Sunday, August 30, 2015

Hindi pa.

Hindi pa.

Bumubusinang gatangan,
Kard na ubos na ang laman,
Sikmurang naghahapdian,
Nasira pa ang kayuran,

Hindi pa. Hindi pa ito
Ang Impiyerno.

Tutupukin ng sagaran,
Wala nang sibisibilyan,
Kahit pa ika'y tinyente,
Sa imortal na asupre,

Hindi pa. Hindi pa ito
Ang Impiyerno.

Aklat, tula't panitikan,
Himig ng mga isawan,
Stargazing with barkada,
Wala na anomang ganda,

Hindi pa. Hindi pa ito
Ang Impiyerno.

'Wag dukutin ang 'yong mata,
Hayaan mo lang na buo
Ang iyong kamay at paa,
Ikandado ang 'yong pinto,

Makikita mo.
Ang hindi ko
Maikuwento.

'Wag nawa.

Saturday, August 29, 2015

Washing Machine

Washing Machine

Nanlilimahid sa tagaktakang pawis
Tatlong oras na walang hanggan
Sa ganadong paglalaro'y nanlagkit
Sinasadya talagang dumugyot
Puwede naman daw kasing lab'han

Maghuhubad baro't sa karumhan
Ay tatanang matulin sa kakaba-kaba
Ibabanga sa ipo-ipong tubig ang tubal
Kinusot-kusot at binudburan ng hapdi

Aahong tila bagong bili ang pagkaputi
Mahalimuyak nga at pinalambot
Umalis sa lilim at tiyak na nangugutim
Dahil ang lahat pala laang ay sumandali

'Pagkat lulublob uli ang baboy sa pusali
Ganadong maglalaro sa kanyang tubog
'Matik nang magdurumi at uugak-ugak
Na hindi na babalik sa susunod na laba

Ang susunod ay mas lumalim ang puyo
Ng tubig ng makinang lumulunod
Sa libag na nagpapaikot-ikot sa hapdi
Ng pinulbos na inakalang pandalisay.

Thursday, August 27, 2015

Agosto 28, 2015

Haaayy....

Nakakapagod ang isang buong araw dahil sa daming inaskaso. Nagpunta noong umaga sa university para sana sa Bible study with Kuya Joey kaya lang hindi natuloy kasi Prelims pala ng mga estudyante. Kuwento ng konti kay Ate Abby tungkol kay Atilla The Hun at history. Kasi nito lang ay napanood namin 'to sa Night at the Museum at sinearch pa namin dahil mukhang Mongolian si Atilla pero hindi raw sabi ni E-boy. So ginugel namin at taga-Ginang Asya pala siya at nanligalig sa Europa. Ha? May Asian na nanakop sa Europa dati? Bakit ngayon ko lang nalaman? Ang galing lang ng pagpapakilala ng pelikula sa world history at pagpopromote ng pagbisita sa mga museo. 

Tapos, pinag-usapan namin ni Nikabrik ang tungkol sa Spoken-Word Poetry. May ganito kasi silang aktibidad sa Eduk. Tapos, umuwi ako muna kena E-boy, piaprint namin yung last requirement sa aplikasyon para sa Civil Service Exam. Iniwanan ko siya ng pattern para makapag-fill up kasi uuwi pa 'ko para mag-Yaya dub... I mean mag-tanghalian. Tapos, bumili ako ng lumpiang gulay para sa tanghalian namin ni RR. 

Pagkatapos ng Kalyeserye ng Eat Bulaga,naligo naman ako at pabalik ng Kubo para sa fellowship. Nakinig siempre ng Salita tapos nag-kapihan kami sa may Dorm. Nilibre ko si Quisha. Tapos, kay Jem-jem naman galing ang tinapay. Nagkamustahan kami nina Kuya Joey tungkol sa Grace (Bible Church) kung saan ako nakikitira at nakikisimba noong nagtatrabaho pa 'ko sa Maynila. Kinamusta ko rin si Kuya Caloy na recently ay na-operahan sa paa. Medyo naiinip-inip ito dahil naka-'house arrest' lang muna siya sa parsonage ('kumbento' ang tawag ko rito sa mga past entries). 

Nagkuwentuhan ulit kami ni Nikabrik tungkol sa mga tula-tula pati na sa heritage. Kung paanong inaamag ang maraming lokal na library. Dagdag pa niya na kung maghahanap ka rawng libro tungkol sa English language ay madaling makakita, pero kung tungkol sa wikang Filipino ay "Suwetehan" nang makakita. Sabi ko nga ipanalangin niya yung inaplayan kong talakayan ukol sa heritage para mas matuto pa at makapagbigay kamalayan sa marami ukol sa kahalagahan ng wika, panitikan, kultura, at kasaysayan. Haaaay... Naubos ng madali ang kape pero hindi ang mga kuwento.

Si Jem-jem naman naguwento ng mga ahirapang hinaharap sa pagiging Sales-rep. ng isang kompanyang agri-kemikal. Kung gaano kahigpit ang boss niya. At kung paano siya mapo-promote. At kung paano pa kailangang magtiis. Para sa sarili. Para sa pamilya. Para sa bukas. Kailangan ko na ring magkaron ng matinong writing gig dahil puro na ako outflow. Nauubos na ang recievables ko sa Nanay ko.

Nakapagsumite na rin pala ako kanina ng aplikasyon sa National Youth Forum on Heritage kahit na simbagal ng higad ang Internet. Mag-aayos na lang ng mga rekusitos mamaya at aalamin kung saan banda ang tanggapan ng Civil Service sa aming lalawigan. Kailangang gumising pa ng maaga bukas. Haaaay....buhay....

Salamat po sa kalakasan. Salamat dahil may oras para humimlay. Salamat po sa marasa na sinigang na hipon at tinolang manok ni Lola Nitz. Salamat dahil may natutulugan at nakakainan akong pamamahay. Salamat dahil hindi ako nag-iisa. Salamat dahil may pigsa ako at nakakadama pa pala ako ng sakit. Salamat po para sa'king paulat!

Haaaaay...Maupay han Dios!

Wednesday, August 26, 2015

WIKApedia E-klat (E-book)


Para sa mga kaibigang mga guro ng Filipino, magandang mabasa n'yo 'tong e-book tungkol sa mga wastong gamit at iba pang kalimitang kinalilituhan natin sa wikang Filipino. Dahil ang Filipino ay hindi "Filipino lang" gaya ng sinasabi ng mga magulang natin kapag mababa ang marka natin sa nasabing asignatura.

Para rin ito sa lahat ng Filipino. Alamin ang sariling wikaaaaaaaaa!!!!

Kumuha na ng sarili mong malambot na kopya!

Nabasa ko yung 'Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang Sanaysay'

Nabasa ko yung 'Anim na Sabado ng Beyblade'

Si Sir Ferdinand Jarin ang may akda ng Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang Sanaysay. Koleksiyon ito ng mga paborito kong anyo ng panitikan - sanaysay (non-fiction). Nabili ko ang sariling kopya noong Aklatan 2013. Nakadalawang basa na rin ako nito at nalibang sa pagsubaybay sa bawat paghatak at pagtigil sa pag-ikot ng kanyang mga sanaysay.

Ang face (o bahayan) ng Beyblade:

Seryoso. Seryosong magkuwento si Sir Ferdie ng kaniyang buhay. Kung maiksi ang attention span mo ay baka mainip ka sa haba ng mga sanaysay. Pero yung haba may epek e, seryosong epek sa huli. Dahil sa haba, sa pagbabasa mo, marami kang makakasalamuhang tao. Sa bawat akda, mas lumalalim ang pagkakakikilala mo sa may akda at sa mga tao sa paligid niya. Sa huli tuloy ng bawat sanaysay, mararamdaman mo yung pagka-miss ng may akda sa mga kaibigan at kakilala. Pati ako namimiss sila kahit hindi ko naman sila nakasamang talaga.

Melo-dramatiko. 'Yung mga karanasan sa buhay ni Sir Ferdie ay pang-MMK. May ganung tunog. Pero hindi pinadrama. Madadama mong may honesty sa paglalahad si Sir Ferdie. Lalo na sa buhay niya noong 80s-90s, parang binabangga ng beyblade yung puso ko dahil sa mga kagustuhan nung may akda na hindi niya maabot. Karaniwan lang ito kung tutuusin para sa mga kabataan, ang makapag-aral, makatulong sa pamilya, maging 'in', bumili ng damit at iba pang 'gustos'. Hindi rin nahiya ang may akda na ipakitang uso rin sa lalaki ang malapit na kaibigan, pagkabigo, at pagluha. Katapangan rin sa lalaki na amining umiiyak din siya.

Pero kahit melo-dramatiko at seryoso ang kabuuan ng koleksiyon ay may mga diklap din ito ng humor. Saktong-sakto ang timing na hindi nito winawasak ang pagkaseryoso ng akda.

Ang track ng Beyblade ay:

 Mahirap sa Pahirap. Nagsimula sa mahirap na pagkabata hanggang sa hirap ng pagiging matanda. Well, part naman talaga ng buhay ang kahirapan at sakit kaya iba ang koleksiyon na ito sa ibang non-fiction. Realidad talaga. Nagkuwento si Sir Ferdie mula sa pagiging anak-pawis hanggang sa pagpapawis para sa anak.

Noon hanggang Ngayon. Mapapansin mo rin sa mga sanaysay ang pagpapaliwanag kung ganoon ang pangalan ng lugar. May kinalaman kasi ito sa kasaysayan ng lugar at sa kung ano ang kasalukuyan nito. Mamangha ka na sa paglipas ng panahon maraming magbabago at mahuhuli mong nangingiti ka dahil abala ang panahon sa paghubog hindi lang sa'yo kundi sa mga lugar na kinalakihan mo. At isa lang ang dapat mong baon: pagiging handa sa mga pagbabago.

Ang metal wheel ng Beyblade:

Para sa'kin ito ay ang huling sanaysay -Anim na Sabado ng Beyblade. Impormatib ito hindi lang tungkol sa sakit ng Acute Lymphocytic Leukemia (ALL) kundi pati na rin sa sakit na dulot nito sa lahat ng nagmamahal sa may sakit. Sa ikalawa kong basa nito hindi nagbago ang lakas ng bangga nito sa puso. Hindi natin masabi ang dahilan ng ganitong 'parang unfair' na karanasan. Kahandaan at katatagan pa rin ang mainam na baon sa ganitong uri ng laban.

Ang bottom ng Beyblade: Ano't ano man ang mangyari sa buhay, tuloy ang ikot; tuloy ang laban!

Tuesday, August 25, 2015

Agosto 23, 2015

Linggo. Agosto 23. Pagkatapos ng Sunday School, nakuwento ni Mil; ka-churchmate ko, na natanggap daw siya sa Do-it-Write Solutions. Parang isang outsourcing company, yung mga online writing gigs at kadalasan ay web content ang sinusulat. Nabanggit niya na 80 pesos per 500-word article daw ang bayad. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko tinatanggap ang ganitong klaseng trabaho. Tapos, mag-oopen pa ng PayPal account. E, shala ang mga banko na puwedeng i-link dito. Sabi ko, dapat P 2/word ang bayad sa article at kaya hindi ko tinatanggap ay dahil ayokong kunsentihin ang mga foreign outsourcing companies na mumurahin ang ibayad sa mga articles o iba pang Pinoy intellectual products. Kaya lang may pumapatol, kaya patuloy pa rin ang pananamantala ng mga ito sa'tin.

Naisip ko na parang ang harsh ko kay Mil. Parang sinabi kong kinonsente niya ang mga under-paying na companies. E gusto lang naman noong taong maging produktibo habang naghahanap ng work. Naisip ko tuloy, kaya ba 'ko wala pa ring trabaho dahil maprinsipyo much ako? Binaba ko na nga ito minsan sa piso per word na article pero meron pa rin kasing nagbebenta ng serbisyong pagsulat sa mas mababang halaga.

Hindi sa naghahangad ka ng malaking PERA. Hindi yon e. Ang usapin dito ay sana'y maka-tao naman. Rasonable. Bawi ang puhunan sa pagreresearch, kuryente, at pagod sa paglikha ng artikulo. Kumbaga, disente man lang na kabayaran.

                                                  jjj

Linggo ng hapon. Pagkatapos ng panghapong pagtitipon sa simbahan namin ay dumeretso naman ako kena E-boy. Mag-aasikaso dapat kami ng papeles para sa Civil Service Exam application. Nadatnan ko ron si Ebs kausap ang mga kabataan ng simbahan nila. Andun daw sina Alquin, Alfie, at Jem-jem sa kusina nila. Matagal nang hindi umuuwi ang mga ito dahil sa kabisihan sa propesyon. Anong meron? Dumeretso na 'ko sa kusina.

Namataan ko nga itong tatlo kausap si Pastor P. Kinakamusta ang propesyon. Magkanong suweldo at anong nature ng trabaho. Sina Alfie at Jem ay nasa parehong kumpanya ng kemikal na mga pambomba sa halaman. Mga pamatay insekto at kabute. At package daw nila ay 10K/month. Kung ano yung package ay ewan. Ang nature ng work nila ay field-type dahil sales. Si Alfie sa Laguna ang destino at si Jem-jem ay dito sa Quezon. Si Alquin naman ay magdadalwang buwan na sa isang hatchery pero office-type naman ang nature ng trabaho niya dahil farm secretariat ang dating. Nag-eencode at gumagawa siya ng weekly, quarterly, at monthly reports sa sweldo namang umaabot ng 8K. Maya-maya pa'y tinanong na ako ni Alquin kung may trabaho na ba raw ako. Oo naman sa bahay! Labahin pa lang trabahong-trabaho na! Wala nga lang suweldo.

Inalok ako ni Pastor P na ipapasok daw ako sa isang foundation. Office work sa isang Christian foundation. Sabi ko'y baka po pangmatagalan ang hinahanap nila, hindi pa ko puwede sa ganun. Tsaka po baka 6 days a week na naman ang work load. Plus di ko rin linya ang office 'lang' na type. Sa hybrid ako e; office-field type ako magiging mainam. Kaya pass muna sa totohanang trabaho.

Naisipan naman naming bumili ng pagkain. Ambagan. Wala ako siempre. Coke, Angels burger, at sitserya. Mahirap man para sa'kin ay kailangan kong gawin ito. "Aba! Alquin kamukha mo yata si Alden ngayon?". Hindi raw siya si Alden kundi si James Reid. Siempte umoo lang ako. Pagkauwi kena Ebs, nadatnan naman namin siyang busy sa pagtututor kay Gabby. Tinawag kong magmerienda muna. Marami raw talaga dahil galing ito sa long weekend at naipon ang assignment. Naghain muna ako ng mga baso. Oo, may kalayaan talaga ako sa kusina njna Ebs. Tapos, bumalik ako para sunduin ulit si Ebs. Pumayag namang magmerienda muna.

Nood movie konti. Kuwentuhan. Hiwalayan. Masaya kahit bitin. Kailangan pa nilang pumunta sa kani-kanilang areas of responsibility bukas. Ako? Babalik sa lungga at hindi alam kung saan ang tungo. Magtatrabaho na ba? O lulunukin ang prinsipyo para sa kaunting panakip sikmura? Ang hindi ko ba pagtatrabaho ay para talaga kanino? Tama ga naman kaya ang tinatahak kong landas?

Teka. Asan na ba ako? Ewan. Alam ko pagod na ko sa maghapon. Bukas na lang ulit mag-iisip. So, help us God!

Sunday, August 23, 2015

Lahat Pala tayo ay PWD

Lahat Tayo ay PWD!

   Nasa Candelaria kami ni E-boy dahil may inasikaso akong papeles. Plano kong magkwek-kwek kami pagkatapos. May natira pa sa pera ko e. Pagka-yaya ko sa kanya, ayaw n'ya. Nahulaan ko naman agad ang gusto - french fries. Bigla itong naglihi ngayon sa paborito n'yang french fries.

   Magkano ba ron? Parang P32 lang yata ang regular. Keri pa dahil may P40+ barya. Andami nang kwek-kwek nu'n kung sa palengke lang. Dahil palagi na nga kaming nagkukwek-kwek, pinagbigyan ko na. Gusto ko ring magpahinga sa erkon e.

   Pagdating namin doon. Inabot ko sa kanya ang P40+ ko at pinaalalang ililibre niya ko ng pamasahe pauwi. Nag-abot siya ng P100, galante naman 'tong si Ebs minsan. Ako na raw bahala sa order ko. Gusto niya raw ay kahit ano basta may fries.

"Ser, proceed po tayo sa next counter!"
"(smile lang ang sagot)"

   So, hindi muna kami pumila. Nagtagal sa tapat ng cashier. Nagba-budget. Nagdagdag pa siya ng ilang barya. A total of P180 na ang budget namin. Pinagko-combo-combo ko yung fries sa iba pang meals, tapos pagpa-plusin ko ang presyo. P32 + P50 +... (drowing sa ere)

"Ser! Available na po ang next counter!". Nangulit na naman siya.
"Wait (+ ngiting pilit)".

   Kaka-distract! Back to zero na naman. Kompyut ulit ako. Pano kung dalawang chicken fillet w/rice + fries.. P75 x 2......... [P50 + P50 + P25(2)]..... after several minutes ay nakuha ko na! P150 lang! May kanin na at may fries pa!

"Ser! Next counter po!".

   Pumila na 'ko. Ibinalik ko kay Ebs ang sukli. Binigay namin ang order. Ayoko sanang pumila kami kay Kuyang Makulit dahil inaabala niya ang aking mabilis sanang numerical analysis. Pagkakuha ko namin ng order, napansin kong priority lane yung pinapilahan sa'min. Para sa mga senior citizens at persons with disabilities. Pa'no na lang kung may biglang pumasok na matanda? Mabagal lang naman akong magkompyut ah, disability na ga 'yon?

   Pero teka, lahat pala tayo may disabilities. Kawalan ng kakayanang sumayaw. Hindi kayang tumulay sa alambre. Walang kakayanang magtiwala at magmahal. Lahat tayo may mga di kayang gawin; may disabilities.

   So iniisip ko kung puwede rong pumila ang mga corrupt na politician, disability nila ang maging tapat sa serbisyo; o disable silang magmahal sa bayan.

   'Tsaka, ayon sa nakatrabaho ko, sa isang volunteer mission, na social worker; hindi na dapat persons with disabilities ang taguri. Kundi differently abled persons na.

   Noong hapong 'yon, napaalalahanan ako na may mga bagay nga pala akong di kayang gawin. At nalamang di pa pala kami nanananghalian!

Saturday, August 15, 2015

Si Yaya Dub at ang Civil Service Exam Review

   Dahil hindi lang sa mag-jowa ang stargazing, nakatingala kami noon sa langit habang nagkukuwentuhan ng pangarap. Ako, si Roy, at si Ebs na bertdey boy; naka-upo sa pabirito naming tambay spot: sa hagdanan ng simbahan nina E-boy. Nabububongan kami pero nakikita pa rin namin ang mga bituin dahil bakanteng lote ang katapat ng simbahan nila.

   Ako gusto kong maging senador. Si Roy, gustong mag-presidente. Si Ebs (E-boy) ay.... wala pa rin daw. Mga gustong mapundar gaya ng bahay at kotse ni Roy, library o museo ang sa'kin. Iniisip pa rin ni Ebs yung gusto niya maliban sa Nintendo 3DS para makapaglaro ng Pokemon in 3D. Sa totoo lang, pangarap ko rin 'yun. Pero bago ang mga sin' layo ng mga bituin na pangarap, meron kaming napagkasunduang sungkitin; ang mapasahan ang Civil Service Exam (CSE).

   Hindi pa namin balak pumasok at tumanda sa gobyerno, pero alam namin na kakailanganin namin ito. Kung para saan at kailan ay hindi pa namin alam. Praktis na rin namin ito para sa Licensure Exam for Agriculturists (LEA) kung saan pinapangarap naman naming maging nasa Top 10. Isa sa mga daan-daang level ang CSE tungo sa aming mga suntok sa buwang mga pangarap. Kayanaman, napag-usapan namin na magrebyu ng at least 2x a week. Bukas na agad ang umpisa ng 9 n.u.

   Unang araw pa lang, nahuli na si Roy. Makakailang araw lang ay matitigil na si Roy sa pagsama sa rebyu. Nakatatlong review sessions din naman si Roy bago ito tuluyang nawala sa mga sesyon dahil nagtrabaho na ito sa Batangas. Kinailangan na dahil sa pangangailangan ng pamilya lalo na ng pag-aaral ni Keisha, kapatid niyang persyir kaleyds.

  Naging isang beses na lang ang rebyu namin ni Ebs. Dumami ang dahilan kahit isa lang naman talaga, tinatamad. Boring naman talaga kako. Kahit ako tinatamad. The feeling is mutual kako. Yun naman pala e, anya. PERO hindi dapat magpatalo sa nasa ng laman. Kailangan kalabanin ang sarili. Ang katamaran! Nakailang preachings din ako kay E-boy. Pulpito na lang ang kulang sa 'kin at baka maunahan ko na siyang magpastor. Minsan nga napapagod na rin ako. Minsan nabibingi na rin 'yun alam ko. Nakakangawit ding tumingala habang sumusungkit ng mga talang pangarap.

May mga bagong natutunan naman. As in bago. Hindi lang sa vocabs kundi sa mga batas lalo na Republic Act (RA) 6713. Tungkol ito sa code of conduct at ethical standards ng mga public officials at employees kung saan sa sipat namin ay maraming sabit. Lalo na sa accptance of gift, simple living, political neutrality, at nakakalungkot; sa professionalism (Susulat ako ng ibang post ukol dito). Naipaalala rin sa'min ang Saligang Batas ng Pilipinas. May natutunan naman kami, kaya kapaki-pakinabang ang pagrerebyu. Sa sipat ko, ang CSE, yung pag-aaral ukol sa mga nilalaman nito ay paghahanda rin sa pagiging isang mabuti at may prinsipyong public servant. Nagkaroon tuloy ng makapal na bakod ngayon sa isip ko ang public servant at politicians.

  Inuna namin ang Vocabs. Mahirap. Isinunod namin ang reading comprehension. Mas mahiiiiiirap! Tapos, Newly Enacted Laws at PH Consti. Hindi pala kami malay dito. Ihinuli namin ang Math, na pinagtiyatiyagaan lang talaga namin ngayon. Paano nga ba mag-add ng may radical sign? E nang fractions?

   Alalay lang kami sa pag-aaral dahil si Ebs ay matatandaang nabangga, nagka-brain trauma, at nag-seizure. Ang pagpasok ng stress ay dapat limitado. Kaya kada 20-25 items ay may mga incentives, motivation, at stress reliever kami. Iba-iba kada sesyon puwedeng 1. merienda ng tinapay, 2. higa o iglip ng 15 mins., 3. paghawak sa ilong ng mas mababang score (pot-pot time), 4. Facebook, 5. Youtube surfing ng dubsmash videos. Mahirap nang kombulsyonin ito kapag kasama ako, baka masakal ko pa

   Dito namin nasugagaan si Yaya Dub. Hindi pa nga siya Yaya Dub noon. Hindi pa namin alam na Maine Mendoza ang pangalan niya. Nakakatawa kasi yung compilations niya ng Kris Aquino lines lalo na yung pagwa-wacky niya. Nagtatanong pa nga ako kung sino ba yung babae na yun. Hanggang sa napanuod ko na si Yaya Dub sa Eat Bulaga! Doon na ko sumubaybay lalo na noong naging kalyeserye na. Kapag pumapalya ako sa panonood ay iyu-youtube ko pa ito kena Ebs. Sabi ko sa'yo Nikabrik, may dahilan ang pagsubaybay ko kay Yaya Dub. Itinuring ko na siyang kaklase sa rebyu.

   Nagrerebyu pa rin kami ni Ebs hanggang ngayon. Malapit na rin kaming mag-abyad ng aplikasyon sa Lucena. Sa Oktubre na ang eksam. Kada mapapanood ko ang AlDub ay napapaalalahanan ako na kailangan ng konting paghihirap. Na hindi instant noodles ang lahat. Na magiging magbubunga ang pagsisikap. Kung hindi man ngayon, ay sa tamang panahon.

Thursday, August 13, 2015

Lunes, Ambiles!

Lunes, Ambiles!

Nagising ako. Kena E-boy ulit. Nilamay namin ang 5-page position paper ni Gyl, pinsan ni Ebs na public ad student. Letranista daw ang bago nilang propesor at nakakasindak. Nagpatulong si Gyl. Dalawang gabi naming ginawa ang position paper niya sa #SONA 2015 at awa naman ng Diyos ay natapos. Umabot pa ng 8 pages kasama ang bibliography. Puyat na p(u/a)yat kami ni Ebs, kaya tanghali pa ang gising.

Pag-gising ko ay paalis naman sina Babes kasama sina Pastor at Mrs. P, ihahatid na ulit si Babes sa university sa Lucban, kasabay na rin si Gyl. Isinasama nga kami ni Pastor, kaya lang ay parang nilason si E-boy dahil walang kamalay-malay ito. Sinilip ko ang butas ng ilong nito at nakita ko ang utak nya, "sorry, we're closed" ang sabi ng karatula. Kaya iwan kami.

Bumangon na ako. Inalok ako ni Lola Nits ng sinangag, pandesal, peanut butter, chiz whiz, palabok, at sopa; e di ko pa feel kumain ng walang ginagawa kaya nag-kape at pandesal na lang ako. Mamaya na lang ang real meal kasabay ni Ebs. Pagkatapos ko sa mesa ay nagwalis ako sa kusina-sala nila. Nag-mop. Naglinis ng banyo. Inilabas ang basura dahil dumaan ang trak. Hindi pa rin ako pinapawisan.

Nagbasa ako ng kaunti. Nakaramdam na 'ko ng pawis kung kelan nagpahinga na 'ko. Maya-maya pa'y gising na si E-boy. Nag-almusal. Nagbukas ng tv. Humawak ng selpon. Jumebs. Nagchannel surfing. Ipinapako ko sa Star Movies. Nakita ko kasi si Cameron Diaz.

The Other Woman ang pamagat. Hindi ko ma-gets, hindi namin naumpisahan e. Nakakatawa lang talaga si Cameron Diaz. Hindi ko alam kung dito ba galing yung No Other Woman ni Anne Curtis. Nang magtagal nakuha rin namin ang kuwento. May isang misis na may mister na siyempre, may kabit. Si Cameron D. ang Kabet no. 1. At siyempre may Kabet no. 2; higit na mas bata sa totoong asawa at kay Cam. D. Magtutulungan ang tatlo para maibagsak at matuldukan ang kasamaan ni Mike, ang salbaheng asawa. Nariyang nilagyan ng pampatae ang inumin, hinahaluan araw-araw ng estrogen ang shake ni Mike, pinalitan ang shampoo ng hair removal, at kung anu-ano pang kasalbahihan noong tatlong magkakaribal sana pero naging magbabarkada. Laugh trip talaga ito.

  Kakaiba ang approach noong asawa ni Mike sa kanyang mga karibal. Dahil kung sa Pilipinas na pelikula 'yon, palaging salpukan ng lines at sampalang umaatikabo. Sa ending, mahihiwalay sila ng tuluyan kay Mike dahil friendship lang ang forever. Magiging bff pa ang dating magkaka-agaw. Hagalpak pa sa twist sa ending!

 "Next: Maze Runner" nakalagay sa bandang kaliwa ng tv. Alam kong matagal na 'tong gustong panoorin ni Ebs kaya naman niyaya ko siyang mag-rebyu. Ayaw niya raw. Kinonsensya ko pa siya na hindi pa siya nagdedevotion o nagpray man lang pagkagising; magdevotion muna siya. Wala raw makakapigil sa panonood niya. Nang-aasar lang talaga ako kaya nilubos ko na. Yung mataba d'yan at yung mukhang laging barino na artista, mamatay yan sa ending!

   Maya-maya ay dumating na sina Pastor. Tinulungang magbaba ng pinamili sa Lucban. Tapos, nagmerienda ng tinapay, buding, pipino, at mansanas.

  Pagkatapos ng Maze Runner ay pumasok si Ebs sa kwarto. Matutulog na naman. Ako'y bigla namang tinawagan ni Ate Tin, kailangan ko raw magpanotaryo ng deed of udertaking. Kailangan ito para sa release ng iskolarsyip. Kailangan ko raw pumunta ng univeristy para sa form. Pupunta rin naman si Ebs sa iskul at aasikasuhin ang graduation pic niya. Pinagising ko na at sabi ko'y uuwi muna ako para magbihis at sasama na ko paiskul. Tapos, naisip niyang bumisita kena Ate Anj, kaibigan naming missionary sa Candelaria. Tamang tama naman dahil sa Candelaria ako magpapanotaryo. Hindi na ko nagtanghalian dahil busog pa nga. Umuwi na ko agad-agad.

Dumaan ako ng palengke. Sa puwesto namin, masakit pa ang tiyan ni Mama kaya mamaya na lang ako hihingi ng pampanotaryo.Umuwi muna ako sa bahay ay nagmadaling maligo at nagbihis. Nagbukas ng TV para masilayan si Yaya Dub, kaya lang tapos na pala ang kalyeserye. Umalis na ko at dumaan ulit sa puwesto namin at nanghingi ng pera. Nag-abot naman si Mama ng pampanotaryo na 200 pesos. Zoom! Pabalik na ulit kena Ebs.

   Nakabihis naman na ito pagdating ko doon ng mga 2:30 pero 3: 15 na kami naka-alis dahil sa tagal nito sa salamin. Pagdating sa iskul, agad akong nagtungo sa bintana ng faculty at inabyad ang abyarin. Fill up tapos ibalik daw ke Ate Tin ang form. Tapos, picture naman ni Ebs, sa binatana naman ng registrar ang transaction nito. Lumagay lang ako sa gilid habang nakikipag-usap si Ebs kay Mam Noreen.

"Mam grad pic po?"
"Resibo?"
"Pano po pag nawala ang resibo?"
"Clearance?"
"Pano po pag naiwan ang clearance?"
"Balik na lang."

   Parang nasagasaan ulit ang mukha ni E-boy. Tapos, tinawanan ko pa. Ang issue dito ay hindi ang hindi pagkakuha ng grad pic, kundi hindi gumana ang "charm" niya kay Mam Noreen. At pangalawang beses na 'to.

   Express kaming bumisita sa Kubo at kinausap si Ate Abyy, tungkol sa talk ko sa Huwebes. Tapos nag-fill up na ko. Si Ebs gusto nang umuwi, nawalan na nang gana. Sabi ko pa na ang totoong charm ay napapakinabangan kapag kailangan. Sa bata lang daw gumagana ang charm niya.

   Pag-alis ng iskul, habang kinakausap ko pa si Ate Tin tungkol sa kung kaninong iskolarsyip ang irerelease ay bigla namang sumingit si Karla, kasamahan ko ito sa pub dati, tungkol naman sa naudlot kong aplikasyon aa university ang pinag-uusapan namin. Tapos, bigla namang sumingit si Nikabrik, nagtatanong kung bakit daw ako naroon. Tapos, si Utoy naman na bibili raw ng bantam. Tapos, si Ebs na ulit ang kausap ko, sabi ko magpa-kyut ka na lang sa mga pabebe girls sa dyip mamaya para makabawi.

  Express lahat ng kinausap ko. Hindi ako sanay. Walang puknatan akong makipagkwentuhan. Naghahabol ako kay oras. Kailangan pa kasing magpanotaryo. Bumisita kay Ate Anj. Umuwi ni Eboy ng maaga at magtutor. Oh oras, tila ambilis mo naman ngayon, paluwas ka ba ga? Pero hindi gagana ang kahit anong pagpapakyut para maghintay siya.

Dyord
Agosto 10, 2015