Friday, May 15, 2015

Absent Muna


Lunes ng gabi. Nag-message sa fb si E-boy sa'kin. Hindi ito sumasagot sa pm kapag alam niyang nasa Tiaong lang din ako. Nagtaka yata dahil hindi ako pumunta sa kanila ngayon.

Sabi ko may mga tinatapos lang ako. 8 items na tinatarget kong dapat ma-accomplish bago ulit ako pumunta sa kanila. Andami ko na kasing back logs. Especially, pagdating sa readings. Kaya dapat nang maghabol.

Napansin ko lang na parang dominante ang mga nakakatawa, nakakatuwa, masaya, at positibong entry sa blog ko. Parang hindi ako nagagalit o nalulungkot man lang. Pero ang hubad na katotohana'y nasusuya at nalulungkot din naman ako.

So, bakit hindi ko isulat yung mga times na malungkot ako? For a change. Kada susubukan kong isulat ang mga ganung akda naiisip ko palagi ang magbabasa ng blog ko. "Makakatulong kaya na malungkot o galit ang tinig ko?", yan ang sinasabi ng isang tinig sa aking mumunting utak. Kung makakaapekto ito sa mambabasa sa negatibong paraan, wit na lang isulat.

Minsan naman, isang tinig sa kautakan ko ang nagsasabing "Parte ng buhay ang lungkot, galit, at iba pang "negatibo", dapat tinatalakay din yan!". May point di ga? Dapat ang pagsusulat ay may pagpapakita ng katapatan, ng totoo, ng iba-ibang mukha ng realidad. "Paano nga kung hindi makakatulong sa mambabasa?" sabat na naman noong naunang tinig. May point din di ga? Alin ang mas mataas na point?

Honesty versus Utility conflict ito. Kung ang akda ay magtuturo lang ng galit o magdudulot ng lungkot sa mambabasa sa halip na magturo ng pag-asa, pagbabago, at pakikibaka sa life; masasabi ngang mas mapanira ang panulat kaysa sa espada. Hindi ga mas mainam kung ang panulat imbis na makasugat ay makahilom?

Kung ang mga akda pala'y nakakahilom ng mga sugat ng matatalim na danas, masasabing ang manunulat ay mangagamot din. At kung ang manggagamot ay hindi nakatulong at nakasama pa, ito'y isang malpractice. Hmmm

Dapat matuto akong isulat ang mga negatibong karanasan para magdulot ng positibo sa mambabasa. Kaya next time kapag nalungkot ako ulit ay isusulat ko na. Next time.

Ang nakakapagpalungkot lang sa'kin ngayon ay ang climate change. Sobrang banas talaga na nakakapanglagkit ng katawan. Katapat lang naman nito ay ligo pero nakakatamad ngang kumilos. Pinaka-slothful hours ko ngayon ay ang 11-3 n.h. (ng hapon); ang resulta: wala akong nagiging output. Sobrang tsk...tsk...tsk! Hindi ito maganda at nakakalungkot 'yon sa'kin.

Ang dami kong namimiss sa dapat-gawin-list ko. Na may kakaunting panahon nga lang ako sa paghahanda ay nakakain pa ng katamaran ang ilang oras ko sa umaga. Napapansin ko tuloy na naghahabol ako ng pagbabasa at pagsusulat kung gabi. Ginagabi naman ako ng tulog at ipinapangamba ko naman na baka bukas ay magkasakit na naman ako. Malungkot yon di ga? Kaya limitado lang din ang natatapos ko sa gabi.

Kailangan kong maka-isip ng paraan para maka-adapt sa climate change kung hindi ay wala akong produksiyon hanggang sumapit ang tag-ulan.



No comments: