Tuesday, November 26, 2013

Darating din ang Kailan

Sa hampas ng hangin, 
Sa lurok na ulan, 
Mga ipu-ipong tila walang katapusan, 
Marahil parati nating usal 
Kailan muling sisinag ang araw? 

Kung maingay na ang gatangan, 
Kung naiiga na ang balon, 
Himig ng pag-asa'y di marinig, 
Natabunan na ng kalam, 
Kasabay ng tighaw 
ang bawat tanong kung kailan. 

Mga pangakong tila naligtaan, 
Mga dalanging walang tugon, 
Tapat Siyang nangako kailanpaman. 
Tibayan ang kapit, ihip ma'y di mo alam. 
Darating din ang kailan. 

Kung kailan ang araw, 
Kung kailan ang ulan, 
Isa lang ang nakakaalam. 
Kamay man nya'y di mo nababakas. 
Tangi nating lakas, 
na darating din ang mga Kailan. 



   Hindi dapat pinapaliwanag ang tula. Pero dahil anlaki ng pasasalamat at panghihinayang ko, kaya kailangan kong magpaliwanag kung bakit ako nag-a-alay ng tula para sa mga nasalanta ni Yolanda. Hindi man ito sing tindi ng mga suntok ni Pacquiao na alay din nya sa pagbangon ng kabisayaan. Gusto ko lang mag-alay ng tula sa Tagalog.

   Hindi naman nila makakain ang tula. Kaya nga nagpapasalamat ako ng maisama sa isang tula nanaisulat ko sa Ingles sa isang antolohiya na sana ay may mga bumili nga at ang proceeds di umano'y mapupunta sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo. Yushuk! Una kong beses ma-publish sa labas ng campus publication. 

   Isang dibdib mo lang kasi sa mga heads, at maisisingit mo na ang akda mo don. Pabruskuhan na, saka na tingnan ang content. Pero iba 'to may nagtiwala sa sining ng pag-gawa ko ng tula. Natuwa nako, nakatabang pako.

No comments: