Wednesday, January 15, 2014

Writer's Block: Isang Emergency Holiday

Nakakainis! 

Mga panahong wala kang maisip na matino para isulat. Na parang 8kg dumbel ang bigat ng bolpen. Hindi makasulat sa papel. Lalo na sa blog. Tigil ang update. Nakakafrustrate. 

Ayoko sanang maniwala sa writer's block, pero habang tumatagal ako sa pagsusulat ay mas nagiging kaibigan ko ito. Hindi ko siya gusto pero parang isang taong hindi mo vibes ang ugali pero dapat pakisamahan. 'Pag naasar ka, ikaw ang talo. 


Kahit ang pagkakape wala na ring nabibigay na magandang timpla sa sulatin. Wala ng tapang. Wala ng init. Sing lamig na ng ilong ng pusa ang pagsusulat. 

Siguro sa dami ng mga nagdaang danas na maaaring isa-akda ang dumaan at hindi naisulat, hindi dahil ayaw ko kundi wala akong pagkakataong umupo; e nagtampo na ang aking panulat. Minsan tinatrato ko na rin siyang may buhay para may masisi lang ako. 

Naghihingalo na siya. Paubos na ang tinta. Lumalabo na ang bawat paghagod ng panulat sa papel. Pakilasa ko'y me sakit ako na walang gamot na mabibili san mang botika.Minsan sinisi ko yung papel, masyadong madilim nakakatamad magsulat. Minsan naman masyadong maputi, nakakasilo mag-umpisa. 


Yung kahit nga nakapanalangin ka na, wala pa rin. Kapag gan'to, hindi ko na pinipilit. Naglilinis muna ako ng bahay, kakausapin si Chow-chow habang pinapaliguan, pag-aawayin si Dashu at ang pusang iskwater, maghuhugas ng pinggan, maglalaba, at matapos alilain ang sarili; pag pawis na pawis na at nangangamoy na saka ako uupo. Napansin ko lang to lately.

Pero may mga araw talaga na wala, wag ng magpilit dahil minsan kailangan mo ding gumawa ng isusulat mo. At sa oras na tinatawag kang muli para magsulat, e di sumulat na parang superheroe na walang choice kundi magpakabayani.

Sa ngayon may 2 akong gamot sa writer's block:
1. Wag magsulat.
2. Magsulat at tigilan ang pag-iinarte.

No comments: