Friday, May 29, 2015
hERAP!
hERAP!
Pinahiram ako ni Nikabrik ng tatlong libro at kasama ito sa pinahiram niya: Power without Authority (iCon Books) ni Fransisco S. Tatad. Yung dalawa natapos ko na. So far ito ang pinakamahirap basahin. Socio-political kasi.Tungkol ata ito (sa pagkakaintindi ko) sa illigetimacy or unconstitutional na pagkakaluklok ni GMA sa Presidency noong 2001. Maalala na nag-EDSA Dos noon dahil sa pandarambong ni Erap. Wala pa akong political-knowledge noon.
Medyo natatagalan ako kahit 90-page booklet lang siya dahil nga medyo teknikal ang libro. Ang hirap din ng latin terms ng law. Bakit ko binabasa? Dapat kasi hindi lang pakialam ang meron ako sa estado, dapat alamin ko rin ang mga batas na saligan nito. Kaya pinipilit kong intindihin kahit papaano, nakakarelate ako ng kaunti dahil yung ilan ay napadaanan namin sa Phil.Consti noong college! (Solomot Ser Duma!)
Ito ang ilang tidbits na nakuha ko:
a. Civilian power is superior to Military power. E bakit may mga militarisasyon sa mga remote places sa bansa?
b. A judge that reads the Bible and scraps the Constitution should not rule the nation. Hindi naman sa dahil against tayo sa Bible. Kasi tingnan mo nga naman kung sabihin ng judge na 'he was urged by the Holy Spirit to act on a certain thing' tapos salungat ito sa saligang batas. May alibi na siya at pag sinalag mo magmumukha kang kalaban ng Diyos niyan.
Dapat pala talaga ipinapanalangin ang jutice system at mga judges at justices natin. Ang hirap ng trabaho ng Kristyanong hukom dahil he should know his Bible and the Constitution and based his judgment on both.
c. Kung totoo ang speech ni Justice Artemio Panganiban, nagbabasa pala ng Bible ang mga justices at sa madaling araw pa!
d. Nagdadasal pala sa Almighty God bago magcourt sessions sa buong bansa. Tapos, may mga nakukuha pang magbulaan.
e. According to the book: Erap's ousting did not go through due process of law. Ito daw ay: Injustice is tolerable to avoid greater injustices. Dahil nga noong pandarambong ni Erap ay malaking krimen kay Juan Dela Cruz.
Habang papalapit ang ending ng libro, mas nagiging kauna-unawa ang sinasabi ng manunulat.
f. Ang politics ay isang malaking negosyo sa bansa.
g. Kailangan daw ng reporma sa Constitution. Mas magiging maayos daw ang maihahalal na head of the state kung parliamentary ang form ng govt. Sa democratic daw kasi ay popularity-based ang nailuloklok, the people vote someone na hindi naman talaga nila kilala. Kilala lang nila base sa isinusuplay ng media sa kanila. Ang tyansa raw na magluklok ng maayos na pangulo ay parang tyansa ng pagtama sa lotto.
h. Malaki pala ang role ng Amerika sa pagkakaluklok ng mga presidente natin since Commonwealth. Kahit pala yung pagbaba ni Marcos sa pwesto?
i. Isa sa mga strategies para mapigilan ang pagtaas ng poverty incidence ay not to let the poor breed.
j. Wala naman daw direct na relasyon ang pop density at productivity ng isang bansa. Pinatunayan ito ng Monaco, Singapore, at Hong Kong.
k. Noong 2002 pa, tayo ang may pinakamalaking utang na bansa sa ASEAN.
Natapos ko rin ang aklat sa loob ng tatlong linggong pagbabasa. Minsan kailangan talagang seryosohin ang mga isyu ng bansa dahil hindi biro ang mga ito.
Monday, May 25, 2015
Traversing Traviesa
Isang Pagsusuri sa mga Isyu ng Ang Trabesa: Ang Opisyal na Pahayagan ng Southern Luzon State University-Tiaong Campus (SLSU-TC)
Dito ako galing. Alma Mater ko ang SLSU-TC. Sa Trav (The Traviesa Publications) naman ako gumaling. Gumaling in a sense na nag-progress bilang isang batang manunulat; isang indibidwal. Kung tatanggalin ko ang pagiging literary ng boses ko, aba! Napakalaki ng utang (na loob) ko sa akademya at sa Trav. Libo-libo ang ininvest nila sa aking mga siminars, conferences, trainings, at mga competitions. Kaya bilang ganti ay magbibigay ako ng computer set sa Trav. Joke lang. Criticism lang ang ibibigay ko.
Hindi lang ang criticism. Ito ang lalong nagpapayabong, nagpapakulay, at nagpapaganda sa isang nobela, pelikula, at iba pang anyo ng sining. Mahalaga ito para nasisipat natin kung natamaan ba natin ang mga layunin ng mga outputs natin.
Anong credentials ko? Debosyon ko ang Trav sa loob ng dalawa't kalahating taon ng aking college life. 80% journalist at 30% student ako noon. Trav was my pers lab! Kaya may say naman ako na constructive naman. Ito na:
The Traviesa (Newsletter)
a. News Page
-Ang weak ng front page. Hindi ko alam alin ang banner news. Hindi rin appropriate na gawing banner cut yung graphic illustration. Sana kung ang banner news ay yung devastation ni Glenda, picture ng devastated na SLSU ang cut sa banner.
-Maganda dahil iba-iba ang natures ng news. Kaya lang yung malalaking balita ay sana'y malalaking articles din such as Ramos Ranks 5th at LEA at Typhoon Glenda wrecks...Sana mas elaborated pa.
-Halos lahat ng news ay straight news. Walang ibang form gaya ng news feature. Nawalan din tayo ngayon ng News Analysis.
-May mga typos. Gaya nung sa scale insect na article, imbes na cont. on p.4 dapat ay p.5.
-Oks lang ang boxy-balanced ang lay-out. Medyo malabo lang ang cutlines para basahin.
b. Editorial Page
-Relevant ang issue (nat'l level) na tinalakay sa Editorial proper at complemented pa ng Ed.cart.
-Narinig ang boses ng students maging ng teachers (school-level)
-Kung meron pa sanang mas relevant na issues ang mga estudyante bukod sa pagsasabi sa magulang na hindi paggraduate o mas specific na issues ng teachers bukod sa kamusta ang students nila; magandang na-consider ang mga ganun.
c. Opinion Page
-Banga! May national issues, school issues, citizen-government relations (community), at student-to-student relations, na tinalakay ang mga kolumnista. Napaka-diverse ng columns kaya maganda siya. Medyo nagtaka lang ako bakit may doodle doon? Pampasikip ng lay-out? Sana pinahaba na lang ang texts.
-Medyo touchy-feely lang ang column na "Friends for Sale" parang patama lang na posts sa social media. Wagi naman para sa'kin ang "Not All News is Better" ni Karla Mae Jaurige na tungkol sa mga incompetent na instructors. Maganda dahil may call to act ito sa huli na sana'y higpitan ng school ang pagha-hire sa mga instructors. Karla kagagawan mo kung bakit hindi ako maha-hire.
-Oks sana ang illustrated opinion para sa diversity ng forms sa opinions kaya lang sumakop ito ng isang pahina para sa isang paksa: introducing the new campus director.
d. Feature-Literary Page
-Sana nagfi-feature tayo ng hindi naman pop culture para may bago. No-no at So-so para sa akin ang feature kay Hello Kitty. Una, hindi naman Filipino culture yun. Pangalawa, pwede ko rin yung mabasa sa internet. Sana sa susunod hindi naman tungkol sa pag-ibig ang mga articles, alam na alam na yan ng mga students. Tsaka, madami ng paksain ay pag-ibig dapat sana'y alternative o counter-culture ang ihain sa mambabasa.
-Maging creative at purpose-driven sa pagpili ng paksa. Pwedeng trivial o statistical= saan napupunta ang araw-araw na baon ng SLSU-TC student. O kaya tips sa pag-iipon, pagrereview, o pagge-generate ng income kahit estudyante pa lang. Magpakilala ng lokal na manunulat. Ipakita ang kalagayan ng mga lokal na library pati na ng school lib. Marami pang pwedeng magdrive ng interes ng mambabasa bukod sa love, love, love.
-Sa lit page. Sana tula tungkol sa akademya, nanay, mangagawa, animal welfare, teritorial dispute, ang paksain. Maganda ring magpa-contest ng pagsulat ng tula. Maganda ring sumulat ng tula sa katutubong anyo gaya ng ambahan, diona, dalit, at tanaga.
-Pwede ring literary criticism o book reviews ng mga Filipiniana ang ilathala.
-Masyadong melo-dramatic, pa-deep, at pa-Emo ang lit page ng Trav ever since.
e. DevCom Page
-Oks ang lay-out ng center page dahil makulay. Trademark na natin yun e. Ang problema ay ang articlecng center fold, masyadong weak ang corn festival. Dapat sana article na involved ang students o pwedeng mag-spark ng desirable change sa students o sa academe gaya na lang ng kung paano nag-catch up ang SLSU-TC after ng Glenda. Malaki yun na istorya. Applicable 'to sa buong devcom page.
-Oks ang article na tale of the Mosquito fish at Development sa Tiaong. Mas oks ang devcom news ng Initial accreditation ng iskul.
-Hindi oks ang articles na tungkol sa Corn Fest (dahil nakapokus lang ito sa kasiyahan at hindi sa potensyal ng Tiaong bilang Corn Capital as the "tag line o kicker" suggested), QAES (dahil simpleng profile lang ito na pwede ring makita sa Google), at Time Machine (dahil masyadong literary).
f. Sports page
-Hindi ko 'to pinapakialaman ever since. haha
Utang muna yung critic sa Intersect.
Friday, May 15, 2015
May Tuka na Ako
Kagabi itlog ang ulam namin. Mayaman sa protina ang itlog. Pero ilang araw na atang itlog ang ulam namin. Nilabon. Kinasaw. Sunny-side up. Puro itlog hanggang kaninang umaga pati na ngayong tanghalian. Binuksan ko ang rice cooker, tumambad sa' kin ang tatlong itlog na nakasapaw. Hindi na nakaka-eggcite kumain. Itlog na rin ata pati humor ko.
Maghapon sa bangko at nagbabantay ang tatay ko bilang isang sekyu. Pagkalabas sa trabaho, dahil puro liga ngayong summer ay nagrereferee naman ito sa mga baranggay. Halos hating gabi na nga umuwi. Ang nanay ko naman ay madaling araw na magbukas sa palengke ng kanyang puwesto. Tapos, may sideline pa ito ng pagtitinda ng kape sa mga nagbubulante.
Hindi naman kami naghousing loan. Wala naman kaming iniipon para sa family car. E ni wala nga kaming Wi-fi subscription. Hindi ko mawari kung bakit palagi na lang kaming itlog! Mataas kaya sa kolesterol ang itlog at hinahayblad na ata ako.
Wala akong trabaho at mag-iisang buwan na kaya wala akong maipag-wika tungkol sa aming ulam pero anak naman ng buni, bakit kailangang magkanda kuba sa pagkayod para lang sa pang-ulam na itlog?
Nagtawag ang kapatid kong si RR para kumain. "Akong bibili ng ulam" pagbibida niya ay siya raw ang bumili ng ulam. Ispesyal ang kapatid ko kaya meron siyang speech impairment at medyo magulo rin ang tenses ng kanyang verb. "Shh..wag kang iingay!" sawata niya sa akin ng gisingin ko ang nanay ko para kumain. Alam na this.
"Ma may dalang ulam si RR,"
Napakislot ang nanay ko sa kanyang paghiga.
"San galing kaya ang pera?!"
"Ewan, dalawang order e.
San daw galing ang pera mo?"
