Tuesday, August 23, 2022

peste

Pagkatapos ng paraket-raket at walang regular na trabaho simula pandemya ay balik regular na trabaho ako. Regular as in araw-araw pero kontraktwal pa rin -proj based. Di ko naman kailangang araw-araw na sumulpot sa trabaho, dalawang beses lang in a month. Kaya siguro kada punta ko ng uplb (elbi) pagoda ako. Gutom ako lagi pagkababa ng dyip. 

Isa na sigurong pinaka masarap na kain ko ay isang maulang gabi na galing sa serye ng meeting na pwede naman sanang email na lang lahat. Binaon ko pauwi yung bulgogi at orange na rice na food during the meeting. Umorder lang ako ng kape at ube-keso pandesal sa 7-Eleven para makakain doon. Paparating na si bagyong Florita at wala ngang pasok sana kaso nasa elbi na ko eh. Pagsubo ko, ang sarap-sarap, siguro dahil pagod ako buti na lang din isinama ko rito yung rice ng boss ko na ibinawas nya sa servings nya. Tapos, lagok ng kape. Nakikinig ako sa kung anong podcast kahit wala akong naiintindihan na, maulan sa labas. 

May kumalabit sakin. Alis ako ng earphones. May pinaliwanag. Balik uli ako earphones, tapos subo uli. Ang sarap talaga ng baka at omellete yata na kalamares. Kulbit uli si Kuya, may mga nakatingin na maraming lalaki sa'kin. Paliwanag uli s'ya. Magbobomba sila ng peste at lalabas silang lahat. Suot uli ako ng earphones, subo ng isa. Saka ko lang naproseso. Tanggal uli ako earphones at lumingon kay kuya, "kailangan ko na bang lumabas ngayon?" Humingi ng despensa dahil gabi na rin at babagyo pa. Wala pa ko sa kalahati ng take out kong hapunan nang palabasin ako dahil sa mga peste. Wala man lang warning sign na no-store hours from this time to that time. Peste, sarap-sarap ng kain ko e. 

Bare minimum na lang ako sa trabaho ngayon. Di dahil di ako passionate or wala akong gana. Napapagod pa rin naman ako sa mga meetings at learning curve ko pa rin naman. Gusto ko lang tipirin ang energy ko ngayon at 'wag itaya lahat sa nagpapasweldong institusyon. Sideline ko lang ang dayjob ko now. Marami pa akong ibang buhay na ilaglag o alagaan man ng institusyon, hindi na ako hindi ako plakda. May iba pa kong advocacies na sinusutentuhan ng sweldo ko sa dayjob at rakets.

Aabot naman siguro ako sa bahay. Paghahatian pa namin ang mga koreanong ulam. Next time, magdadala na ako ng ziplock para iuwi ang mas maraming di ginagalaw na pagkain mula sa opisina. Ang bago kong advoacy: zero food waste at tipid-pasalubong-tito gang.


No comments: