Friday, December 18, 2015

Jingle Bills

Pang-exchange gift - P 15
Dinner fee sa Banquet - P 100(x2)
Dishwashing - P 45
Retreat - P 300
Fortress Shirt - P 180
LTO - P (TBA)
Sabihin mo sa'king hindi pera ang diwa ng Pasko at i-e-enumerate ko sa'yo ang mga dapat bayaran o gastusan. Saang sabsaban ko kaya matatagpuan ang ipupuno ko sa mga pangangailangang ito?
Ang problema sa 'tin mahilig tayo sa Christmas cliche gaya ng pagkahilig natin sa bibingka. "Ang diwa ng Pasko ay pagbibigayan", tapos ngunguto-nguto tayo kapag nakatanggap ng picture frame. "Ang diwa ng Pasko ay pagmamahalan", tapos nalulungkot tayo kapag walang famas. "Ang Pasko ay hindi tungkol sa bagong damit, keso de bola't hamon, kundi tungkol kay Kristo", tapos nakikipagsiksikan tayo sa mall dahil sale, nagkukumahog tayong mamalengke, nagmumurahan tayo sa tindi ng traffic, at naghahaba ang mukha kapag maliit ang bonus. Walang masama sa paghahanda, pagsasaya, pagbibigay luho sa sarili minsan sa isang taon, pero 'wag ko nang marinig-rinig na ang Pasko ay hindi tungkol sa pera dahil nakaka-Paksiw ng mukha. Minsan in denial talaga tayo sa katotohanan ng komersiyalismo; tuloy nagiging pseudo-anti-materialistic tayo.
Tanggapin na natin na ang pera ay bahagi ng Pasko gaya ng bahagi ito ng araw-araw na pamumuhay.
Nangangarap ako ng isang Pasko na hawig ng sa mga pastol sa parang. Kasama ang mga kaibigan, malayo sa ingay ng pamilihan, nakapalibot sa naglalagablab na bonfire, naririnig ang mga gitak ng nasusunog na kahoy, at nakatingin sa mga tala. Walang pera. Walang stress. Walang rush.
Sa dumatal noong Pasko;
Iligtas N'yo po kami sa apoy ng komersyalismo.
Tumawag sa'kin ang DSWD para sa aplikasyon ko sa kanila, may exam date na 'ko sa Alabang sa Disyembre 22. Kaya may humabol pa sa listahan:
Pamasahe - P 200
Tanghalian - P 70
Pagupit - P 45
Pang-ahit - P 30
Lahat-lahat: P 1085 + TBA

No comments: