Monday, May 4, 2015

Napanood namin ang Avengers: Age of Ultron


Ang dami kong time para mag-isip ng title para sa entry na ito.

Nag-apply kami nina Roy, Alquin, Jeuel, at ako sa aming Alma Mater - sa SLSU. Kailangan dalhin pa sa HR ng main campus sa Lucban ang resume at cover letter. Wala bang e-mail ang HRMO namin? Gayunpaman, sinadya na namin ang pagpapasa roon. Buti na lang at papunta rin sina Babes, kapatid ni Jul sa Lucban para naman magpasa ng rekusitos sa pagpasok nito sa College of Arts and Sciences; nakisakay na kami sa van nila. Laking tipid na ng 80 pesos na gagastusin papuntang Lucban. Nakasama rin si Jul kahit hindi naman ito mag-aaply. Makapag-joy ride man lang.

Lahat pala ng application namin ay for teaching position! Wala pang-3 mins ang pag-aabot ng application. Ite-text na lang daw as usual. Mabilis ding natapos sina Babes kaya lumibot-libot muna kami sa bayan ng Lucban. Tapos, umuwi na rin.

Bumaba kami ng Lucena. Daan muna ng mall para sa ilang bibilhin. Tapos, kain na rin ng tanghalian. Si Jul, hindi na nakababa dahil hindi na pinayagan ng daddy niya. Medyo hilo na rin kasi sa biyahe. So, kaming tatlo na lang nina Alquin at Roy. Kumain kami sa Adobo Connection dahil umaapaw ang Mang Inasal at para maiba  na rin. Nagkakwentuhan na parang hindi matatanggap sa application. Nagpaka-nega star. Tapos, nagkakwentuhan sa Avengers 2. Nagkatuksuhan. Nagkatulakan na rin sa panonood. I-selebreyt na natin kako ang pag-aapply natin. Ma-justify lang.

Bumili muna kami ng makakain sa department store tapos pumasok na kami 15 mins before 2pm show para maabutan ang mga trailers. Mahilig kami dun e. Hiyawan na agad sa trailers pa lang.

Inilapat ang likod sa malambot na upuan at it's showtime! Ito ang ilang kaisipan namin sa palabas:

1. Hindi ko ma-gets yung pagkakabuo ni Ultron. May sariling kaisipan sa loob ng setro ni Loki (naiwan noong part 1). Tapos, nag-merge sila noong si Jarvis na AI ng control center / database ni Tony Stark. Parang fusion, tapos 'yun nagkaron na ng ibang entity na trip na namang wasakin ang daigdig.

2. Wala bang villain na ang gusto lang wasakin ay kagutuman o kahirapan? Huwag naman buong mundo agad. Wasakin lang siguro yung mga mapang-aliping pamahalaan. Masyadong apektado rin ng globalisasyon kahit mga super villains.

3. Ang laking pressure kena Black Widow at Hawkeye ang makipagsabayan sa mga super humans na sina Thor at Capt. Kano at mad scientists na sina Iron Man at Inc. Hulk. Hindi rin pala kami aware sa background ng mga ito.

4. Nasaan ang mga babae nina Iron Man, Thor, at Incredible Hulk? Bakit wala lahat sa istorya? Cool off? Sabay-sabay talaga? Baka may conference na inattendan; Paano magpa-hostage sa super villains effectively.

5. Noong lumapit si Ultron sa isang bioengr na koreana. Yung kayang mag-re/generate ng body tissues. Naisip namin kung Pinoy sana ang lalapitan ng super villain para tulungan siya sa kanyang evil plans, medyo aantas ang tingin sa ating kakayahan. Tapos, magtatagalog yung bioengr "hindi, hindi kita tutulungan! patayin mo na lang ako!". Para sa humanity! Pinoy pride!

6. Ang hirap intindihin ng concepts ng kapangyarihan ng foreign superheroes bakit sa Pinas, lumunok lang ng bato, may powers na! Magtaas lang ng barbel, hero mode na! Kahit yung mga motivation ng characters may conflict din kung para sa bayan ba, para sa sarili, sa ngalan ng siyensiya as in sense of accomplishment, may mga ganyan ang Marvel heroes. Sa atin may pumalahaw dahil sa holdaper at halimaw, yun na yung motibasyon para tumulong.

7. Wala bang superhero na pagkatapos ng mighty deed niya ay i-aatribute niya ang glorya kay God? 

8. Noong mga oras ng humanitarian crisis, 'yung mga tao, hiyawan lang. Paliritang-paliritan. Hindi pa ba sila naihanda ng gobyerno na mga ganitong uri ng krisis. Sana may readiness campaign sakaling lumutang ang isang super villain sa oras ng office work mo. Dapat may mga drills na ukol dito. Sana may nakita akong nagdedebrief man lang sa mga refugees. Bukod sa pag-eevacuate ng SHIELD sa mga refugees, wala na kong nakitang partisipasyon ng mga non-Avengers sa kwento.

9. May naligtas na isang aso ang SHEILD. Mahalagang ma-ensure din ang animal safety at welfare sa mga ganitong krisis.

10. Noong nagkagulo sa leadership at commands sina Capt Kano, Iron Man at Thor, parang naging positibo pa ang result. Ganito nga ba sa real life? Bakit hindi naman sa Mamasapano tragedy.

11. Napakasama ni Roy. Gustong-gustong patayin 'yung character ni Hawkeye. Kita mo nang may pamilya. Ampayak-payak ng pamumuhay sa kabukiran, may mga anak, at buntis pa ang asawa, tapos papatayin mo lang para may drama. Hindi si Hawkeye ang namatay kundi si Quicksilver. 

Ayokong magtapos sa cliche na "hindi mo naman kailangan ng super powers para maging bayani". Ang totoo kasi marami kang magagawa kapag may powers ka. Ang mas totoo pa, hindi mo kailangan ng super powers para maging villain. Ikuwento mo lang ang ending sa mga hindi pa nakakapanood at instant super villain ka na!


No comments: