyong Florita at wala ngang pasok sana kaso nasa elbi na ko eh. Pagsubo ko, ang sarap-sarap, siguro dahil pagod ako buti na lang din isinama ko rito yung rice ng boss ko na ibinawas nya sa servings nya. Tapos, lagok ng kape. Nakikinig ako sa kung anong podcast kahit wala akong naiintindihan na, maulan sa labas. 

May kumalabit sakin. Alis ako ng earphones. May pinaliwanag. Balik uli ako earphones, tapos subo uli. Ang sarap talaga ng baka at omellete yata na kalamares. Kulbit uli si Kuya, may mga nakatingin na maraming lalaki sa'kin. Paliwanag uli s'ya. Magbobomba sila ng peste at lalabas silang lahat. Suot uli ako ng earphones, subo ng isa. Saka ko lang naproseso. Tanggal uli ako earphones at lumingon kay kuya, "kailangan ko na bang lumabas ngayon?" Humingi ng despensa dahil gabi na rin at babagyo pa. Wala pa ko sa kalahati ng take out kong hapunan nang palabasin ako dahil sa mga peste. Wala man lang warning sign na no-store hours from this time to that time. Peste, sarap-sarap ng kain ko e. 

Bare minimum na lang ako sa trabaho ngayon. Di dahil di ako passionate or wala akong gana. Napapagod pa rin naman ako sa mga meetings at learning curve ko pa rin naman. Gusto ko lang tipirin ang energy ko ngayon at 'wag itaya lahat sa nagpapasweldong institusyon. Sideline ko lang ang dayjob ko now. Marami pa akong ibang buhay na ilaglag o alagaan man ng institusyon, hindi na ako hindi ako plakda. May iba pa kong advocacies na sinusutentuhan ng sweldo ko sa dayjob at rakets.

Aabot naman siguro ako sa bahay. Paghahatian pa namin ang mga koreanong ulam. Next time, magdadala na ako ng ziplock para iuwi ang mas maraming di ginagalaw na pagkain mula sa opisina. Ang bago kong advoacy: zero food waste at tipid-pasalubong-tito gang.


Monday, August 22, 2022

pamangkids back-to-school

balik eskwela na ang mga pamangkids sa kabila ng kawalan ng bagong bag. hindi naman masyadong issue ang bagong bag kasi galing sa pandemya at modular na klase na hindi nagba-bag talaga.  nagreklamo pa si Top-top sa kanyang anime-designed na pencil case na may built-in pantasa, "ang bigat na  nga ng bag ko, wala pang libro." Noong panahon namin kapag may two layered kang pencil case nakakariwasa ka na sa buhay. Excited sina Ten-ten at Puti kakabukas-sara ng bag nila bago pumasok. Kinaumagahan ay may sipon kaya hindi muna pwedeng pumasok. Unang test ni top-top, wala syang yellow paper at namburaot na agad sa kaklase sa first day of school. Hindi rin n'ya kinakain ang maluto at mga baong pagkain. Maghapong di kumakain ng recess at lunch. ayaw magsabi kung bakit. ilang araw pa ang nakalipas na magsabi na may nambubully sa kanya. nakailang palit ng face mask dahil nilalagot ng kaklase. ayaw naman nyang patulan. bilang tito na dating kawani ng DSWD, sabi ko ay sapakin mo agad hindi mo naman pupuruhan papalag ka lang. kesa araw-arawin ka, bigyan mo ng isang malakas. may itinulak nga raw yung bully na isang kaklase at todo himas so hilot ang teacher sa likod kasi hindi humihinga ang itinulak. nang kantiin uli s'ya ng bully, ipinagtanggol sya ng nagbigay sa kanya ng pad paper, silang dalawa tuloy ang napagalitan ng teacher at parent needed. si top-top ay hindi deretso uwi lang at di na naabala. nakailang kaso na agad ng pagiging bayolente ang bully isang linggo pa lang, ang naisip agad ni Mama, bilang nasa sektor ng may kapansanan, ay baka kailangang ma-assess ni Mam Chona ang bata (sa Special Education). bilang tito na dating kawani ng DSWD, binabawi ko na, wag mo nang pektusan, umiwas ka na lang muna habang inaayos pa ang kaso. focus ka na lang muna kung ang kamote ba ay "camote or kamote"?

Sunday, August 21, 2022

riles 12

kada umuugong ngayon 'yung tren, kaagad ay palaging hahanapin ang mga bata. palaging sinasabihan na manood lang at wag palaging tumakbo palapit sa rumaragasang mga bagon. ganun din naman kami dati, kada dadaan ang tren, tatakbo sa may riles at papanoorin ang tren na parang laging bago. may mga paliwanagan pa sa mga bata na kahit makita ka ng tren sa riles ay hindi yan hihinto dahil daanan n'ya yan at nakikitira lang kami. kahit ngayon lang uli dumaan ang tren, "kanya" ang riles at nakamungot na pinapakinggan ng mga bata ang paliwanag. nireport naman ni Ten-ten kay Mama na bago ang mga bagon. iba sa nakita na nya.

hindi ugong ng tren ang gumising sakin kaninang umaga kundi mga pukpok ng martilyo. nakakabit na ng dalawang bagong pinto (na galing sa pinagsesekyuang bangko) sa bahay ang anluwage. naghagilap ako ng pandagdag dahil mukhang pansigarilyo lang uli ang iniabot ni Papa.