Tumayo ang kapatid ko at kinuha ang bente pesos mula sa bag ng nanay ko at inabot niya kay Mama ang bente. "O, sukli" sabi nito at bumalik na sa kinakain niya.
Yun na nga. Isandaan daw yun sabi ni Mama at panghulog daw niya yun kay Mac. Kulang pa nga raw ng singkwenta ngayon ay bebente na lang ang natira. Atlist may natira at hindi itlog. Sandamakmak naman talaga ang utang ni Mama. Favorite past time na ang kumuha sa 5-6, very passionate at dedicated sa pangungutang kaya ayun ang interes nangingitlog din.
Kumain na lang kami ng kapatid ko ng binili niyang ulam na bicol express at adobo. Kwarenta na yung adobo nila?! E wala namang itlog!
Absent Muna
Lunes ng gabi. Nag-message sa fb si E-boy sa'kin. Hindi ito sumasagot sa pm kapag alam niyang nasa Tiaong lang din ako. Nagtaka yata dahil hindi ako pumunta sa kanila ngayon.
Sabi ko may mga tinatapos lang ako. 8 items na tinatarget kong dapat ma-accomplish bago ulit ako pumunta sa kanila. Andami ko na kasing back logs. Especially, pagdating sa readings. Kaya dapat nang maghabol.
Napansin ko lang na parang dominante ang mga nakakatawa, nakakatuwa, masaya, at positibong entry sa blog ko. Parang hindi ako nagagalit o nalulungkot man lang. Pero ang hubad na katotohana'y nasusuya at nalulungkot din naman ako.
So, bakit hindi ko isulat yung mga times na malungkot ako? For a change. Kada susubukan kong isulat ang mga ganung akda naiisip ko palagi ang magbabasa ng blog ko. "Makakatulong kaya na malungkot o galit ang tinig ko?", yan ang sinasabi ng isang tinig sa aking mumunting utak. Kung makakaapekto ito sa mambabasa sa negatibong paraan, wit na lang isulat.
Minsan naman, isang tinig sa kautakan ko ang nagsasabing "Parte ng buhay ang lungkot, galit, at iba pang "negatibo", dapat tinatalakay din yan!". May point di ga? Dapat ang pagsusulat ay may pagpapakita ng katapatan, ng totoo, ng iba-ibang mukha ng realidad. "Paano nga kung hindi makakatulong sa mambabasa?" sabat na naman noong naunang tinig. May point din di ga? Alin ang mas mataas na point?
Honesty versus Utility conflict ito. Kung ang akda ay magtuturo lang ng galit o magdudulot ng lungkot sa mambabasa sa halip na magturo ng pag-asa, pagbabago, at pakikibaka sa life; masasabi ngang mas mapanira ang panulat kaysa sa espada. Hindi ga mas mainam kung ang panulat imbis na makasugat ay makahilom?
Kung ang mga akda pala'y nakakahilom ng mga sugat ng matatalim na danas, masasabing ang manunulat ay mangagamot din. At kung ang manggagamot ay hindi nakatulong at nakasama pa, ito'y isang malpractice. Hmmm
Dapat matuto akong isulat ang mga negatibong karanasan para magdulot ng positibo sa mambabasa. Kaya next time kapag nalungkot ako ulit ay isusulat ko na. Next time.
Ang nakakapagpalungkot lang sa'kin ngayon ay ang climate change. Sobrang banas talaga na nakakapanglagkit ng katawan. Katapat lang naman nito ay ligo pero nakakatamad ngang kumilos. Pinaka-slothful hours ko ngayon ay ang 11-3 n.h. (ng hapon); ang resulta: wala akong nagiging output. Sobrang tsk...tsk...tsk! Hindi ito maganda at nakakalungkot 'yon sa'kin.
Ang dami kong namimiss sa dapat-gawin-list ko. Na may kakaunting panahon nga lang ako sa paghahanda ay nakakain pa ng katamaran ang ilang oras ko sa umaga. Napapansin ko tuloy na naghahabol ako ng pagbabasa at pagsusulat kung gabi. Ginagabi naman ako ng tulog at ipinapangamba ko naman na baka bukas ay magkasakit na naman ako. Malungkot yon di ga? Kaya limitado lang din ang natatapos ko sa gabi.
