Thursday, December 31, 2015

Pompyang Dos

Pompyang Dos
Madaling araw pa lang gising na'ko para pumunta sa interbyu sa Alabang. Kailangan nang magbanat-banat ng buto dahil hindi na ako bumabata. Bente dos na ko ngayong Bente dos, pompyang kung sa jueteng.
Tila sugal na naman ang gagawin kong aplikasyon. Itataya ang ilang daang piso at matatalo kung hindi matutuloy sa pagtatrabaho dahil sasablay ang mga kinakailangan ng trabaho sa itinakda kong "never-again-in-my-career rules". Sana ito na.
Inabot din ako nang maghapon sa paunang panayam. Takipsilim na nang dumating ako kena Ebs. Umub-ob lang ako sa mesa sa opis ni Pastor Abner habang siya ay nagla-laptop. Kuwento-kuwento ng mga naganap sa maghapon, na maganda yung HR, na nakakaat-at tuloy, na para akong hayskul na nagre-recitation; pero hindi pa rin niya naalala.
Oks lang naman. Nakakatawa lang dahil sobrang "siya" lang e. Parang ganito ang takbo ng utak ni Ebs: Ordinaryong araw. Andito si Kuya Jord sa'min. Mang-aasar. Makikikain. Nood movie mamaya....(napatingin sa date sa laptop: December 22). Saka lang siya natawa at naalalang bumati. "...bertdey mo ngayon". Grammatically, hindi talaga siya bumati e.
Maraming bumati. Hindi ko pa rin ma-gets kung gaano kahalaga yung pagbati o pag-alala sa kaarawan lalo na ngayong pinapaalalahanan na tayo ng FB na may bertdey ang kaibigan mo at nakalimutan mo dahil marami kang problema sa trabaho, lablayf, pamilya, pag-iisip, at kalimutan mo muna ang sarili at magpasaya o umalala sa kaarawan niya. Pero nag-enjoy din naman ako sa pagbabasa ng mga pagbating may mini-sanaysay pa.
Ang mga iniirog, tinatangi, pinaka, kaut-utang dila, inaagawan ng pagkain, na kaibigan kasi ay hindi talaga bumabati sa social media kapag kaarawan mo. Sila yung bumibili ng regalo kahit di maibigay sa'yo dahil malayo sila. Sila yung presence of mind at audience impact ang nireregalo, maliit na porsyento lang pero panalo! Minsan kahit wala silang gawin, sabihin, o ibigay, yung fact lang na kaibigan mo sila, mapapapasalamat ka na pinanganak ka isang araw at naranasan ang buhay.
Salamat Po.
December, 2015

Tuesday, December 29, 2015

Disyembre 18-20, 2015

Disyembre 18, 2015


Dipres na dipres ako. Ilang araw na. Naghahabol sa tulog. Sa tulog naghahabol. Hindi makapokus sa inaaral. Sa inaaral, di makapokus. Walang kuwenta lumalabas sa bolpen ko.



Nag-pm sa'kin ang organizer ng Saranggola Blog Awards (SBA) dahil finalist daw ang entry ko. Seen lang dahil wala akong pamasahe papunta, tsaka baka ek-ek lang para marami pumunta sa event. Nag-text din pala sa'kin. Finalist nga raw.


Punta ko sa puwesto sa palengke.


"Ma, finalist raw ang entry ko sa Saranggola". Siyempre, ineksplika ko pa kung ano ang isinusulong ng Saranggola Blog Awards blah blah blah. "So anong kailangan mo"? Tanong ni Mama.


Pamasahe papuntang Boni. Pero walang kasiguraduhang mananalo ako ng cash prize, 1st prize lang kasi ang may cash doon. At nagtapos kami sa hindi raw n'ya ko mabibigyan dahil may ahente raw siya ng kape na darating. Kesyo andami pa n'yang hulugan. Kaya inabutan na lang n'ya ko ng 32 pesos pampaload.


Umuwi na lang ulit ako bitbit ang kalahating boteng langis, kape, at ang saranggolang hindi maiitalang dahil mahina ang ihip ng hangin.


Disyembre 19, 2015


Alas-onse  ng tanghali na pala ako nagising. Alas-dos na kasi ako nakatulog. Naghahabol pa rin. Bilis-bagal ang tibok ng puso.


Habang nagtitimpla ako ng kape ay may tumawag sa selpon ko na numero lang. Si Sir Bernard daw siya ng SBA. Ayun, dalawang entries ko pala ang pasok sa finals. Aaaay...sayang kasi hindi talaga ko makakapunta sa event. Sabi ko si Ate Bebang lang ang kakilala ko na pupunta. May binanggit yata si Sir Bernard na shirt na ipapadala. Matapos ibaba ang tawag, nanghinayang ako kasi di ko man lang nasuportahan ang isang event na nagsusulong ng pagba-blog sa Filipino. Next year talaga. Igop kape.


Pero punta ulit ako ng puwesto sa palengke. Nangulit kay Mama. Baka naman. Pero wala raw talaga. Wala pa namang masyadong benta dahil nag-uuulan ng mga nakalipas na araw, walang gustong lumabas at mamalengke. So, hindi na talaga. Paghahandaan ko na next year. Kung magpipiso-piso ako simula ngayon, next year may pamasahe ako sa SBA.


Pinabalot ko na lang kay Mama ang isang gel pen at parang mantel na de-zipper na pencil case; pang-exchange gift ko kako sa Christmas party sa mga bata sa outreach class ni Mil. Kaso, di rin natuloy dahil maulan.


Nagtext si Ate Bebang na may entry daw pala ko sa SBA. Kung makakapunta raw ba ko? For the Nth time, paghahandaan ko na neks yir.



Disyembre 20, 2015

Linggo ng Hapon



Naglalakad ako papuntang simbahan nang maglakas loob akong magtanong kay Sir Bernard tungkol sa SBA. Pinalad maka-ikatlong puwesto sa pagsulat ng Diona at manalo sa panukalang papel.


Nanalo ang Project PAG-bASA!


Salamat Hesus na unang nagbigay ng aklat sa'ting lahat!

Friday, December 18, 2015

Pasko; Pansol

Pasko, Pansol
Nag-impke ako.
Tinatamad maligo.
Simoy ng hangin
Ilong ng pusa
Pusong nag-iisa
P're-p'rehong yelo
Kailangang lumabas
Kailangang mailabas
Nag-asikaso ng pamalit
Sa tubig baka saglit maakit
Nagpabaon si Lola Nits
Ng ingat at tsinelas pamalit
Bakit na naman tumutugma
Ang bintana ng sasakyan't pait
Gusto kong sirain ang ritmo
Ang tugmang hindi ko gusto
Kumagat ang Disyembreng dilim
Naaaninag ko pa rin naman
Ang maiilaw na resorts na korean
Nasusuka ako sa paikot-ikot
Na nagsesebong pakiramdam
May bumubukal na di ko alam
Baka sakaling madaan sa kain
O di kaya'y baduy pero masaya
Na larong paulit-ulit lang pati tao
Naakit nga ako sa usok ng tubig
Hindi lang ito ang hangganan
May daan sa bawat kalabsaw
Daan para matunaw ang sebo
Na nabuuo sa ritwal na ehersisyo
Tunawin mo,
Sa bawat kampay,
Sa bawat subo ng litson,
Sa bawat talon,
Sa bawat igop ng kape,
Sa bawat sisid,
Hanggang sa mapagod na lang
Malunod sa antok, ihele ng tulog
Bumangon sa hamog ng umaga
Makinig sa mainit na musika
Handang bumuo ulit ng sebo
Na babalot sa buhay at tutunawing muli.

Jingle Bills

Pang-exchange gift - P 15
Dinner fee sa Banquet - P 100(x2)
Dishwashing - P 45
Retreat - P 300
Fortress Shirt - P 180
LTO - P (TBA)
Sabihin mo sa'king hindi pera ang diwa ng Pasko at i-e-enumerate ko sa'yo ang mga dapat bayaran o gastusan. Saang sabsaban ko kaya matatagpuan ang ipupuno ko sa mga pangangailangang ito?
Ang problema sa 'tin mahilig tayo sa Christmas cliche gaya ng pagkahilig natin sa bibingka. "Ang diwa ng Pasko ay pagbibigayan", tapos ngunguto-nguto tayo kapag nakatanggap ng picture frame. "Ang diwa ng Pasko ay pagmamahalan", tapos nalulungkot tayo kapag walang famas. "Ang Pasko ay hindi tungkol sa bagong damit, keso de bola't hamon, kundi tungkol kay Kristo", tapos nakikipagsiksikan tayo sa mall dahil sale, nagkukumahog tayong mamalengke, nagmumurahan tayo sa tindi ng traffic, at naghahaba ang mukha kapag maliit ang bonus. Walang masama sa paghahanda, pagsasaya, pagbibigay luho sa sarili minsan sa isang taon, pero 'wag ko nang marinig-rinig na ang Pasko ay hindi tungkol sa pera dahil nakaka-Paksiw ng mukha. Minsan in denial talaga tayo sa katotohanan ng komersiyalismo; tuloy nagiging pseudo-anti-materialistic tayo.
Tanggapin na natin na ang pera ay bahagi ng Pasko gaya ng bahagi ito ng araw-araw na pamumuhay.
Nangangarap ako ng isang Pasko na hawig ng sa mga pastol sa parang. Kasama ang mga kaibigan, malayo sa ingay ng pamilihan, nakapalibot sa naglalagablab na bonfire, naririnig ang mga gitak ng nasusunog na kahoy, at nakatingin sa mga tala. Walang pera. Walang stress. Walang rush.
Sa dumatal noong Pasko;
Iligtas N'yo po kami sa apoy ng komersyalismo.
Tumawag sa'kin ang DSWD para sa aplikasyon ko sa kanila, may exam date na 'ko sa Alabang sa Disyembre 22. Kaya may humabol pa sa listahan:
Pamasahe - P 200
Tanghalian - P 70
Pagupit - P 45
Pang-ahit - P 30
Lahat-lahat: P 1085 + TBA

Sunday, December 13, 2015

Nakakabundok

Isang umaga nakatanggap ako ng text mula kay Roy, nangangailangan daw si Pastor Paul ng encoder. Bale iri-refer pala ni Pastor Paul ang aplikante sa SLSU admin. Rush yata dahil may tatlong miskol na sa selpon ko na number lang. Sinabi ko kagad kay Mama, alam ko kasing wala kaming pera at hindi pa man siya nakakasagot kung kakagatin ko ba ang trabaho, ay nag-ring na ulit ang selpon ko. Di ko sinagot, pinatay ko.

Bakit daw di ko sinagot? E wala kasing pera; ang hirap pumorma ng apply. Nag-isip-isip siya, kami pala. Kung encoding o clerical ang trabaho baka nasa max na ng 8K ang suweldo. Gagastos ako ng nasa 4K sa isang buwan. Pero kung 5K lang din daw ang suswelduhin, e maglaba na lang daw ako sa bahay.

Dumayal-dial ang nanay ko. Naghahanap ng mauutangan. Malamang 5-6 na naman. Kailangan ko ng pamasahe papuntang Lucban para iabot ang papeles ko na kailangan ko pang ipa-print. Uuna na raw siya sa palengke at ite-text na lang ako kapag me pera na.

Maya-maya ay tumawag ulit  si Pastor Paul. Kahapon pa raw n'ya ko tinatawagan pero wala raw sagot. Tinanong na'ko kung interesado ako sa trabaho, sabi ko ay opo kaya lang baka puwedeng biyernrs na dalhin yung paper dahil wala pa kaming pera. Sabi ni Pastor baka raw pwedeng gawan muna ng paraan para ma-isked na raw agad ang interbyu at eksam. Sige po na lang ang nasagot ko.

Medyo hapon na dumaying ang pera. Bandang alas-dos na rin ako nakapagpa-print kena E-boy. Di na aabot kung pupunta pa kong Lucban. Bukas na lang ng umaga sabi ko kay Pastor Paul sa afreesms.com. Nag-merienda na lang kami ni E-boy sa palengke, "ikain na lang natin 'tong pera ko 'bo" sabi ko.

Kinabukasan, pinilit kong gumising ng umaga. Maligo ng umaga kahit mahirap. Bumiyahe papuntang Lucban ng maaga. Nag-log in sa dalawang asul ma log book. Pagdating ko sa HR ay ipipinasa ang papel at binanggit si Pastor Paul. Napa-"aah" ang babae. Tiningnan ang CV ko. "Tiaong", banggit n"ya. "Galing ka pang Tiaong n'yan?" Opo, kako.

"Sana ini-e-mail mo na lang".


Nang maka ikatlong araw ay nagteks sila kung puwedeng mag-exam ako sa makalawa. Hindi na ko nag-reply. Hindi na ko bumalik. Kailan-kailan man.

Friday, December 11, 2015

Mocking Mockingjay (Part 2)

Mocking Mockingjay (Part 2)



Ilang linggo bago mag-showing ang Mockingjay Part 2, e paulit-ulit na itong ipinapatalastas sa TV. Paulit-ulit din akong minumulto. "Walang kang pera" sabi ng multo.


Kaya hindi ako excited nang magyaya si Alfie sa Nob. 18 daw ay manonood kami kasi malaking chance na di ako makasama. Biro pa nga ni E-boy, iwan ka na naman. Na naman - ibig sabihin naiwan na'ko rati sa panonood dahil wala kong pera. Ayoko na sanang ma-miss ang huling installment ng Mockingjay, ito na kasi ang magsasara sa una kong nobela na na-enjoy at nagbukas sa'kin na bigyan ng chance ang mga nobelang Ingles. Tsaka, huling hirit na 'to e.


Pero bago pa man ako maiwan na mag-uli ay nagkaro'n ako ng munting pera pero kabyos sa P 175 na ticket at pamasahe, e pangkain pa? Buti na lang to the rescue si E-boy at s'ya na raw bahala sa kulang ko, sumuweldo raw kasi siya sa tutorials n'ya. Yoooown! Kaya ikinandado na namin ang boy's night out.


Apat lang kami ngayon. Ako, si E-boy, si Alfie, at si Alvin. Yung mga kasama namin dati sa Catching Fire at Mockingjay (Part 1) ay may kanya-kanya nang kaabalahan. Sina Roy at Alquin ay may trabaho na sa Batangas at Cavite. Sina Joshee at Jomai ay nasa Laguna at Majayjay. Si Jet-jet naman ay nasa planta at may production. Sabi ni Lola Nitz bakit daw hindi ako nakabihis samantalang sina Ebs ay bisteng-biste. Naka-jogging pants na green at t-shirt na pambahay na orange lang ako, mga paboritong kulay ni Katniss at Peeta. Tsaka, mamamaluktot ako sa sinehan at mahirap mamaluktot kapag nakaporma.


Meron lang isang batas sa panlilibre ni Ebs: Bawal siyang asarin tungkol sa lablayf. Oh men! Masarap pa namang mang-asar pag may kakampi kaya lang nagbabanta si E-boy na hanggang labas lang ako ng sinehan kapag pinush ko pa ang pang-aasar. Paano naman nagkuwento si Pastor Pampolina na papunta rim daw sa SM yung kaibigan namin na dinubbed ni Pastor na "gelpren ni E-boy". # Alam na this.


Instant asar material na agad! Hawakan daw si Ebs bago pumasok sa sinehan at baka biglang mawala. O kaya ay baka magpatay malisya ito; "aba! Andito ka rin pala!" O kaya ginamit lang kami ni E-boy para makalabas siya sa bahay, minaskarahan ng barkada bonding ang isang date. Torture na torture si Ebs sa ganitong asaran; tuwang-tuwa naman ako. Hanggang sa bus ay humarang na si E-boy sa'min ni Alfie dahil napapraning na baka raw pag-usapan namin s'ya.


Sa bus, inalala namin yung mga panahong naghahabol kami sa oras ng showing dahil sa mga nagsangahang iskedyul. Inalala ang Doctors' Hospital kung saan i-cinonfine si E-boy nang mabangga. Kung saan kami kumain nina Alvin nang madalaing araw na 'yon. Inalala rin namin sina Alquin at Roy na marahil ay pagod na sa maghapong trabaho ngayon. Masarap pa lang umaalala kapag hindi mo inaalala ang lumilipas na oras.


7: 30 ang showtime na nakuha namin. Me oras pa para kumain. Tas nagtoss coin pa kung AlDub o Jadine ba ang kakainan namin. Pati ba naman pagkain ngayon ay kailangan pang i-market o bihisan bilang loveteam para bumenta? Sinakto naming 15 mins bago ipalabas ay nakahanap na kami ng magandang puwesto.  Kailangan mapanood namin ang mga trailers.


Napanood Namin Yung Mockingjay (Part 2). Konti lang ang komento ko:


1. Konti ng exposure ni Johanna Mason. Ang tagal ko pa naman siyang hinintay pero sa konti n'yang linya ay hindi naman ako nabigong napaligaya.


2. Nakakagulat na scenes.  Grabe! Napapapikit ako. Akala ko ba sci-fi 'to? Bakit suspense na?! O nasobrahan na'ko sa kape.


3. Kulang yung scenes na nag-aala "mutt" si Peeta at pipigilan naman ito ni Katniss. Pero oks lang dahil mababawasan ang honesty to their characters kung ginawa yun sa movie adaptation.


4. Kulang sa'kin yung acting ni Gale. Parang di naman s'ya nasaktan e.


5. Kulang din yung scene na nagbotohan sa 76th Hunger Games. Kulang sa emosyon yung botohan. Kulang sa fierceness. Ganern.


Pero kung susumahin, sapat na sapat ang pagsasara ng Hunger Games Trilogy. Sulit ang paghihintay at bayad. Paglabas namin ng sinehan, galit kami sa anumang mukha ng opresyon, pananamantala, at pagkaganid sa kapangyarihan at nasa panig ng pagkakaisa, hustisya, at pag-ibig.


Sa dyip pauwi, iniisip namin ni E-boy kung ano-anong mga Filipinong akda ang magandang bigyan din ng pagkakataong maisa-pelikula kasi may asim din naman. Handa na ulit bumalik sa trabaho si Alfie kinabukasan matapos saluhin lahat ng nag-aalab na pana ni Katniss. Si Alvin, hindi naman napanood yung Catching Fire o nabasa man lang; kaya pala explain ng explain si E-boy habang nanonood kami. Naaliw din naman siya, pero higit sa pelikula, sumama talaga si Alvin para sa isang solidarity night sa mga kuya n'yang nerdy.



Kalamig ng Gabi sa Calaca

Kalamig ng Gabi sa Calaca


Sinama ako ni Mrs. P sa pupuntahan nila sa Batangas. Nahilingan kasi si Pastor P na magsalita sa lamayan ng isang sumaPanginoon nang Pastor sa Calaca. Joyride papuntang lamayan.


Bumili ako ng isang mahabang tinapay na ang palaman ay keso at binudburan ng asukal at limang tinapay na bilog na napapalamanan naman ng keso at gatas d'yan sa panederia sa may overpass. Tapos, bumili ako ng isang judge na babolgam at apat na Alibaba na sitserya. Supplies para sa mahabang lakbayin.


Umalis kami ng bandang alas-kuwatro. Maayos naman ang kalsada papuntang Batangas at magandang matamaan ng kahel na sinag ng lumulubog na araw. Medyo natrapik lang ng kaunti sa Lipa. Tapos, maluwag na ulit papuntang Cuenca. Nasa Lipa pa lang kami pero ubos na ang supplies ko ng tinapay at sitserya at wala pa raw kami sa kalahati ng lalakbayin namin sabi ni Pastor.


Hanggang Cuenca lang ang naabot kong pinaka malayong bayan ng Batangas. Medyo iniisip ko na rin kung anong magiging buhay ko rito kung matuloy akong magtrabaho sa DSWD dahil Batangas ang magiging destino ko. At parang himala na nasa puso ng tao, nakatanggap ako ng text message mula sa DSWD na maghanda raw sa mabusising pagtanggap/pagpili ng kawani ng kagawaran.


Pagkalagpas namin ng liko-likong daan sa bondoc-like Cuenca, nagulat ako dahil may mall akong nakita. Taray! Nasa Lemery na raw kami. Tapos, nakadaan sa malaking-malaking simbahan at malawak-na-puwedeng-mag-field-demo na munisipyo ng Alitagtag, Batangas. Tapos, bukid-bukid ulit ang dinaanan namin at naka-aninag naman ako ng malaking gusali na maraming ilaw, "Ano 'yon? Condo?", sabi ko. Sabi ni Pastor ay lutuan daw yun ng mga bakal-bakal. Parang industrial park ganun kalawak. At napahanga naman kami sa maganda't makabagong arkitektura ng munisipyo ng Calaca, na may malaking LED screen sa harapan kung saan may pagbati sa isang inhenyero na kapapasa lang sa board exam. Sosyal pala sila rito sa Batangas.


Bandang Alas-otso pasado ay nakarating kami sa isang fundamental baptist church na pinagpastoran ng mayapa sa loob ng 24 na taon. Agad nag-umpisa ang programa matapos magkamustahan sila Pastor at mga lumang kaibigang matagal nang di nakita. Napagkamalan pa kong anak. Parang anak lang dahil parang kapatid ko na si E-boy. Parang anak dahil laging pinapakain at pinapatulog sa kanilang bahay.


Erkon ang simbahan. Sana pala ay nagdala ako ng panlamig. Maganda ang curtain rods pati na kurtina nila. Masaya ang kantahan parang piyesta at walang patay. Probinsya ang ritmo ng kwerdas ng gitara at tiklada sa lumang piyano, parang pista ng bayan ang dating. Kinanta namin ang Kahit na Kubo (Mansion Over a Hilltop) at Bayang Kay Saya (Sweet By and By) na paboritong mga awitin ng namayapa.


Naghatid si Pastor Abner ng mensahe sa mga nakilamay. Walang lamang sisidlan na kasi ang nasa ataol kaya lahat ng bibigkasin ay hindi para sa patay kundi para sa mga nagluluksa at nakikiramay. Pasasalamat na rin sa pahiram na buhay na nagamit ng husto. Paalala na sa bawat sitas ng buhay ay dapat ipinaglilingkod at ipinagpapasalamat. Paalala rin na hindi nagtatapos sa Calaca ang buhay ng mayapa kundi magpapatuloy sa dakong marilag.


Maya-maya ay nanawagan na para sa mga nais magbahagi ng paggunita at pagpapasalamat sa buhay ng sumaPanginoon. Nagpasalamat ang isang lalaki sa pagtiyatiyaga ng namayapa sa pagbibisita sa kanilang barrio na kailangang lakarin ng higit sa tatlong oras dahil hindi pa noon naabot ng sasakyan. Sarado-kandado raw sila dati at mabuti na lang at may nagmalasakit sa kanila. Kapag sumisimba nga raw sila ay nagdadala na sila ng mga itlog ng manok na tagalog na lulutuin ng maybahay ng pastor para sabay-sabay na silang mag-agahan bago sumimba.


Isa namang nanay ang nagpatotoo na isa raw "icon" ang namayapang pastor sa kanilang tahanan bilang pastor at ama. Huwaran daw ito dahil hindi lang ito basta nagmamando. Noong ginagawa raw ang gusali nila, kaliit-liit daw na tao ay nangungunang nag-aakyat baba sa bubong. Nang ginagawa rin daw ang gusali ay natulog daw ang mag-anak ng pastor na 'to sa kubol para mas malapit sa gawain. Servant leadership daw ang istilo ng pamumuno nito.


Isa namang lalaki ang nagpasalamat din sa ma sakripisyo ng pastor at pamilya nito dahil minsan isusubo na lang ng pamilya ay ibabahagi pa sa kanila.


Ang sarap pakinggan ng mga pasasalamat ng mga kapatiran, mas nakakagising kaysa sa amoy ng kapeng barako. Hindi ko naman kilala yung namayapa o kung sino man sa kanila pero pakiramdam ko matapos lahat ng nagsalita at pasasalamat ng anak ng mayapa sa puntong Batanguenyo, ay kapamilya ako. Lalo na nang kamayan ako ng matandang nanay na asawa pala ng sumaPanginoong pastor. Napakasimple lang nung matanda. Walang bakas ng pagkagarbo.


Bago umuwi ay pinakain muna kami ng hapunan. Afritadang manok na manamisnamis. Alam ko na walang naiabot na sobre kay Pastor Abner kahit pang-gasolina man lang. Sakripisyo talaga ang ibig sabihin ng paglilingkod at kapatiran. Habang pauwi si Pastor pa rin ang nag-drive. Sabi ko dapat mag-aral na kaming mag-drive kaya lang si E-boy ay antukin sobra, ako naman ay tarantahin, e kung si Mrs. P kaya? Nerbiyosin naman daw.


Pag-uwi, malamig ang hangin pero may init sa'ming kaluluwa.

Tuesday, December 8, 2015

Anong Nation Natin 'te?

Anong Nation Natin? Yung totoo lang.
Ewan ko kung minsan gusto mo ring mainis kaya maghahanap ka ng tao o bagay na iinis sa'yo. Sa kaso ko, nagbabasa ako ng comments section ng mga link post ng mga news articles at mapa-foreign o local media man, hindi ako nabibigo dahil nakakainis ang mga comments (kung hindi man ang mga pananaw) ng mga netizens. Yung kabobohan ng humanity, minsan nakakainis.
Ito yung headline:
Nanay ni Pastillas Girl, Patay Matapos Barilin sa Ulo!
 Binuklat ko na nga yung comment section at may ilang common comments na cinompile co casi cacasura:
1. AlDumbs. "AlDub fan here, my condolences to Pastillas" at "I'm AlDub fan pero nakikimaray ako", ito yung mga comments nila. Kailangan pang i-mention na AlDub fan ka? ANO 'TO?! Dahil rival sila sa ratings dati at ang laking sakripisyo para sa isang AlDub fan na makiramay sa dating katunggali. So kapag namatay si Vilma, dapat may magcomment na "Noranian here pero nakikiramay po ako". Anak ng kalamay naman, di ba nakakainis?!
2. Dumbsels in Distress. "Yan! Kapag si Duterte na ang presidente, bubulagta rin mga yan!", "Go Duterte sa 2016", "ibalik ang mga Marcos!" Parang mga taong sumisigaw habang nalalaglag sa bunganga ng Bakunawa at nangangailangan ng Captain Barbel na magliligtas ang commenters na 'to. Ginawang campaign platform ang kalunos-lunos na balita, ang polite naman sobra. So ano? Our nation needs a superhero na? Gano'n?
3. Tuwid na Dumb-an. "Ito ba ang sinasabi n'yong tuwid na daan? At itutuloy n'yo pa?" Miyembro ng oposisyon ang nag-comment nito na gumamit lang ng dummy account. Merong punto naman, isipin mo nga na public safety is also an issue of public trust, kaya lang mas matimbang ang isyu ng moralidad na personal nating obligasyon sa sarili e. At dahil siguro oposisyon nga ang nag-comment kaya politikal ang kiling ng komento.
4. Dumber Boy o Dumbohalang tsimosito. "I heard kabit daw at ayaw makipaghiwalay ng lalake? Malapit lang sa'min yung barbecuehan", parang ganan yung comment nung isa. Koya naman parang awa mo na, parang awa mo na, please lang puwede bang mag-holiday ka rin sa pag-isplok ng chika. Iilan lang ang kumukita sa pagtsitsismis dito sa Pilipinas.
Dahil qouta na ko sa pagkasura ko, e itinigil ko na ang pagbabasa ng comments. Pero sagad to the bones talaga yung inis ko sa mga komentarista, imbes na dun sa killer.
P.S.
AlDub fan ako.
Mali-mali ang mga bantas ko.
Marami rin akong kabobohan.
Mag-isip bago mag-comment.
Magbasa ng comments section ng mga news articles kapag bored.
Matalino yung gumawa ng headline. Andun na agad yung laman ng balita at alam n'yang hahatak ito ng traffic.
Sa TV5 na page ko pala nabasa yung comments section.

Dalawang Digri

Dalawang Digri
Utang na loob naman
Hindi po ito galunggong
Kaya wag n'yong Divisoriahin
Wag nang palagpasin
May utang pa nga kayo
Andami n'yong siyentipiko,
Dagat ng eksperto, talino n'yo e
Alam n'yo naman ang epekto
Saksi ang Artex Compound sa Malabon
Sa mga sala set meron na ngang isda
Sakit pa'y mabilis dumaluyong
Kaya wag n'yo na kaming baratin


Buoin ang mga bitak na lupa
Bawasan ang pagbubuga
Gumawa lang ng sasapat
Bumili lang paminsan-minsan
Kaya wag n'yo na hong tawaran
Kundi'y lulubog na kami sa mapa
Magiging asul ang ibang bahagi sa globo
Tataas pa ang bilang ng krimen ng pag-unlad
Ang sakripisyo ng yamang huwad
Kaya parang awa n'yo na ho
Pawisan na ang itim na kili-kili
Inabot na naman ng biglang ulan
Kaaapela at kakalako
Kunin n'yo na yan
Panahon na
Dali!
Dyord
December 06, 2015

Disyembre 05, 2015

December 05, 2015
Nagta-type ako sa selpon ko ngayon. Ngayon pa lang ulit ako nakasulat at baka malipasan pa ng ilang araw bago ko ma-post sa blog 'to.
Tinatamad na naman akong mag-blog o magsulat man lang. Gusto ko pa namang gumawa ng tula, kaya lang parang wala akong panlasang humawak ng bolpen.
Gusto ko sanang i-blog yung Mockingjay-watching namin nina E-boy, Alfie, at Alvin. Kahit na hindi kinakatigan ng simbahang Baptista ang pagbi-big screen. Kaya lang wala akong gana. Sobrang saya lang dahil natapos na yung buong movie adaptation pero sobrang lungkot din na natapos na.
Gusto ko sanang ikuwento na galing kami nina E-boy kasama sina Babes, Pastor at Mrs. P sa Calaca, Batangas. Joy-ride at internalization na rin ng Batangas dahil nagtext na ang DSWD, at puwedeng isa sa mga dinaanan naming bayan ang maging destino ko. Kaya lang tinatamad naman akong magsulat.
Gusto ko sanang ikuwento na nagkaroon ako ng pagkakataong mag-apply ulit sa SLSU Lucban bilang encoder-assistant. Tinatamad naman akong magsulat kaya ayokong ikuwento.
Gusto ko sanang isulat at magpasalamat na rin sa Diyos para sa pagkakapasa ko sa Civil Service Exam. Puwede na 'kong maglingkod sa bayan kahit hindi naman ako politiko. Gusto ko sanang ikuwento ang himalang pagkakapasa ko, kaya lang tinatamad akong magsulat. Siguro dahil nakakalungkot dahil hindi nakapasa si E-boy. Sad face.
Gusto ko sana... Actually, na-type ko na yung mga mensahe na inihatid nina Pastor, Kuya Unjun, at Mils noong ika-24th year anniversary ng Tiaong Baptist Church; kaya lang tinamad na kong tapusin yung dokumentasyon. Parang nawalan ako ng panlasa talaga. Siguro dahil wala akong naisamang bisita noon kaya wala akong ganang isulat yung mga naganap.
Andami kong naiisip isulat pero hanggang isip lang. Nakaka-frustrate para sa sinasabing manunulat pero ipinapagpabukas ang pagsusulat. O hindi talaga nagsusulat at all. Hindi ito block e. Siguro dahil depressed ako? O parang naiwala ko yung tangan kong layunin kung bakit ba 'ko nagsusulat. Anong problema ko't napaka-eng-eng ng kamay ko? Pakiramdam ko napakarumi ko para magsulat at hindi ko deserve magsulat. Aywan!
Buti na lang gumagana pa pala ang panulat ko.