Pompyang Dos
Madaling araw pa lang gising na'ko para pumunta sa interbyu sa Alabang. Kailangan nang magbanat-banat ng buto dahil hindi na ako bumabata. Bente dos na ko ngayong Bente dos, pompyang kung sa jueteng.
Tila sugal na naman ang gagawin kong aplikasyon. Itataya ang ilang daang piso at matatalo kung hindi matutuloy sa pagtatrabaho dahil sasablay ang mga kinakailangan ng trabaho sa itinakda kong "never-again-in-my-career rules". Sana ito na.
Inabot din ako nang maghapon sa paunang panayam. Takipsilim na nang dumating ako kena Ebs. Umub-ob lang ako sa mesa sa opis ni Pastor Abner habang siya ay nagla-laptop. Kuwento-kuwento ng mga naganap sa maghapon, na maganda yung HR, na nakakaat-at tuloy, na para akong hayskul na nagre-recitation; pero hindi pa rin niya naalala.
Oks lang naman. Nakakatawa lang dahil sobrang "siya" lang e. Parang ganito ang takbo ng utak ni Ebs: Ordinaryong araw. Andito si Kuya Jord sa'min. Mang-aasar. Makikikain. Nood movie mamaya....(napatingin sa date sa laptop: December 22). Saka lang siya natawa at naalalang bumati. "...bertdey mo ngayon". Grammatically, hindi talaga siya bumati e.
Maraming bumati. Hindi ko pa rin ma-gets kung gaano kahalaga yung pagbati o pag-alala sa kaarawan lalo na ngayong pinapaalalahanan na tayo ng FB na may bertdey ang kaibigan mo at nakalimutan mo dahil marami kang problema sa trabaho, lablayf, pamilya, pag-iisip, at kalimutan mo muna ang sarili at magpasaya o umalala sa kaarawan niya. Pero nag-enjoy din naman ako sa pagbabasa ng mga pagbating may mini-sanaysay pa.
Ang mga iniirog, tinatangi, pinaka, kaut-utang dila, inaagawan ng pagkain, na kaibigan kasi ay hindi talaga bumabati sa social media kapag kaarawan mo. Sila yung bumibili ng regalo kahit di maibigay sa'yo dahil malayo sila. Sila yung presence of mind at audience impact ang nireregalo, maliit na porsyento lang pero panalo! Minsan kahit wala silang gawin, sabihin, o ibigay, yung fact lang na kaibigan mo sila, mapapapasalamat ka na pinanganak ka isang araw at naranasan ang buhay.
Salamat Po.
December, 2015
No comments:
Post a Comment