Kailangan kong maka-isip ng paraan para maka-adapt sa climate change kung hindi ay wala akong produksiyon hanggang sumapit ang tag-ulan.
Sunday, May 10, 2015
Dalit para sa Nanay na Parating Galit
Palengkera Kamo?
Kahit na hanggang hayskul lang
Tinda n'ya ay pangbulanglang
Gising na wala pang araw
T'yan ay wala, kahit lugaw
(Para naman Sa Nanay ng Nanay ni E-boy)
Mama Nits
Siya ay lola ng bespren ko
Itinuring na kong apo
Kung ako ma'y makihimbing
May sangag na pagkagising!
Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula.
Yung sukat at tugma? I-google mo na lang!
Kahit na hanggang hayskul lang
Tinda n'ya ay pangbulanglang
Gising na wala pang araw
T'yan ay wala, kahit lugaw
(Para naman Sa Nanay ng Nanay ni E-boy)
Mama Nits
Siya ay lola ng bespren ko
Itinuring na kong apo
Kung ako ma'y makihimbing
May sangag na pagkagising!
Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula.
Yung sukat at tugma? I-google mo na lang!
Monday, May 4, 2015
Napanood namin ang Avengers: Age of Ultron
Ang dami kong time para mag-isip ng title para sa entry na ito.
Nag-apply kami nina Roy, Alquin, Jeuel, at ako sa aming Alma Mater - sa SLSU. Kailangan dalhin pa sa HR ng main campus sa Lucban ang resume at cover letter. Wala bang e-mail ang HRMO namin? Gayunpaman, sinadya na namin ang pagpapasa roon. Buti na lang at papunta rin sina Babes, kapatid ni Jul sa Lucban para naman magpasa ng rekusitos sa pagpasok nito sa College of Arts and Sciences; nakisakay na kami sa van nila. Laking tipid na ng 80 pesos na gagastusin papuntang Lucban. Nakasama rin si Jul kahit hindi naman ito mag-aaply. Makapag-joy ride man lang.
Lahat pala ng application namin ay for teaching position! Wala pang-3 mins ang pag-aabot ng application. Ite-text na lang daw as usual. Mabilis ding natapos sina Babes kaya lumibot-libot muna kami sa bayan ng Lucban. Tapos, umuwi na rin.
Bumaba kami ng Lucena. Daan muna ng mall para sa ilang bibilhin. Tapos, kain na rin ng tanghalian. Si Jul, hindi na nakababa dahil hindi na pinayagan ng daddy niya. Medyo hilo na rin kasi sa biyahe. So, kaming tatlo na lang nina Alquin at Roy. Kumain kami sa Adobo Connection dahil umaapaw ang Mang Inasal at para maiba na rin. Nagkakwentuhan na parang hindi matatanggap sa application. Nagpaka-nega star. Tapos, nagkakwentuhan sa Avengers 2. Nagkatuksuhan. Nagkatulakan na rin sa panonood. I-selebreyt na natin kako ang pag-aapply natin. Ma-justify lang.
Bumili muna kami ng makakain sa department store tapos pumasok na kami 15 mins before 2pm show para maabutan ang mga trailers. Mahilig kami dun e. Hiyawan na agad sa trailers pa lang.
Inilapat ang likod sa malambot na upuan at it's showtime! Ito ang ilang kaisipan namin sa palabas:
1. Hindi ko ma-gets yung pagkakabuo ni Ultron. May sariling kaisipan sa loob ng setro ni Loki (naiwan noong part 1). Tapos, nag-merge sila noong si Jarvis na AI ng control center / database ni Tony Stark. Parang fusion, tapos 'yun nagkaron na ng ibang entity na trip na namang wasakin ang daigdig.
2. Wala bang villain na ang gusto lang wasakin ay kagutuman o kahirapan? Huwag naman buong mundo agad. Wasakin lang siguro yung mga mapang-aliping pamahalaan. Masyadong apektado rin ng globalisasyon kahit mga super villains.
3. Ang laking pressure kena Black Widow at Hawkeye ang makipagsabayan sa mga super humans na sina Thor at Capt. Kano at mad scientists na sina Iron Man at Inc. Hulk. Hindi rin pala kami aware sa background ng mga ito.
4. Nasaan ang mga babae nina Iron Man, Thor, at Incredible Hulk? Bakit wala lahat sa istorya? Cool off? Sabay-sabay talaga? Baka may conference na inattendan; Paano magpa-hostage sa super villains effectively.
5. Noong lumapit si Ultron sa isang bioengr na koreana. Yung kayang mag-re/generate ng body tissues. Naisip namin kung Pinoy sana ang lalapitan ng super villain para tulungan siya sa kanyang evil plans, medyo aantas ang tingin sa ating kakayahan. Tapos, magtatagalog yung bioengr "hindi, hindi kita tutulungan! patayin mo na lang ako!". Para sa humanity! Pinoy pride!
6. Ang hirap intindihin ng concepts ng kapangyarihan ng foreign superheroes bakit sa Pinas, lumunok lang ng bato, may powers na! Magtaas lang ng barbel, hero mode na! Kahit yung mga motivation ng characters may conflict din kung para sa bayan ba, para sa sarili, sa ngalan ng siyensiya as in sense of accomplishment, may mga ganyan ang Marvel heroes. Sa atin may pumalahaw dahil sa holdaper at halimaw, yun na yung motibasyon para tumulong.
7. Wala bang superhero na pagkatapos ng mighty deed niya ay i-aatribute niya ang glorya kay God?
8. Noong mga oras ng humanitarian crisis, 'yung mga tao, hiyawan lang. Paliritang-paliritan. Hindi pa ba sila naihanda ng gobyerno na mga ganitong uri ng krisis. Sana may readiness campaign sakaling lumutang ang isang super villain sa oras ng office work mo. Dapat may mga drills na ukol dito. Sana may nakita akong nagdedebrief man lang sa mga refugees. Bukod sa pag-eevacuate ng SHIELD sa mga refugees, wala na kong nakitang partisipasyon ng mga non-Avengers sa kwento.
9. May naligtas na isang aso ang SHEILD. Mahalagang ma-ensure din ang animal safety at welfare sa mga ganitong krisis.
10. Noong nagkagulo sa leadership at commands sina Capt Kano, Iron Man at Thor, parang naging positibo pa ang result. Ganito nga ba sa real life? Bakit hindi naman sa Mamasapano tragedy.
11. Napakasama ni Roy. Gustong-gustong patayin 'yung character ni Hawkeye. Kita mo nang may pamilya. Ampayak-payak ng pamumuhay sa kabukiran, may mga anak, at buntis pa ang asawa, tapos papatayin mo lang para may drama. Hindi si Hawkeye ang namatay kundi si Quicksilver.
Ayokong magtapos sa cliche na "hindi mo naman kailangan ng super powers para maging bayani". Ang totoo kasi marami kang magagawa kapag may powers ka. Ang mas totoo pa, hindi mo kailangan ng super powers para maging villain. Ikuwento mo lang ang ending sa mga hindi pa nakakapanood at instant super villain ka na!
Friday, May 1, 2015
Alab Panitikan
Ang Abril ay idineklara bilang buwan ng Pambansang Panitikan. 'Sing alab ng araw ng tag-init ang paglikha ng kamalayan, interes, pagpapahalaga, at pag-ibig sa panitikang Filipino. Yesh dear, may literatura tayo bukod sa Noli at Fili! Kaya bitiwan mo muna si John Green at Pitacchus Lore at humagilap ng Filipiniana. Bigyan mo naman ng chance!
Mag-dadalawang taon pa lang ako sa pagbabasa ng panitikang Filipino, marami pa nga sa mga ito ay pop lit ang kategorya pero Noypi ang sumulat kaya pop man ay "lit" pa rin. Nagbabasa pa rin naman ako ng panitikan mula sa ibang bansa pero ngayong buwan itinakda ko na PanFil (Panitikang Filipino) lang muna ang babasahin ko bilang pakikiisa sa pagpapakilala ng sariling panitikan sa bayan. Ibig sabihin ba ay hindi kilala ng bayan ang sarili nitong panitikan? Hindi ako eksperto para sagutin ng tama ang tanong.
Hanggang apat na aklat lang ang kinaya kong matapos ngayong buwan. Apat na nobela ang (pinilit) tinapos. Ito ay ang sumusunod:
1. Bata, Bata Paano ka Ginawa - Ito ay nobela ni Lualhati Bautista tungkol sa pagkakaroon ng dalawang panganay na anak ni Lea Bustamante. May asawang hiniwalayan at lalaking kinakasama si Lea. Bukod sa problemang pampamilya ay lalong nagpabigat ang problema ng bansa. Pililinas sa panahon ng Martial Law kasi ang settings. Matapang nitong tinisod ang baluktot na sistema ng gobyerno, tinuligsa ang militarisasyon, paglabag sa karapatang pantao, at turing sa kababaihan.
Hindi ko akalaing ma-eenjoy ko pala ang humor ng totoong buhay habang natutunan ang buhay ng mga batang lumaki sa set-up na magkaibang tatay.
2. Kapitan Sino - Hindi ko alam kung ito ay nobela o novella. Si Bob Ong ang may akda ng Kapita Sino na isang kwento tungkol sa kabataang undergrad at self-employed na superhero; si Rogelio. Actually, mas ipinakita nito ang kwento ng mga taga-Pelaez kung paano ito nabubuhay sa araw-araw, nabubuhay sa panahon ng krisis at nabuhay na kahihingi ng tulong. Noong una ko itong nabasa parang poverty porn na naman. Napaka-3rd world setting na naman. Medyo malungkot nga lang ang ending dahil ang mismong superhero na palaging tumutulong ay hindi natulungan ang sarili. Parang reality sucks ang feels. Ganern.
Na-enjoy ko pa rin naman ito lalo na ang corny part nila ni Tessa, isang bulag na babae na epitomiya na naman ng kahinaan (nabiktima kasi ito ng halimaw). Super spoiler na ang mini-review na ito.
3. Tatlong Gabi, Tatlong Araw - Isang nobelang nakatsamba raw sa Palanca ayon sa may akda na si Sir Eros Atalia. Natapos ko to ng less than Tatlong Gabi, page turner kasi talaga. Tungkol ito sa Magapok na ipit sa problema ng rebelde, minero, ilegal loggers, bandido, epal na politicians, at ng tradisyon. Naalipin ng mga maling takot at nabulag sa mas dapat na katakutan. Ang kwento ay mula sa lente ni Mong, isang journalist, na dating nagsusulat at gumagawa ng misteryo pero hindi maipaliwanag ang misteryo kinasadlakan niya at ng Magapok.
Ayokong mang-spoil, basahin nyo na lang. Natuwa pa rin ako sa nobela kahit nahulaan ko ag ending nito. Hindi naman ito pahulaan ng ending talaga kundi makuha mo ang mensahe ng nobela.
4. Ang Mag-anak na Cruz - Isinulat ito ni Liwayway Arceo at unang lumabas sa tagalog magasin na Liwayway. Ito ang challenging dahil 50s pa ang akdang ito na tumatalakay sa Filipino values na bahagya nang nag-iba sa ginagalawa kong panahon. Medyo nahirapan ako noong umpisa na pumasok sa kuwento pero eventually naging kaibigan ko na ang pamilyang Cruz.
Gusto kong gawan ng rebyu ang bawat nobelang ito. 'Yung medyo matino at hindi paspasan. Saka na kapag naka-upo na ulit para sumulat. Sa ngayon, basa-basa muna ulit.
Subscribe to:
Posts (Atom)