Saturday, August 13, 2022

espasyo

 Ok. 


Kinakabahan ako. 'yung kaba na alam mong papalpak ka. E mahal pa naman pumalpak. 'yung kaba na di mo alam paano magsisimula dahil alam mo rin namang papalpak at ayaw mong malugi sa panahon pa ng krisis talaga. 

Ok. Okatokat. Magbubukas kasi ng book shop. Kung second hand, brand new, rentals, o reading nook, hindi pa namin alam. Okatokat, book shop talaga sa panahong nagsisipagsara ang mga branches kahit nga sa imperyo ng book store. Kultu-kultura talaga ang papangahasan sa panahon ng krisis. 

Malulugi ako for sure. Palagi akong pamigay - dswd ako. Ayokong tumanggap ng pera sa tao. Ano namang palitan ang magaganap sa espasyo? Ilang palitan ang magaganap para makabayad kami ng renta 13,000 plus kuryente 2,000 plus may mga gamit pa na kailangang bilhin. Magpapasweldo ng tao, ako kaya susuweldo o mapapagod lang. If mapagod lang, anong maipupundar ko sa pag-aabyad ng espasyo? Anong currency o ibang anyo ng ganansya ang makukulimbat ko sa pag-okupa sa espasyo.

Nag-brainstorm kami ni Ipat sa furnitures na binili n'ya from Cebu. If gusto ko raw, dalhin ko sa space 'yung mga rattan na furniture. Cozy naman pero baka 'yun na lang 'yung nailaman sa space. Umupo ako sa malambot na sofa tapos kinuwento ko 'yung nabasa ko tungkol sa isang diwata na piniling maging shop owner sa Makiling at magkaroon ng mga problema ng mga mortal. Pangarap kong maging maliit na shop owner or taga-bantay sa tindahan, magkaroon ng suki at maging manininda. "Maayos naman yung buhay ko, at least ngayon may pinoproblema na ko," sabi ko kay Ipat habang nakakuyumos na ng higa sa malambot na unan ng upuang rattan.

hindi ko pa alam. sobrang gusto ko lang tumalon pero nanghihinayang ako sa pera kasi. haha


Wednesday, August 10, 2022

Zelda & Chill.


isang maulang hapon
gaya lang nang sanlibo
na maalimuom na hapon

nakabulumbon sa lamesa
gamit na face mask, mga libro,
journal, dalawang basong walang laman,
mga guyam, bolpeng di kanya ang takip
Nintendo na naka-pause ang buong Hyrule
ilang araw nang bangkay ang cellphone
                                                                                        (hindi naman huminto ang ulan)


bumagal ang daigdig.                                                 (oo, bumagal)    
tumutugtog ang Ben&Ben
nangalay ang leeg, sumandal
itinaas ang mga paa                                                   
                                                                                        Palangit.
                                                        








#

Setyembre 19, 2020



Friday, August 5, 2022

riles 11

hindi pa pala tapos yung usap tungkol riles.

umatras na nga ang Tsina sa pagpapautang pero tinitingnan namang balikan ang Japan dahil sa mas maliit naman talaga ang patubo nitong interes. mga babaeng senador ang bumuklat sa mas murang option, mas praktikal talaga ang mga nanay lalo na't panahon ng krisis. tapos na yung terrace namin kahit di pa pulido. nakapalit na rin kami ng ilang pirasong yero na bubong. maya-maya kapag tag-ulan na, burado na naman ang sticker ng survey ng perokaril. 

may dumadaan-daan din namang tren. may pailan-ilang sakay. ewan kung makakatuloy 'to in terms of kita, kung ang mga pasahero laang ay 50 pesos mula SPC-Lucena at hindi idederetso yung Maynila-Bikol. excited na rin naman sina Mama, Uwe at Top-top na sumakay ng tren. mas concern nila yung hagdan paakyat-pasakay ng tren. Akala nila may platform or at the very least may de-tiklop na hagdan sa tren tapos bababa yun kapag sasakay ka na. PERO may nakaumang daw na dalawang hakbang na hagdan paakyat sa buntot ng tren na tumigil sa may crossing. walang platform, walang collapsible na hagdan. ang baduy, sabi nina Mama pero kailan daw kaya kami makakasakay?

parang okay na rin na magpautang ng riles ang Tsina kesa dal'hin nila 'yung pera nila sa paglalayag paligid-ligid sa Taiwan.