Sunday, December 13, 2015

Nakakabundok

Isang umaga nakatanggap ako ng text mula kay Roy, nangangailangan daw si Pastor Paul ng encoder. Bale iri-refer pala ni Pastor Paul ang aplikante sa SLSU admin. Rush yata dahil may tatlong miskol na sa selpon ko na number lang. Sinabi ko kagad kay Mama, alam ko kasing wala kaming pera at hindi pa man siya nakakasagot kung kakagatin ko ba ang trabaho, ay nag-ring na ulit ang selpon ko. Di ko sinagot, pinatay ko.

Bakit daw di ko sinagot? E wala kasing pera; ang hirap pumorma ng apply. Nag-isip-isip siya, kami pala. Kung encoding o clerical ang trabaho baka nasa max na ng 8K ang suweldo. Gagastos ako ng nasa 4K sa isang buwan. Pero kung 5K lang din daw ang suswelduhin, e maglaba na lang daw ako sa bahay.

Dumayal-dial ang nanay ko. Naghahanap ng mauutangan. Malamang 5-6 na naman. Kailangan ko ng pamasahe papuntang Lucban para iabot ang papeles ko na kailangan ko pang ipa-print. Uuna na raw siya sa palengke at ite-text na lang ako kapag me pera na.

Maya-maya ay tumawag ulit  si Pastor Paul. Kahapon pa raw n'ya ko tinatawagan pero wala raw sagot. Tinanong na'ko kung interesado ako sa trabaho, sabi ko ay opo kaya lang baka puwedeng biyernrs na dalhin yung paper dahil wala pa kaming pera. Sabi ni Pastor baka raw pwedeng gawan muna ng paraan para ma-isked na raw agad ang interbyu at eksam. Sige po na lang ang nasagot ko.

Medyo hapon na dumaying ang pera. Bandang alas-dos na rin ako nakapagpa-print kena E-boy. Di na aabot kung pupunta pa kong Lucban. Bukas na lang ng umaga sabi ko kay Pastor Paul sa afreesms.com. Nag-merienda na lang kami ni E-boy sa palengke, "ikain na lang natin 'tong pera ko 'bo" sabi ko.

Kinabukasan, pinilit kong gumising ng umaga. Maligo ng umaga kahit mahirap. Bumiyahe papuntang Lucban ng maaga. Nag-log in sa dalawang asul ma log book. Pagdating ko sa HR ay ipipinasa ang papel at binanggit si Pastor Paul. Napa-"aah" ang babae. Tiningnan ang CV ko. "Tiaong", banggit n"ya. "Galing ka pang Tiaong n'yan?" Opo, kako.

"Sana ini-e-mail mo na lang".


Nang maka ikatlong araw ay nagteks sila kung puwedeng mag-exam ako sa makalawa. Hindi na ko nag-reply. Hindi na ko bumalik. Kailan-kailan man.

No comments: