Tuesday, November 12, 2013

Nabasa ko yung 'It's a Mens World'

      Ilang araw ng bumabaha ng kwentong kababalaghan sa telebisyon. Binuburo na ng mga feature/screen writers ang mga manonood ng mga temang katatatakutan dahil nga mag-u-Undas na at tradisyon na'to sa pagsusulat sa telebisyon. Kaya ika-1 ng Nobyembre ay nagpasya kami (kasama ng 2 pang kaibigan) na maghanap na ng alternatibo. Umay na kami sa mga kinetchapang prostetiks na mga zombie. Yung isa abala sa pamimili ng scrapbooking materials, yung isa naman kumuha ng Calculus 6 (di ba mas horror ‘yon?) at ako; nadampot ko yung It’s a Mens World, isang limbag ng Anvil.“Bilhin mo 'ko! Hoh! hoh!” sabi ng kakaibang tinig. 

        Akala ko alternatibo. ‘Yung blurb sa likod madugo rin pala. Tungkol sa mens o regla. Tapos ‘yung disenyo ng pabalat ay mababakasan ng pangungulila. Marahil, pangungulila sa kahapon. Throwback ang tawag kung ang hashtag ang tatanungin natin. Walang masyadong pa-misteryo epek yung pabalat pero dinala ko pa rin sa counter.

      Akala ko nga Ingles yung libro gawa nung title, wala pa naman akong masyadong tiwala sa mga Pilipinong nagsusulat sa Ingles noon ; pero Pilipino ang wikang ginamit. Ibahin mo ang aklat na’to dahil para ka lang nakikipaghuntahan sa isang kabigan habang namumulutan ng sitserya. Casualan lang. 

      E di binasa ko na nga, ‘yung It’s a Mens World pala ay isa lang sa mga sanaysay na nakapaloob sa libro, kung saan ikinuwento ni Bebang Siy, ang awtor, ang kanyang unang regels. Isa pala areng koleksyon ng mga creative non-fictions na sumasalamin  sa buhay ng marami sa'tin. Mga kwentong pambata, pang-PBB teens, at mga di masyadong pambata. Mga kwento ng paghihiwalay at pangingidnap ng sariling anak. Nagturo rin ang awtor ng pakikipag-away sa konduktor, pagnanakaw sa tindahan, at pamemreym-up sa kapatid  bilang salarin sa pagwiwi sa higaan. At marami pang sanaysay na kapupulutan ng moral lessons.

"Bakit mo dinorowingan 'to?"
          "Kay Bebeang na drowing 'yan!"

"Ilang sanaysay pa ba? Asan yung table of contents?"
         "Ayan o, sa ibaba nung drawing!"
"Map Legends kasi nakalagay eh."

"Pangkababaihan daw ang panitikan ni Bebang."
          "Ano? Nasa kalagitnaan na'ko tapos pambabae?"

      Sabi nila pangkababaihan daw ang panitikan ni Bebang. Siguro nga, dahil kay Kuya Dims? Pero hindi naman siya eksklusibong ‘women's lit’. Sabi nila bastos raw? Dahil hindi siya gumamit ng bulaklak bilang euphemism ng [censored]? Pero wala kasing bastos ‘ron dahil parte talaga ‘yon ng pisikal nating pagkatao. Nila, parte lang pala nilang mga kababaihan. Hindi 'romansa element' ang nais ipahatid ng manunulat. May mga mensahe para sa mga inabusong babae at mang-aabusong mga lalake. (Kung walang bastos, bakit ko sinensord? Para walang hassle sa eksplanasyon sakaling mabasa ni Pastor ang rebyu na ito.)
     Pero seryoso, may mga sanaysay din naman na may moral lessons talaga gaya ng pagpapahalaga sa pamilya, kahit ang gulo-gulo nila habang nagsusulat ako. Pag-ala-ala sa mga kaibigan, kahit hindi nila binabasa o binibisita man lang ang blog mo. At marami pang iba kung bibigyan mo lang ng pagkakataong pakinggan ang kakaibang niyang tinig.

       

Si Bebang Siy (soon to be Verzo) ay manunulat na parating dinadatnan ng malikhaing ideya na amoy ang lansa ng danas. At kung dadalawin rin siya ng kasipagan, parating na rin ang It’s Raining Mens (Anvil) at Boys 2 Mens (Nuno sa Punso) (Visprint) sa mga istante ng paborito mong buk-istor.


Ratings: Change this book! 
             Ibahin mo ang aklat na'to!


No comments: