Saturday, January 18, 2014

Sinag ng Buwan

   Kakatwa yung buwan nung isang gabi. 

   Naglalakad ako nun pauwi at bagaman Enero na at tapos na ang Amihan, ay malamig pa rin ang dampi ng hangin. Tumunghay ako para sa mga bit'win, madalas ko yung gawin; pero bigo dahil sa maulap ang langit. Gayunman, maliwanag pa rin ang buwan at ambilis-bilis ng galaw ng ulap na tumatakip rito tila naghahabol sa clearance sale. 

   Maya-maya pa. 

   Napatanga ako ng tumingala ulit. Nawala na ang tumatakip na ulap at may kakaibang ring sa langit. May pabilog na sinag na nakapalibot sa buwan. Parang halo, ganun. "Ngayong gabi, ako ang bida" sabi ng glamurosa at mahiwaga nitong liwanag. 

   Tinaas ko ang aking kamay at binukas ng malawak ang palad. Habang nakatapat sa buwan winika ko: "Moon Crystal Poweeer..." 

   Pero walang biro, nakakaakit ang gayak ng buwan nang gabing yon. Ayon sa mga metereologists, isang normal na pangyayari ito kung saan tumatama ang liwanag ng buwan sa mga ice crystals sa atmosphere. 

   Ilang oras pa, nalaman kong moon halo pala ang tawag dun.

No comments: