Pasko, Pansol
Nag-impke ako.
Tinatamad maligo.
Simoy ng hangin
Ilong ng pusa
Pusong nag-iisa
P're-p'rehong yelo
Kailangang lumabas
Kailangang mailabas
Nag-asikaso ng pamalit
Sa tubig baka saglit maakit
Nagpabaon si Lola Nits
Ng ingat at tsinelas pamalit
Bakit na naman tumutugma
Ang bintana ng sasakyan't pait
Gusto kong sirain ang ritmo
Ang tugmang hindi ko gusto
Kumagat ang Disyembreng dilim
Naaaninag ko pa rin naman
Ang maiilaw na resorts na korean
Nasusuka ako sa paikot-ikot
Na nagsesebong pakiramdam
May bumubukal na di ko alam
Baka sakaling madaan sa kain
O di kaya'y baduy pero masaya
Na larong paulit-ulit lang pati tao
Naakit nga ako sa usok ng tubig
Hindi lang ito ang hangganan
May daan sa bawat kalabsaw
Daan para matunaw ang sebo
Na nabuuo sa ritwal na ehersisyo
Tunawin mo,
Sa bawat kampay,
Sa bawat subo ng litson,
Sa bawat talon,
Sa bawat igop ng kape,
Sa bawat sisid,
Hanggang sa mapagod na lang
Malunod sa antok, ihele ng tulog
Bumangon sa hamog ng umaga
Makinig sa mainit na musika
Handang bumuo ulit ng sebo
Na babalot sa buhay at tutunawing muli.
No comments:
Post a Comment