Ang Abril ay idineklara bilang buwan ng Pambansang Panitikan. 'Sing alab ng araw ng tag-init ang paglikha ng kamalayan, interes, pagpapahalaga, at pag-ibig sa panitikang Filipino. Yesh dear, may literatura tayo bukod sa Noli at Fili! Kaya bitiwan mo muna si John Green at Pitacchus Lore at humagilap ng Filipiniana. Bigyan mo naman ng chance!
Mag-dadalawang taon pa lang ako sa pagbabasa ng panitikang Filipino, marami pa nga sa mga ito ay pop lit ang kategorya pero Noypi ang sumulat kaya pop man ay "lit" pa rin. Nagbabasa pa rin naman ako ng panitikan mula sa ibang bansa pero ngayong buwan itinakda ko na PanFil (Panitikang Filipino) lang muna ang babasahin ko bilang pakikiisa sa pagpapakilala ng sariling panitikan sa bayan. Ibig sabihin ba ay hindi kilala ng bayan ang sarili nitong panitikan? Hindi ako eksperto para sagutin ng tama ang tanong.
Hanggang apat na aklat lang ang kinaya kong matapos ngayong buwan. Apat na nobela ang (pinilit) tinapos. Ito ay ang sumusunod:
1. Bata, Bata Paano ka Ginawa - Ito ay nobela ni Lualhati Bautista tungkol sa pagkakaroon ng dalawang panganay na anak ni Lea Bustamante. May asawang hiniwalayan at lalaking kinakasama si Lea. Bukod sa problemang pampamilya ay lalong nagpabigat ang problema ng bansa. Pililinas sa panahon ng Martial Law kasi ang settings. Matapang nitong tinisod ang baluktot na sistema ng gobyerno, tinuligsa ang militarisasyon, paglabag sa karapatang pantao, at turing sa kababaihan.
Hindi ko akalaing ma-eenjoy ko pala ang humor ng totoong buhay habang natutunan ang buhay ng mga batang lumaki sa set-up na magkaibang tatay.
2. Kapitan Sino - Hindi ko alam kung ito ay nobela o novella. Si Bob Ong ang may akda ng Kapita Sino na isang kwento tungkol sa kabataang undergrad at self-employed na superhero; si Rogelio. Actually, mas ipinakita nito ang kwento ng mga taga-Pelaez kung paano ito nabubuhay sa araw-araw, nabubuhay sa panahon ng krisis at nabuhay na kahihingi ng tulong. Noong una ko itong nabasa parang poverty porn na naman. Napaka-3rd world setting na naman. Medyo malungkot nga lang ang ending dahil ang mismong superhero na palaging tumutulong ay hindi natulungan ang sarili. Parang reality sucks ang feels. Ganern.
Na-enjoy ko pa rin naman ito lalo na ang corny part nila ni Tessa, isang bulag na babae na epitomiya na naman ng kahinaan (nabiktima kasi ito ng halimaw). Super spoiler na ang mini-review na ito.
3. Tatlong Gabi, Tatlong Araw - Isang nobelang nakatsamba raw sa Palanca ayon sa may akda na si Sir Eros Atalia. Natapos ko to ng less than Tatlong Gabi, page turner kasi talaga. Tungkol ito sa Magapok na ipit sa problema ng rebelde, minero, ilegal loggers, bandido, epal na politicians, at ng tradisyon. Naalipin ng mga maling takot at nabulag sa mas dapat na katakutan. Ang kwento ay mula sa lente ni Mong, isang journalist, na dating nagsusulat at gumagawa ng misteryo pero hindi maipaliwanag ang misteryo kinasadlakan niya at ng Magapok.
Ayokong mang-spoil, basahin nyo na lang. Natuwa pa rin ako sa nobela kahit nahulaan ko ag ending nito. Hindi naman ito pahulaan ng ending talaga kundi makuha mo ang mensahe ng nobela.
4. Ang Mag-anak na Cruz - Isinulat ito ni Liwayway Arceo at unang lumabas sa tagalog magasin na Liwayway. Ito ang challenging dahil 50s pa ang akdang ito na tumatalakay sa Filipino values na bahagya nang nag-iba sa ginagalawa kong panahon. Medyo nahirapan ako noong umpisa na pumasok sa kuwento pero eventually naging kaibigan ko na ang pamilyang Cruz.
Gusto kong gawan ng rebyu ang bawat nobelang ito. 'Yung medyo matino at hindi paspasan. Saka na kapag naka-upo na ulit para sumulat. Sa ngayon, basa-basa muna ulit.
No comments:
Post a Comment