Lahat Tayo ay PWD!
Nasa Candelaria kami ni E-boy dahil may inasikaso akong papeles. Plano kong magkwek-kwek kami pagkatapos. May natira pa sa pera ko e. Pagka-yaya ko sa kanya, ayaw n'ya. Nahulaan ko naman agad ang gusto - french fries. Bigla itong naglihi ngayon sa paborito n'yang french fries.
Magkano ba ron? Parang P32 lang yata ang regular. Keri pa dahil may P40+ barya. Andami nang kwek-kwek nu'n kung sa palengke lang. Dahil palagi na nga kaming nagkukwek-kwek, pinagbigyan ko na. Gusto ko ring magpahinga sa erkon e.
Pagdating namin doon. Inabot ko sa kanya ang P40+ ko at pinaalalang ililibre niya ko ng pamasahe pauwi. Nag-abot siya ng P100, galante naman 'tong si Ebs minsan. Ako na raw bahala sa order ko. Gusto niya raw ay kahit ano basta may fries.
"Ser, proceed po tayo sa next counter!"
"(smile lang ang sagot)"
So, hindi muna kami pumila. Nagtagal sa tapat ng cashier. Nagba-budget. Nagdagdag pa siya ng ilang barya. A total of P180 na ang budget namin. Pinagko-combo-combo ko yung fries sa iba pang meals, tapos pagpa-plusin ko ang presyo. P32 + P50 +... (drowing sa ere)
"Ser! Available na po ang next counter!". Nangulit na naman siya.
"Wait (+ ngiting pilit)".
Kaka-distract! Back to zero na naman. Kompyut ulit ako. Pano kung dalawang chicken fillet w/rice + fries.. P75 x 2......... [P50 + P50 + P25(2)]..... after several minutes ay nakuha ko na! P150 lang! May kanin na at may fries pa!
"Ser! Next counter po!".
Pumila na 'ko. Ibinalik ko kay Ebs ang sukli. Binigay namin ang order. Ayoko sanang pumila kami kay Kuyang Makulit dahil inaabala niya ang aking mabilis sanang numerical analysis. Pagkakuha ko namin ng order, napansin kong priority lane yung pinapilahan sa'min. Para sa mga senior citizens at persons with disabilities. Pa'no na lang kung may biglang pumasok na matanda? Mabagal lang naman akong magkompyut ah, disability na ga 'yon?
Pero teka, lahat pala tayo may disabilities. Kawalan ng kakayanang sumayaw. Hindi kayang tumulay sa alambre. Walang kakayanang magtiwala at magmahal. Lahat tayo may mga di kayang gawin; may disabilities.
So iniisip ko kung puwede rong pumila ang mga corrupt na politician, disability nila ang maging tapat sa serbisyo; o disable silang magmahal sa bayan.
'Tsaka, ayon sa nakatrabaho ko, sa isang volunteer mission, na social worker; hindi na dapat persons with disabilities ang taguri. Kundi differently abled persons na.
Noong hapong 'yon, napaalalahanan ako na may mga bagay nga pala akong di kayang gawin. At nalamang di pa pala kami nanananghalian!
No comments:
Post a Comment