Friday, December 11, 2015

Kalamig ng Gabi sa Calaca

Kalamig ng Gabi sa Calaca


Sinama ako ni Mrs. P sa pupuntahan nila sa Batangas. Nahilingan kasi si Pastor P na magsalita sa lamayan ng isang sumaPanginoon nang Pastor sa Calaca. Joyride papuntang lamayan.


Bumili ako ng isang mahabang tinapay na ang palaman ay keso at binudburan ng asukal at limang tinapay na bilog na napapalamanan naman ng keso at gatas d'yan sa panederia sa may overpass. Tapos, bumili ako ng isang judge na babolgam at apat na Alibaba na sitserya. Supplies para sa mahabang lakbayin.


Umalis kami ng bandang alas-kuwatro. Maayos naman ang kalsada papuntang Batangas at magandang matamaan ng kahel na sinag ng lumulubog na araw. Medyo natrapik lang ng kaunti sa Lipa. Tapos, maluwag na ulit papuntang Cuenca. Nasa Lipa pa lang kami pero ubos na ang supplies ko ng tinapay at sitserya at wala pa raw kami sa kalahati ng lalakbayin namin sabi ni Pastor.


Hanggang Cuenca lang ang naabot kong pinaka malayong bayan ng Batangas. Medyo iniisip ko na rin kung anong magiging buhay ko rito kung matuloy akong magtrabaho sa DSWD dahil Batangas ang magiging destino ko. At parang himala na nasa puso ng tao, nakatanggap ako ng text message mula sa DSWD na maghanda raw sa mabusising pagtanggap/pagpili ng kawani ng kagawaran.


Pagkalagpas namin ng liko-likong daan sa bondoc-like Cuenca, nagulat ako dahil may mall akong nakita. Taray! Nasa Lemery na raw kami. Tapos, nakadaan sa malaking-malaking simbahan at malawak-na-puwedeng-mag-field-demo na munisipyo ng Alitagtag, Batangas. Tapos, bukid-bukid ulit ang dinaanan namin at naka-aninag naman ako ng malaking gusali na maraming ilaw, "Ano 'yon? Condo?", sabi ko. Sabi ni Pastor ay lutuan daw yun ng mga bakal-bakal. Parang industrial park ganun kalawak. At napahanga naman kami sa maganda't makabagong arkitektura ng munisipyo ng Calaca, na may malaking LED screen sa harapan kung saan may pagbati sa isang inhenyero na kapapasa lang sa board exam. Sosyal pala sila rito sa Batangas.


Bandang Alas-otso pasado ay nakarating kami sa isang fundamental baptist church na pinagpastoran ng mayapa sa loob ng 24 na taon. Agad nag-umpisa ang programa matapos magkamustahan sila Pastor at mga lumang kaibigang matagal nang di nakita. Napagkamalan pa kong anak. Parang anak lang dahil parang kapatid ko na si E-boy. Parang anak dahil laging pinapakain at pinapatulog sa kanilang bahay.


Erkon ang simbahan. Sana pala ay nagdala ako ng panlamig. Maganda ang curtain rods pati na kurtina nila. Masaya ang kantahan parang piyesta at walang patay. Probinsya ang ritmo ng kwerdas ng gitara at tiklada sa lumang piyano, parang pista ng bayan ang dating. Kinanta namin ang Kahit na Kubo (Mansion Over a Hilltop) at Bayang Kay Saya (Sweet By and By) na paboritong mga awitin ng namayapa.


Naghatid si Pastor Abner ng mensahe sa mga nakilamay. Walang lamang sisidlan na kasi ang nasa ataol kaya lahat ng bibigkasin ay hindi para sa patay kundi para sa mga nagluluksa at nakikiramay. Pasasalamat na rin sa pahiram na buhay na nagamit ng husto. Paalala na sa bawat sitas ng buhay ay dapat ipinaglilingkod at ipinagpapasalamat. Paalala rin na hindi nagtatapos sa Calaca ang buhay ng mayapa kundi magpapatuloy sa dakong marilag.


Maya-maya ay nanawagan na para sa mga nais magbahagi ng paggunita at pagpapasalamat sa buhay ng sumaPanginoon. Nagpasalamat ang isang lalaki sa pagtiyatiyaga ng namayapa sa pagbibisita sa kanilang barrio na kailangang lakarin ng higit sa tatlong oras dahil hindi pa noon naabot ng sasakyan. Sarado-kandado raw sila dati at mabuti na lang at may nagmalasakit sa kanila. Kapag sumisimba nga raw sila ay nagdadala na sila ng mga itlog ng manok na tagalog na lulutuin ng maybahay ng pastor para sabay-sabay na silang mag-agahan bago sumimba.


Isa namang nanay ang nagpatotoo na isa raw "icon" ang namayapang pastor sa kanilang tahanan bilang pastor at ama. Huwaran daw ito dahil hindi lang ito basta nagmamando. Noong ginagawa raw ang gusali nila, kaliit-liit daw na tao ay nangungunang nag-aakyat baba sa bubong. Nang ginagawa rin daw ang gusali ay natulog daw ang mag-anak ng pastor na 'to sa kubol para mas malapit sa gawain. Servant leadership daw ang istilo ng pamumuno nito.


Isa namang lalaki ang nagpasalamat din sa ma sakripisyo ng pastor at pamilya nito dahil minsan isusubo na lang ng pamilya ay ibabahagi pa sa kanila.


Ang sarap pakinggan ng mga pasasalamat ng mga kapatiran, mas nakakagising kaysa sa amoy ng kapeng barako. Hindi ko naman kilala yung namayapa o kung sino man sa kanila pero pakiramdam ko matapos lahat ng nagsalita at pasasalamat ng anak ng mayapa sa puntong Batanguenyo, ay kapamilya ako. Lalo na nang kamayan ako ng matandang nanay na asawa pala ng sumaPanginoong pastor. Napakasimple lang nung matanda. Walang bakas ng pagkagarbo.


Bago umuwi ay pinakain muna kami ng hapunan. Afritadang manok na manamisnamis. Alam ko na walang naiabot na sobre kay Pastor Abner kahit pang-gasolina man lang. Sakripisyo talaga ang ibig sabihin ng paglilingkod at kapatiran. Habang pauwi si Pastor pa rin ang nag-drive. Sabi ko dapat mag-aral na kaming mag-drive kaya lang si E-boy ay antukin sobra, ako naman ay tarantahin, e kung si Mrs. P kaya? Nerbiyosin naman daw.


Pag-uwi, malamig ang hangin pero may init sa'ming kaluluwa.

No comments: