Lumabas kaming apat, nina Roy, Jeuel, Alquin; para kumain. Nang puntahan ko sila sa kanilang istasyon ng OJT, sinong makakapagsabing makakarating sila ng ikatlong taon sa kolehiyo. Halong tawa at awa ang naramdaman ko ng ipakita nila sakin ang hiwa-hiwang kamay dulot ng pag-aani ng mais. Awa dahil alam ko ang hapdi ng bawat hiwa. At tuwa dahil nararanasan na nila ang realidad ng karerang pinili namin.
Walang makapagsasabi ng bukas. Kumain kami ng lugaw. Nakapagkwentuhan ng konti. Kapos pa nga ang ilang sandaling paglabas para sa mga sanlibong kwentong nais ibahagi ng bawat isa. Habang niluluto ang mga burger, napagusapan namin ang dati naming playlist. Na sinakop nina Justin Bieber, Katy Perry, Adele at Jason Mraz. Nakiki-jam rin sa Parokya, Black Parade, at kahit sa Westlife. Pero sino makapagsasabing iba na ang tumutugtog sa playlist namin ngayon? Wala na nga ang mga araw na 'yon. Sabay isinara ng ilang hinga ng tawa ang usapan.
Si ganito, nakakilala na. Si ganyan, nag-lie low ngayon lay-lay na. Ayy!!! Kasi nga walang makapagsasabi ng bukas. Pumunta kami ng paborito naming tindahan ng tinuhog na bolang kahel.Namimiss namin ang asim ni Ate. Ng suka nya. May kakaiba kasi sa suka nya. Pagdating namin don nagulantang ako sa nakita ko. Walang kwek-kwek. Wala. Wala kahit isa. Bagkos ay mayroong mga tinuhog na karneng baboy. At dahil nagaayuno kami o nagtitipid lang talaga. Hindi na namin sinadyang bumili sa kanya.
Habang papalayo, nakatanggap si Ate samin ng konting Business tip: Sana hindi niya binigla. Kung mag-i-introduce siya ng bagong produkto, sana naglagay pa rin siya ng kwek-kwek. Hindi 'yong biglaang palit. Paano na lang 'yung mga parokyano di ba? Sa araw-araw kasi na dumadaan ako don, kwek-kwek at kwek-kwek lang talaga ang tinda niya. Pero wala nga kasing makapagsasabi kung anong meron bukas.
No comments:
Post a Comment