Nabasa ko yung 'Anim na Sabado ng Beyblade'
Si Sir Ferdinand Jarin ang may akda ng Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang Sanaysay. Koleksiyon ito ng mga paborito kong anyo ng panitikan - sanaysay (non-fiction). Nabili ko ang sariling kopya noong Aklatan 2013. Nakadalawang basa na rin ako nito at nalibang sa pagsubaybay sa bawat paghatak at pagtigil sa pag-ikot ng kanyang mga sanaysay.
Ang face (o bahayan) ng Beyblade:
Seryoso. Seryosong magkuwento si Sir Ferdie ng kaniyang buhay. Kung maiksi ang attention span mo ay baka mainip ka sa haba ng mga sanaysay. Pero yung haba may epek e, seryosong epek sa huli. Dahil sa haba, sa pagbabasa mo, marami kang makakasalamuhang tao. Sa bawat akda, mas lumalalim ang pagkakakikilala mo sa may akda at sa mga tao sa paligid niya. Sa huli tuloy ng bawat sanaysay, mararamdaman mo yung pagka-miss ng may akda sa mga kaibigan at kakilala. Pati ako namimiss sila kahit hindi ko naman sila nakasamang talaga.
Melo-dramatiko. 'Yung mga karanasan sa buhay ni Sir Ferdie ay pang-MMK. May ganung tunog. Pero hindi pinadrama. Madadama mong may honesty sa paglalahad si Sir Ferdie. Lalo na sa buhay niya noong 80s-90s, parang binabangga ng beyblade yung puso ko dahil sa mga kagustuhan nung may akda na hindi niya maabot. Karaniwan lang ito kung tutuusin para sa mga kabataan, ang makapag-aral, makatulong sa pamilya, maging 'in', bumili ng damit at iba pang 'gustos'. Hindi rin nahiya ang may akda na ipakitang uso rin sa lalaki ang malapit na kaibigan, pagkabigo, at pagluha. Katapangan rin sa lalaki na amining umiiyak din siya.
Pero kahit melo-dramatiko at seryoso ang kabuuan ng koleksiyon ay may mga diklap din ito ng humor. Saktong-sakto ang timing na hindi nito winawasak ang pagkaseryoso ng akda.
Ang track ng Beyblade ay:
Mahirap sa Pahirap. Nagsimula sa mahirap na pagkabata hanggang sa hirap ng pagiging matanda. Well, part naman talaga ng buhay ang kahirapan at sakit kaya iba ang koleksiyon na ito sa ibang non-fiction. Realidad talaga. Nagkuwento si Sir Ferdie mula sa pagiging anak-pawis hanggang sa pagpapawis para sa anak.
Noon hanggang Ngayon. Mapapansin mo rin sa mga sanaysay ang pagpapaliwanag kung ganoon ang pangalan ng lugar. May kinalaman kasi ito sa kasaysayan ng lugar at sa kung ano ang kasalukuyan nito. Mamangha ka na sa paglipas ng panahon maraming magbabago at mahuhuli mong nangingiti ka dahil abala ang panahon sa paghubog hindi lang sa'yo kundi sa mga lugar na kinalakihan mo. At isa lang ang dapat mong baon: pagiging handa sa mga pagbabago.
Ang metal wheel ng Beyblade:
Para sa'kin ito ay ang huling sanaysay -Anim na Sabado ng Beyblade. Impormatib ito hindi lang tungkol sa sakit ng Acute Lymphocytic Leukemia (ALL) kundi pati na rin sa sakit na dulot nito sa lahat ng nagmamahal sa may sakit. Sa ikalawa kong basa nito hindi nagbago ang lakas ng bangga nito sa puso. Hindi natin masabi ang dahilan ng ganitong 'parang unfair' na karanasan. Kahandaan at katatagan pa rin ang mainam na baon sa ganitong uri ng laban.
Ang bottom ng Beyblade: Ano't ano man ang mangyari sa buhay, tuloy ang ikot; tuloy ang laban!
No comments:
Post a Comment