Tuesday, February 3, 2015

Likhaan

   Galing ako ng Pangkalahatang Pagamutan ng Pilipinas (PGH) dahil kay Jeuel/E-boy. Manhik manaog ako sa 6th floor dahil nagdala ako ng non-biodegradable na lalagyan ng pagkain. At dahil hindi pwedeng ipasok 'yun kailangan kong balikan sa baba at isalin sa reusable na lalagyan. 

   Environment-friendly ang PGH. Astig! Ang hindi astig ay ang kanilang blockbuster hit na elevator sa sobrang haba ng pila. Hindi rin astig ang kalagayan ng kaibigan kong si E-boy. Pero sa ibang kuwento pa 'yon. 

   Umuwi ako ng bandang alas-siete. Sobrang napagod ako dahil na rin siguro sa stress ng trabaho at kalsada. Ramdam ko na naghihina ang mga binti ko. Tapos, parang nabanat talaga ang mga kalamnan ko sa hita. Pagdating ko sa 'kumbento' ay mag-uumpisa na ang aming pag-aaral-Bibliya na t'wing Lunes ng gabi sa pangunguna ni (Pastor) Kuya Caloy.

   Hinamon kami ni Kuya Caloy na basahin muli ang Genesis 1- 2:4, yung walang-kamatayang story of Creation. Tapos, may magkukwento sa'min noong nabasa namin. Ire-retell 'yung kuwento ng paglikha. Hindi siya biro dahil mahirap tandaan 'yung pagkakasunod-sunod. Kahit na ilang beses ko na'tong nadaanan simula pa lang ng nasa crib pa lang ako, hindi ko pa rin memoryado 'yung sunod-sunod na nilikha ng Diyos.

   Mahalaga ang retelling o recalling sa proseso ng pagkatuto. Ayon sa online course na Learning How to Learn, mas nakakapag-chunk tayo ng mga ideya o datos kapag nauunawaan natin ang mga mahahalagang puntos ng isang bagay na inaaral natin o pilit inaalala. Mas naililipat ang mga chunks of ideas/knowledge na ito mula sa working memory palipat sa long-term memory kapag sinusubukan nating i-recall ang mga ideya na babagong nakuha natin. Mas mainam nga raw ang recalling kaysa sa  passive rereading at cramming.

   Sinubukan kong i-kuwento 'yung paglikha sa pinakapayak na paraan. Pumikit ako tapos inumpisahan kong pagalawin ang imahinasyon ko at sinubukang ikuwento yung mga nagpa-pop-up na mga pictures sa utak ko:

   "Umpisa pa lang daw, andun na ang Diyos. Ang hirap ngang mag-isip ng wala eh. Tapos, lumikha siya ng liwanag. Inaayos niya yung tubig, may above at saka below kasi. Yung nasa taas ay tinawag niyang heaven (di ba may water content naman talaga ang atmosphere?), tapos pinagsama-sama niya yung tubig sa baba at tinawag niyang sea. 
   Tapos, nagpa-ultaw siya ng lupa. E di 'yung earth kulay blue at brown lang. Parang ampangit. Hindi... Hindi pala pangit dahil lahat pala ng creation niya ay good. May mas maganda pa pala siyang gagawin at 'yun nga; lumikha siya ng lahat ng klase ng plants. Siempre, naisip niya na yung mga green plants kailangan kumain. Kailangan ng photosynthesis, kaya gumawa siya ng sun pati na rin ng moon at stars. 
   Tapos, gumawa rin siya ng maraming isda sa dagat. Mga ibon sa langit. Tapos gumawa rin siya ng iba't-ibang animals sa lupa. Lahat ng creation niya sinasabi niyang "It is good". Parang artist lang di ba? Kapag nakakatapos ng isang obrang pinaghirapan talaga sinasabi natin, "Wow, ang ganda ng gawa ko". Pero sa lahat, ginawa niya tayo in His image. Tayo lang ang ganon. Tapos, nagpahinga na Siya."

   Mukhang simple lang na klase sa Religion noong elementari. Yung pagkukwento ko, nakabawas ng malaki sa pagod ko. Nakakarelax na ang laki-laki pala ng Dioys ko. Pero marami pa lang mahihinuha mula sa kwentong ito bukod sa stress-relieving at ito nga ang ilan mula sa aking mga housemates:

Ate Malyn: Meron tayong isang Creator at bago pa man ang lahat, and'yan na Siya.
Ate Tin: Si God ay God of Order kasi inayos niya talaga.Hindi halo-halo yung night and day, stars and moon.
Ako: Mahilig Siyang magpangalan. Andaming "and he called" sa buong chapter. Ex: And he called the light as day, and the darkness as night.  
Kuya Phillip: Nilikha Niya tayo in His own image. Tapos lahat ng kailangan natin nilikha na Niya kaya wala tayong karapatang magyabang.
 Rica: Paano kaya kung unang ginawa ng Diyos ang tao? (Siempre, hindi mo makikita yung tao kung siya ang unang ginawa. Black lang ang makikita mo dahil wala pang light.)
Ako: He's a good Creator dahil lahat ng cri-niate Niya ay good!
   Pero ito ang gumulantang sa'kin:
Ate Tin: Lahat ng ito ay ginawa Niya by His words. 
   Itinuro sa'kin dati sa Bio na lahat ng living things ay made-up of cells. Sa Chem naman, lahat ng matter ay binubuo ng atoms. Pero lahat pala ng nasa paligid ko ay galing sa salita. Kaya siguro mahilig ako sa words, sa writings dahil napapaligiran ako ng mga bagay na originally ay mula sa salita.

   Kanina sa banyo habang naliligo ako papasok sa opisina. Gumagalaw pa rin ang utak ko ang proseso ng paglikha. Tapos, dahil unti-unti na'kong nagigising dahil sa lamig ng tubig, ay naiisip ko na ang mga dapat kong tapusin ngayong linggo. Nakalimutan ko na nagbigay ng pattern ang Diyos sa mainam na paglikha. Kung tutuusin kaya Niyang likhain lahat sa loob ng isang araw lang, pero ginawa niya lang ng paisa-isa. Sa palagay ko'y na-enjoy ng Diyos 'yung proseso ng paglikha. 

   Nagbuhos na'ko ng isang tabo, mas handa ng dumaan sa proseso.
    

   



 

No comments: