Disyembre 18, 2015
Dipres na dipres ako. Ilang araw na. Naghahabol sa tulog. Sa tulog naghahabol. Hindi makapokus sa inaaral. Sa inaaral, di makapokus. Walang kuwenta lumalabas sa bolpen ko.
Nag-pm sa'kin ang organizer ng Saranggola Blog Awards (SBA) dahil finalist daw ang entry ko. Seen lang dahil wala akong pamasahe papunta, tsaka baka ek-ek lang para marami pumunta sa event. Nag-text din pala sa'kin. Finalist nga raw.
Punta ko sa puwesto sa palengke.
"Ma, finalist raw ang entry ko sa Saranggola". Siyempre, ineksplika ko pa kung ano ang isinusulong ng Saranggola Blog Awards blah blah blah. "So anong kailangan mo"? Tanong ni Mama.
Pamasahe papuntang Boni. Pero walang kasiguraduhang mananalo ako ng cash prize, 1st prize lang kasi ang may cash doon. At nagtapos kami sa hindi raw n'ya ko mabibigyan dahil may ahente raw siya ng kape na darating. Kesyo andami pa n'yang hulugan. Kaya inabutan na lang n'ya ko ng 32 pesos pampaload.
Umuwi na lang ulit ako bitbit ang kalahating boteng langis, kape, at ang saranggolang hindi maiitalang dahil mahina ang ihip ng hangin.
Disyembre 19, 2015
Alas-onse ng tanghali na pala ako nagising. Alas-dos na kasi ako nakatulog. Naghahabol pa rin. Bilis-bagal ang tibok ng puso.
Habang nagtitimpla ako ng kape ay may tumawag sa selpon ko na numero lang. Si Sir Bernard daw siya ng SBA. Ayun, dalawang entries ko pala ang pasok sa finals. Aaaay...sayang kasi hindi talaga ko makakapunta sa event. Sabi ko si Ate Bebang lang ang kakilala ko na pupunta. May binanggit yata si Sir Bernard na shirt na ipapadala. Matapos ibaba ang tawag, nanghinayang ako kasi di ko man lang nasuportahan ang isang event na nagsusulong ng pagba-blog sa Filipino. Next year talaga. Igop kape.
Pero punta ulit ako ng puwesto sa palengke. Nangulit kay Mama. Baka naman. Pero wala raw talaga. Wala pa namang masyadong benta dahil nag-uuulan ng mga nakalipas na araw, walang gustong lumabas at mamalengke. So, hindi na talaga. Paghahandaan ko na next year. Kung magpipiso-piso ako simula ngayon, next year may pamasahe ako sa SBA.
Pinabalot ko na lang kay Mama ang isang gel pen at parang mantel na de-zipper na pencil case; pang-exchange gift ko kako sa Christmas party sa mga bata sa outreach class ni Mil. Kaso, di rin natuloy dahil maulan.
Nagtext si Ate Bebang na may entry daw pala ko sa SBA. Kung makakapunta raw ba ko? For the Nth time, paghahandaan ko na neks yir.
Disyembre 20, 2015
Linggo ng Hapon
Naglalakad ako papuntang simbahan nang maglakas loob akong magtanong kay Sir Bernard tungkol sa SBA. Pinalad maka-ikatlong puwesto sa pagsulat ng Diona at manalo sa panukalang papel.
Nanalo ang Project PAG-bASA!
Salamat Hesus na unang nagbigay ng aklat sa'ting lahat!
No comments:
Post a Comment