Kagabi itlog ang ulam namin. Mayaman sa protina ang itlog. Pero ilang araw na atang itlog ang ulam namin. Nilabon. Kinasaw. Sunny-side up. Puro itlog hanggang kaninang umaga pati na ngayong tanghalian. Binuksan ko ang rice cooker, tumambad sa' kin ang tatlong itlog na nakasapaw. Hindi na nakaka-eggcite kumain. Itlog na rin ata pati humor ko.
Maghapon sa bangko at nagbabantay ang tatay ko bilang isang sekyu. Pagkalabas sa trabaho, dahil puro liga ngayong summer ay nagrereferee naman ito sa mga baranggay. Halos hating gabi na nga umuwi. Ang nanay ko naman ay madaling araw na magbukas sa palengke ng kanyang puwesto. Tapos, may sideline pa ito ng pagtitinda ng kape sa mga nagbubulante.
Hindi naman kami naghousing loan. Wala naman kaming iniipon para sa family car. E ni wala nga kaming Wi-fi subscription. Hindi ko mawari kung bakit palagi na lang kaming itlog! Mataas kaya sa kolesterol ang itlog at hinahayblad na ata ako.
Wala akong trabaho at mag-iisang buwan na kaya wala akong maipag-wika tungkol sa aming ulam pero anak naman ng buni, bakit kailangang magkanda kuba sa pagkayod para lang sa pang-ulam na itlog?
Nagtawag ang kapatid kong si RR para kumain. "Akong bibili ng ulam" pagbibida niya ay siya raw ang bumili ng ulam. Ispesyal ang kapatid ko kaya meron siyang speech impairment at medyo magulo rin ang tenses ng kanyang verb. "Shh..wag kang iingay!" sawata niya sa akin ng gisingin ko ang nanay ko para kumain. Alam na this.
"Ma may dalang ulam si RR,"
Napakislot ang nanay ko sa kanyang paghiga.
"San galing kaya ang pera?!"
"Ewan, dalawang order e.
San daw galing ang pera mo?"
Tumayo ang kapatid ko at kinuha ang bente pesos mula sa bag ng nanay ko at inabot niya kay Mama ang bente. "O, sukli" sabi nito at bumalik na sa kinakain niya.
Yun na nga. Isandaan daw yun sabi ni Mama at panghulog daw niya yun kay Mac. Kulang pa nga raw ng singkwenta ngayon ay bebente na lang ang natira. Atlist may natira at hindi itlog. Sandamakmak naman talaga ang utang ni Mama. Favorite past time na ang kumuha sa 5-6, very passionate at dedicated sa pangungutang kaya ayun ang interes nangingitlog din.
Kumain na lang kami ng kapatid ko ng binili niyang ulam na bicol express at adobo. Kwarenta na yung adobo nila?! E wala namang itlog!
No comments:
Post a Comment