Thursday, January 9, 2014

Prefeys - Collegeopoly: 5 Taong Pagpaparoo’t-Parito sa Kolehiyo





   Dito ko siya sa dine-area ng mumunti naming kantina sinulat. Pero dati nang wala pang mga naghahabaang lamesa’t upuan, study area ang tawag dito dahil pinagdadausan din ‘to ng klase noong suuuuper kulang pa kami sa pasilidad. Buti ngayon, kulang na lang. Pero dahil suuuper simple ng shed na ito mas kilala ito sa taguring Bus Stop. Mula noong Bus Stop hanngang naging  dine-area ay erkon pa rin ito. Erkon-tinyus. Tagusan lang ang malakas na hangin na minsan ay mag-gagarnish ng tuyong dahon ng santol sa tanghalian mo.

   Tamang-tama kasi yung gulo, kalat, at mga mantsa para isalarawan ang buhay kolehiyo na nilaro ko. Mga ligwak na iskor, mga lagpak na grades, mga palpak na desisyon, at iba pang sulpak ng malupit na akademiya na ipinutok sakin. Katulad na katulad ng mga mumo ng kanin at hibla ng mga pasta na nagkalat ngayon sa mesa. Ang pinagkaiba lang hindi ako nilalangaw tulad ng mga mumo. Hindi ako nabulok. Lalong hindi napanis.

   Sa limang taon ko sa kolehiyo, nagkaron din ako ng lakas ng loob para i-feature ang ‘collegeopoly’. Halata namang inspired ng larong monopoly na nakabatay ang takbo ng laro sa pag-gulong ng mga dice. Naranasan kong ma-late (madalas) at naransan ding pumasok ng maaga. Naranasang magpapotokapi at hindi rin ito binasa. Naranasang bumatos sa kantin kahit nag-extra rice pa ako noon. Naranasang makipaglaban sa kaklase, sa instructor, sa ibang course, at maging sa iba’t-ibang universities. Naranasang mag-term exam ng 20 mins at naranasang ma-surprise sa quiz na announced naman. Ehem!Ehem! Naranasan ko ding mag-top sa exam at siyempre mag-flop. Ehem ulit. Naransan ko din naman (taas muna ng kwelyo at hawiin ang kilay) na makakuha ng UNO at maabot rin ang kailalalimang singko.
Naging malawak ang karansan, kaisipan, at kakayahan ko sa loob ng limang (nakakainip, nakakabitin) na taon. LIMA kahit apat na taon lang ang kurso ko. Alin ba ang mas masarap? Ang tocino na matagal na nababad? O ang tocino na MAS matagal na nababad? Pero ang katotohanan ay hindi ako tocino. Kaya malamang sa malamang ay nagdadahilan lang daw ako sa aking ka-iresponsibilidad-an pero tinatawag ko ‘yung ‘special curriculum’.

   Special? Parang buko pie, pinagong, at halo-halo, angat ng kaunti sa  ordinaryo. Curriculum na ako mismo ang nagdisenyo, pinili ang pinakinggan, hinirang ang pilosopiyang inakap, at nag-tenor ng dapat umimpluwensiya. Sa tinagal-tagal kong naglaro, nagkaro’n ako ng sariling pamantayan ng ‘matalino’ na kahit ako mismo hindi ko kayang abutin. Marami ang nagbago. Kung dati hinahangaan ko na ang mga babaeng maputi, tsinita, at naka-braces ngayon mas humahanga ako sa mga taong may kakayahang gawing demokratiko ang pag-aaral sa ilalim ng diktator na syllabus, kumawala sa kumukulong na kahon ng ordinaryonismo, sumugal sa walang kasiguraduhang tagumpay, at umukit ng maimpluwensiyang buhay. Mature-kuno na ang crush-criteria ko na sa tingin ko’y dapat lang sa pumuputi ko ng buhok.

   Ang Bus Stop na kainan sa tanghali ay patuloy pa rin palang nagiging study area para sa mga nag-ra-rush ng lesson plans, naghahanda sa recitation sa Topology, nagtse-tsek ng prototypes, at naghahabol ng mga laboratory exercises. Lahat kebs na sa mga nag-aawayang aso, malangis na lamesa, at nagbabantang mantsa mula sa mga sarsa; makakuha lang ng markang pasado sa panlasa.  Ano nga ba ang depinisyon ng kolehiyo sa iba? Palagi akong may mga tanong na sapat ng isagot ang Ewaaaaan.

   Siya ka na, bago pa maging fusion ng preface, opinion, critical paper, featurettes, at anekdota let’s get the dice rolling…

(Collegeopoly: 5 Taong Pagpaparoroo’t Parito sa Kolehiyo will be published in The Traviesa Newsletter Issue No.4)

No comments: