Saturday, August 15, 2015

Si Yaya Dub at ang Civil Service Exam Review

   Dahil hindi lang sa mag-jowa ang stargazing, nakatingala kami noon sa langit habang nagkukuwentuhan ng pangarap. Ako, si Roy, at si Ebs na bertdey boy; naka-upo sa pabirito naming tambay spot: sa hagdanan ng simbahan nina E-boy. Nabububongan kami pero nakikita pa rin namin ang mga bituin dahil bakanteng lote ang katapat ng simbahan nila.

   Ako gusto kong maging senador. Si Roy, gustong mag-presidente. Si Ebs (E-boy) ay.... wala pa rin daw. Mga gustong mapundar gaya ng bahay at kotse ni Roy, library o museo ang sa'kin. Iniisip pa rin ni Ebs yung gusto niya maliban sa Nintendo 3DS para makapaglaro ng Pokemon in 3D. Sa totoo lang, pangarap ko rin 'yun. Pero bago ang mga sin' layo ng mga bituin na pangarap, meron kaming napagkasunduang sungkitin; ang mapasahan ang Civil Service Exam (CSE).

   Hindi pa namin balak pumasok at tumanda sa gobyerno, pero alam namin na kakailanganin namin ito. Kung para saan at kailan ay hindi pa namin alam. Praktis na rin namin ito para sa Licensure Exam for Agriculturists (LEA) kung saan pinapangarap naman naming maging nasa Top 10. Isa sa mga daan-daang level ang CSE tungo sa aming mga suntok sa buwang mga pangarap. Kayanaman, napag-usapan namin na magrebyu ng at least 2x a week. Bukas na agad ang umpisa ng 9 n.u.

   Unang araw pa lang, nahuli na si Roy. Makakailang araw lang ay matitigil na si Roy sa pagsama sa rebyu. Nakatatlong review sessions din naman si Roy bago ito tuluyang nawala sa mga sesyon dahil nagtrabaho na ito sa Batangas. Kinailangan na dahil sa pangangailangan ng pamilya lalo na ng pag-aaral ni Keisha, kapatid niyang persyir kaleyds.

  Naging isang beses na lang ang rebyu namin ni Ebs. Dumami ang dahilan kahit isa lang naman talaga, tinatamad. Boring naman talaga kako. Kahit ako tinatamad. The feeling is mutual kako. Yun naman pala e, anya. PERO hindi dapat magpatalo sa nasa ng laman. Kailangan kalabanin ang sarili. Ang katamaran! Nakailang preachings din ako kay E-boy. Pulpito na lang ang kulang sa 'kin at baka maunahan ko na siyang magpastor. Minsan nga napapagod na rin ako. Minsan nabibingi na rin 'yun alam ko. Nakakangawit ding tumingala habang sumusungkit ng mga talang pangarap.

May mga bagong natutunan naman. As in bago. Hindi lang sa vocabs kundi sa mga batas lalo na Republic Act (RA) 6713. Tungkol ito sa code of conduct at ethical standards ng mga public officials at employees kung saan sa sipat namin ay maraming sabit. Lalo na sa accptance of gift, simple living, political neutrality, at nakakalungkot; sa professionalism (Susulat ako ng ibang post ukol dito). Naipaalala rin sa'min ang Saligang Batas ng Pilipinas. May natutunan naman kami, kaya kapaki-pakinabang ang pagrerebyu. Sa sipat ko, ang CSE, yung pag-aaral ukol sa mga nilalaman nito ay paghahanda rin sa pagiging isang mabuti at may prinsipyong public servant. Nagkaroon tuloy ng makapal na bakod ngayon sa isip ko ang public servant at politicians.

  Inuna namin ang Vocabs. Mahirap. Isinunod namin ang reading comprehension. Mas mahiiiiiirap! Tapos, Newly Enacted Laws at PH Consti. Hindi pala kami malay dito. Ihinuli namin ang Math, na pinagtiyatiyagaan lang talaga namin ngayon. Paano nga ba mag-add ng may radical sign? E nang fractions?

   Alalay lang kami sa pag-aaral dahil si Ebs ay matatandaang nabangga, nagka-brain trauma, at nag-seizure. Ang pagpasok ng stress ay dapat limitado. Kaya kada 20-25 items ay may mga incentives, motivation, at stress reliever kami. Iba-iba kada sesyon puwedeng 1. merienda ng tinapay, 2. higa o iglip ng 15 mins., 3. paghawak sa ilong ng mas mababang score (pot-pot time), 4. Facebook, 5. Youtube surfing ng dubsmash videos. Mahirap nang kombulsyonin ito kapag kasama ako, baka masakal ko pa

   Dito namin nasugagaan si Yaya Dub. Hindi pa nga siya Yaya Dub noon. Hindi pa namin alam na Maine Mendoza ang pangalan niya. Nakakatawa kasi yung compilations niya ng Kris Aquino lines lalo na yung pagwa-wacky niya. Nagtatanong pa nga ako kung sino ba yung babae na yun. Hanggang sa napanuod ko na si Yaya Dub sa Eat Bulaga! Doon na ko sumubaybay lalo na noong naging kalyeserye na. Kapag pumapalya ako sa panonood ay iyu-youtube ko pa ito kena Ebs. Sabi ko sa'yo Nikabrik, may dahilan ang pagsubaybay ko kay Yaya Dub. Itinuring ko na siyang kaklase sa rebyu.

   Nagrerebyu pa rin kami ni Ebs hanggang ngayon. Malapit na rin kaming mag-abyad ng aplikasyon sa Lucena. Sa Oktubre na ang eksam. Kada mapapanood ko ang AlDub ay napapaalalahanan ako na kailangan ng konting paghihirap. Na hindi instant noodles ang lahat. Na magiging magbubunga ang pagsisikap. Kung hindi man ngayon, ay sa tamang panahon.

No comments: