Sunday, April 30, 2017

Paano Naging Team Building ang Disaster Response?

Si Kat, Mayora, Chris, at Kuya Charlz paakyat ng bundok

Matapos kong ayusin ang kalendaryo ko nang linggo na ‘yun pinabalik kami sa Mabini para sa emergency shelter assistance validation. Aalamin namin ‘yung mga bahay na talagang nasira ng lindol at sino ang dapat gawaran ng tulong. Kaninong bahay ang partially at totally damage.

Sa di ko ma-gets na dahilan, hindi ipinagkatiwala sa local government. Kailangan pang mula sa national agencies. Kailangan pang maantala ang social services sa ibang bayan; prayoridad at bulnerable kasi ang mga kababayang nasalanta. Ganun din naman ang local government na ayaw ipagkatiwala sa national government ang validation, naipit pa kami ng mga ilang oras sa munisipyo bago mapapayag si Mayora na bumaba kami sa mga baranggay. I understand her point; masyado nang disappointed ang mga kababayan n’ya sa mga gumagala-gala para mag-survey; agarang tulong ang kailangan nila at hindi dagdag na paasa.

Napunta ako sa Team Charlie. Hindi ko sila ka-cluster. Hindi ko rin mga barkada sa trabaho. Marami sa kanila, di ko rin ka-wavelength. Ewan ko kung bakit ako dito sumama at hindi kena Alvin. Siguro dahil isang araw lang naman. ‘tsaka katrabaho ko pa rin sila kahit di ako kumportable hindi puwedeng lagi silang iwasan. Makakasama at makakasama ko pa rin sila.

Bumalik ako sa Brgy. San Teodoro. Kamakailan lang galing kami rito para mamigay ng food packs. Si Sir A, Jenison, Christopher, Mayora, Kuya Charlz, Kat, Kuya Nino, Kuya Elemer, at Ate Ivy ang bumubuo sa team; kung wala na akong nakaligtaan bukod sa akin at kay Konsehal Ireneo. Inakyat namin ang Sitio Sta. Monique.

Si Konsehal Ireneo at ang kanyang maybahay

Sabi ni Leanne, dapat daw pala may dala kaming trail foods kung namundok pala kami. Nag-text lang, nasa ibang team sila. Oo, may signal pa rin sa bundok kaya habang inaakyat ko ang tarik sumasabay ako sa ritmo ni Ed Sheeran.

Unang bahay pa lang kami pagsapit ng mag-aalas dose at ‘yun ang kina Konsehal. Sobrang bait ng maybahay ni Kon. Abot-abot agad ang paglalabas ng tubig at juice. Magluluto na raw sila ng pananghalian. Nagdiwang ang mga kumakalam naming sikmura. Dahil nilubos na namin ang kakapalan ng mukha, nagpatimpla kami ni Mayora ng kape bago mananghalian. Si Ate Liza, pala si Mayora, katrabaho namin. Not a real Mayora, lipstick lang.

Hinunta namin ang may bahay ni Kon. Nakapagpatapos na pala ito ng tatlong anak. Dalawa na ang nasa ibang bansa. Kaya pala Ali CafĂ© ang naamoy kong tinitimpla. May tatlo pang pinapaaral. Nagtanghalian kami ng tinola at pritong itlog. At malamig na juice. Kape sa’min. 

Tanawin mula sa Sitio Sta. Monique


‘tas plinano na ang paggalugad sa dalawampung bahay na mas mataas pa sa inakyat namin pero hindi na ganun katarik. Pero pataas talaga nang pataas. Habang palapit kami nang palapit sa huling bahay ay halos lahat kami’y may hawak nang tungkod. Tinitingnan namin kung anong tindi ng lamat o sira sa mga poste o buhos ng mga bahay. Nakakatuwa lang din dahil may mga nalalaman akong tubong bayan pa namin ng Tiaong. Ang layo ng abot natin kako. Wala ring puknat ang kulitan ng buong team parang binulabog lahat ng mga entidad ng gubat.

Hapon na at hindi na kami makakababa pa. Hindi na rin namin kakayaning umuwi ng sari-sarili pang mga bayan at bumiyahe ulit ng maaga pa bukas. Sa kubo kami nina Kon matutulog. Balak ko talagang tapusin na ang report bago bumalik ng Garcia. May dala naman akong ekstrang damit; basta disaster duties dapat laging may extra undies.

Nagpahiram ng tuwalya at tsinelas si Kon at nagtanong pa ang may bahay niya kung ano ba raw luto naman ang gusto namin: Adobo o Tinola? Nakakahiya na dahil mukhang kami talaga yung nasalanta at hindi sila.

Burol kung saan naroon ang mga kambing nina Konsehal
(Pag-aalam ng kambing ang ikinabubuhay ng marami rito)

Bago ako naligo paghahanda sa mainit na kape’t hapunan, umakyat muna kami ni Kat ng burol para tanawin ang dagat na naghihiwalay sa Mabini at Tingloy. Naliliwanagan pa rin ito ng bahagya ng kahel nang langit. Naririmlan na rin ang isla ng Sombrero. Ang payapa nung dagat.Siguro kaya tayo inabala mula ating mga bayan ay para makita naman natin ‘yung mga ganitong tanawin.

Pagsikat ng araw sa Sitio Sta. Monique

Pagkakarami kasing kaabalahan na parang isang yanig na lang ay mauuna pa akong gumuho kaysa sa mga bahay na binisita namin ngayon. Kung merong partially damage baka ako talaga ‘yun.

#




Thursday, April 27, 2017

Abril 27, 2017

Nag-socprep kami ni Tita Nel sa baranggay Bawi kanina. Pangatlo na naming aralin sa social preparation; tungkol sa time management. At late kami ni Tita Nel kanina, gawa ko. ‘yung aralan namin madalas maraming bata na hindi maiwan sa bahay dahil walang mag-aalaga. Ngayon, marami na ring kasamang paninda. Napabili ako ng dalawang itlog na pula. Maiba naman ang hahapunanin.

Kanina, pumili na rin sila ng pangalan ng samahan nila: Ingat-Lunti. Dahil nag-umpisa sila sa pagpapalunti at pagsasaayos ng Bawi Eco-Trail, isang cash for building livelihood asset. Ang hirap tandaan ng mga paroyekto sa Programa namin. Imbis na ipamigay ang cash na mabilis malusaw, titipunin namin ang bahagi ng kanilang mga gana para magsimula ng sariling bigasan.

Pagkagaling ko sa mga TODA para sa forms na kakailanganin para maumpisahan na rin namin ang proyekto sa kanila ay dumeretso naman ako sa baranggay Bukal. Kasama sina Ate Rosy at (Ate) Arsenia, na ngayon ko lang nalaman na trenta anyos na. Mas mukha pa akong matanda. Mga parent leaders sila ng programang Pantawid at sasamahan nila akong manguha ng mangga, mangain ng chicharong macaroni, magkapae, mag-juice, mag-kamias, at magmaruya sa buong baranggay. Ang pakay talaga namin ay maghanap ng sasali sa pag-aalaga ng Benggala.

Matagal ko na itong naalok sa baranggay, kaya lang ay sa tagal din ng pondo ay nangawala na rin ang interes ng mga tao sa ‘bago sa pandinig’ na proyekto. E nar’yan na ang pera, wala namang mga tao. Hanap ulit kami. Para kaming ahenteng nag-aalok sa komunidad kasama ang iika-ikang si Konsehala Marilyn at kanyang labidabs.

Lahat halos ng alukin namin nagtatanong kung ano ang Benggala. Paano alagan? May babayaran? Saan ibebenta? Paano ang sistema? Gusto kong sabihin na sugal talaga ang proyekto at lahat tayo ay mananaya. ‘yung isa, lumabas pa na may baril sa gilid ng saluwal. Halos ayaw ko na ngang ituloy. Nakakatamad na rin sa dami ng pagsubok at gusot na dapat plantsahin. Pero nakakatuwa ‘yung sinabi ni Konsehala: “Ako’y susubok ng bago”, at marami pa rin ang tumanggap. Marami rin akong naiuwi: chicharon, isang piling na pahinugig saging, at isang buwig ng  mangga, pati na ang kumpletong lista ng mga kalahok sa Benggala.

Pag-uwi; tinalupan ko ang mangga at binalatan ang itlog na pula. Winisik-wisikan ko ng asin at asukal. Halong alat, asim, at tamis.

Parang trabaho ko.


#
Dyord
Abril 27, 2017
White House




Ngalay na

Kaba
Kakaba-kaba
Hindi ko alam kung
Aabot o matutuloy pa
Parang buwik na natampahan
Ngunit walang kumukuha

Panis
Tumambak na tubal
Na binukas-bukas  na lang
Pagod na kamay ang idinahilan
Hanggang amagin na’t pandirihan
Lalong di mabanlaw

Sana
Matapos na lang
Magkadaop na ang mga kalyuhing
Palad na sawi’t sumisigaw ngunit pigil
Kahit nangangatal na’t nanginginig sa gigil
Inaalkansya ang kaba

Kalma
Kahit di pihong mananalo
Wala na kasing sisidlan sa talo
‘Yako ring gagabing matang-kuwago
Parang awa ny’o na; tapusin na ang kaba
Kahit bukas na. Sana.
Namimingaw na
Sa mukha ko
Sa salamin

Nangangalay nang
Palagiang tumungo

Kahit bukas na.

Saturday, April 15, 2017

Bakit nagiging Imbyerna ang Disaster Response?

Bumiyahe nang mahabang oras, nakikinig kay Adele habang nakatanaw sa malalawak na mga palayan sa Bulacan at Nueva Ecija mula sa namamawis na binatana ng bus. Nag-check in sa isang maaliwalas na hotel room na maluwag para sa isa kung saan natatanaw ang mga ilaw ng mga gusali ng siyudad. Naligo sa mainit na shower at kinatulugan ang pagbabasa ng aklat nang wala pang alas-nuebe. Gumising na bahagyang nasisilaw sa sikat ni haring araw. Bumisita sa BenCab museum, Mt. Cloud Bookshop, mga wagwagan, tindahan ng strawberry jam, at magkape sa Baguio. Ako lang. Walang pagkaaligaga at walang munang trabaho.

Bakasyon be like sana; kaya lang nagkaro'n ng earthquake swarm. Niyanig ng lindol ang Tingloy, Mabini, Taal, San Luis, at ramdam sa buong Batangas, sa buong Calabarzon, at pati na rin sa kalakhang Maynila. Dahil isa ang DSWD sa disaster chair, o mga ahensiya ng gobyerno na may pasok kapag may kalamidad; may Quick Response Team (QRT) duties kami kahit Mahal na Araw.

Kahit medyo marangal at kabayanihan pakinggan, hindi ako eksayted. Gusto kong magpahinga talaga. Minsan lang magkaroon ng mahabang walang pasok ang Kagawaran. Hindi ako eksayted di lang dahil nasira ang bakasyon ko, inaasahan kong magulo ang siste ng aksyon at ipinapangamba kong hindi magandang karanasan ang una kong disaster response sa Kagawaran. Hindi naman talaga magandang karanasan ang mga kalamidad in the first place.

Ipinagmamalaki pa ng Kagawaran ang mga online news article na hindi nagpapahinga ang mga kawani para tugunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya sa Batangas. Pero sa likod ng mga news article ng maagap at mapagkalingang serbisyo ng Kagawaran ay ang mga kawaning mainit ang ulo, pana'y buntong-hininga, at hindi makasakay pauwi dahil inabot na ng Biyernesanto.

Bakit nagiging Imbyerna ang Disaster Response?

1. Quantitative Report Mentality. Nakatingin kami sa numero ng tahanan na kailangan ng atensyon. Nakatingin kami sa papel. Ang daming kailangang i-encode at i-accomplish na reports kapag may kalamidad. Kasi bago rin naman mag-release ng food packs at shelter assistance, kailangang i-comply ang mga dokumento. 

Kailangan pang gumising ng maaga at bumiyahe ni Sir Adrian mula Lucban, Quezon hanggang Taal, Batangas para lang mag-encode kami ng listahan ng mga bakwit kahit kaya namang gawin 'yon ng mga taga-lokal na pamahalaan o sinomang computer literate volunteer.

2. "Reactionary". Hindi naman talaga nahuhulaan kung kailan mangyayari ang kalamidad gaya ng lindol, pero puwedeng umupo ang mga sektor ng komunidad para malaman ng komunidad kanino manggagaling ang direktiba sa oras na may tumamang kalamidad. Kanino ipapaalam ang mga nasira. Sino ang maaaring magpahiram ng mga sasakyan. Saan ang posibleng lugar na paglilikasan. Kasi kapag and'yan na yung kalamidad; hindi na kayo makakaupo para magplano. Hindi ka bibili ng fire extinguisher kung kailan nasisilab na 'yung kisame mo.

Sa Mabini, hindi alam ng maraming baranggay na nadarat'nan sila ng food packs. Paano naman kasi ang namamahala ng pamimigay ng food packs ay hindi rin naman pala taga-Mabini. Hindi n'ya alam kung sinong hahagilapin sa mga baranggay. Di sin' sana'y katulong ang mga sasakyan ng baranggay sa paghahakot ng food packs para mas mabilis at hindi pauli-uli ang patrol ng pulisya.

3. Hindi-ko-na-trabaho-'yan Mentality. Nag-umpisa na kaming magpasa-pasa ng 239 food packs. Mula sa opisina ng lokal na DSWD, ay itatawid ito sa mga dalawang dipang-taas na bakod para maikamada sa sasakyan. Itinaas ko ang unang food pack para kunin nung pulis sa kanilang bakod, "wala kayong tagahakot?" Muntik ko nang maibaba sa ngalay ang apat na kilong food pack sa payat ng braso ko pero inabot naman n'ya na nagngungoy-ngoy. 

Sa panahon ng kalamidad, walang salitang kayo, tayo dapat. 

Nang mailagay namin ang 109 na food packs sa patrol, lumambot ang gulong nito at dahil Biyernesanto nga, sarado ang mga vulcanizing shop. Napalagabog ang pagsasara ni SPO1 Hernandez ng pinto ng patrol. "Hindi na ito ka sama sa lista," wika nung isa pang pulis. Bumanggit pa si SPO1 Hernandez tungkol sa salary increase.  Siguro ay malaki ang pangangailangan n'ya para sa kanyang bagong baby na nakita ko na wallpaper ng smartphone n'ya.

Tila lalong inaasar si SPO1 Hernandez nang paakyat na kami sa Brgy. Solo. Nangalaglag ang food packs dahil matarik ang daan. Lumagabog ulit ang pinto ng patrol. Nakisakay na lang ako sa nagmagandang loob na taga-resort na ipinalagay ang ilang food packs sa pick up n'ya at tinulungan kaming maihatid sa baranggay hall. 

Sa sasakyan, kasama ko ang dalawang pulis at dalawang sundalong may dala pang armalite.

4. Vox populi, vox dei. Pagdating namin sa baranggay, hindi alam ng kapitan kung saan galing ang listahan ng DSWD ng bibigyan ng food packs. Sila ang babatuhin ng mga tao kapag may hindi nabigyan. May tila aalta presyonin pa para lang sa 3 kilong bigas at ilang de lata. Merong nagmamataas na kaya rin naman pala nyang bumili ng laman ng food packs. Isinangkalang na naman pala kami ng gobyerno para tanggapin ang taga nung mga tao. 

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako na-orient pero hindi ko naman puwedeng sabihin sa mga tao na "props lang ako rito, wala talaga akong alam, at ipa-raffle na lang natin ang food packs". Hiningi ko na lang ang pasensya nung mga tao at hinimok na kung may kilala silang di nakatanggap at kaya nilang magpalamang o ibahagi ang natanggap na tulong ay magkusa na sila. Hindi kako kayang perpektuhin ng pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan kung panahon ng kalamidad. 

"Nakakapaiyak" ang salitang ginamit sa pagsusumbong nung isang pulis kay Kap. Napangiti ako at tinapik-tapik ko s'ya sa balikat. Matapos kasing maghakot ng dalawang beses ang patrol at mamulot pa ng nangalaglag na sardinas ay tatagain pa sila ng ligalig ng mga tao.  "Pasok sa isang tainga, labas sa kabila; kapag nanunungkulan laging may masasabi ang mga tao," sabi ng nunong baranggay health worker na hitik na sa uban at karanasan.

5. Trabaho-ng-Gobyerno Mentality. Hindi lang sana at hindi lang dapat kawani ng gobyerno ang kumikilos kapag may kalamidad. Katulong sana ang mga simbahan sa paghahakot ng food packs. Kaagapay sana ang mga iskolar sa pag-eencode. 

Kapansin-pansin ang pagtugon sa kalamidad ay panay pagkain. Mayroon pang calamity fund ang bawat baranggay na kadalasan ibinibili rin ng relief goods. Mayroon ngang baranggay na ang tingin na sa food packs ay problema na. 

Sana tingnan din natin ang pangangailangan ng mga nasalanta ng makakahuntahan. Nakakaibis ng takot at pangamba ang pakikipag-usap, kung tutuusin kaya naman ng karamihan sa nabigyan naming mga baranggay ang bumili ng pagkain. May uhaw sila sa pagkukuwento ng danas nila noong kasagsagan ng lindol. May nababawas sa dala-dala nilang pangamba.

Kaya lang babago pa lang akong nakikipagkuwentuhan, bumubusina na si SPO1 para magdala ng tulong sa susunod namang baranggay. Kaya kung hindi na namin magagampanan, baka ikaw kaya mong makibahagi.

6. Medyo pagod at gutom lang. Isa lang naman ang gusto nating mapangyari: makatulong o matapos ang trabaho. Kaya sana wala pang kalamidad, umupo na ang komunidad at mag-usap nang sa gayon kahit mahirap ang trabaho; walang mukhang Biyernesanto.



Sana mahamon kami ni Ian. Wala s'yang uniporme. Walang logo sa damit. Hindi ko alam kung may apilyasiyon ba s'ya sa simbahan, pero ang alam ko umaga pa lang ay naghahakot na s'ya ng food packs para sa 28 na baranggay sa Mabini nang Biyernesanto na 'yun. 

Sana mahamon din tayo ni Ate Carolyn, na kayang magpaubaya ng kanyang food pack sa mas nangangailangan. Nakakuwentuhan ko si Ate Carolyn habang nagpapatunaw ako ng tinanghaliang tilapia at balatong sa Brgy. San Teodoro. Nagtatahi ng mga bags at coin purse na gawa sa nilalang plastic bilang tulong sa mister n'yang OFW na kakauwi lang for good. Mahal kasi ang tuition ni Dwight sa isang pribadong unibersidad at kumukuha ng marine engineering. Si Dwight naman ay gumagawa ng mga yacht at boat miniature models at ipinagbibili sa Facebook. May proposal na raw sila sa Conservation International at PUSOD Inc. para sa kabuhayan ng komunidad nila sa San Teodoro.

Ayon sa PAG-ASA ay paparating si bagyong Crising,  baka puwedeng magpahinga muna?


Monday, April 10, 2017

Abril 09, 2017


Nanood ako ng Game of Thrones nang Biyernes ng gabi. Pa-morningan. Paulit-ulit ko lang binabali ang promise ko na isang episode na lang. Malaking kahangalan ang pakiramdam na deserve kong paluwain ang mga mata kapag Biyernes ng gabi.

Mga alas dos na ako nakapagluto ng tanghalian. Buong umaga ng Sabado nanood lang ako ng Game of Thrones. Puyat pa ako. Kaya bago ako nakakain ng tanghalian, medyo hilo-hilo na ako. Nang makakain, saka ako nag-umpisang maglinis ng bahay. Wala na pala akong groseri kundi isang sardinas. Naisip ko yung lindol nung Martes, wala man lang akong solar lamp, pito, flashlight, o de lata, labahin pa lahat ng undies ko. Kami ‘tong gumagala sa mga baranggay para sa disaster preparedness at wala man lang akong Go Bag. Nagwawalis ako nang makaramdam ako ng hilo. Kakain ko lang ah. Napatingin ako sa tubig, umuuga-uga. Lumilindol na naman?

Hindi ko sure kung hilo sa puyat, gutom, o lindol nga pero lumabas ako bitbit ko pa ‘yung walis tambo. Tumingin ako sa poste ng kuryente. Umuuga nga yung mga kable. Tumingin ako sa apartment C, lumilindol nga kapag lumabas sina Ate Cris. Lumalabas nga sila bitbit si Theo at akay si Eyah na umiiyak. Wala ang tatay nila nasa farm, alam ko kapag umaga, kahit weekends.

Binitiwan ko si tambo at inakay ang umiiyak na si Eyah. Lumipat kami sa may harapan ng bahay, kaya lang delikado yung dalawang corinthian-designed na poste. Lumabas kami ng gate, sa may ilalim ng poste, kaya lang delikado rin. Lumipat kami sa may Home Center kung saan maluwang ang parking pero nakaka-heatstroke ang init. Wala akong dala kahit ano, wala a akong ligo. Baka lalong naiiyak si Eyah sa amoy ni Kuya Jord. Si Theo ngumingiti pa, walang kamuwang-muwang sa nangyayari.

Sobrang hindi ako handa. Naglinis agad ako nang mawala na yung yanig. Nag-prep ng Go bag: cash, damit, susi, cards, at DSWD uniform. Wala pala akong kape sa sachet at lock n lock na termos? Tinext ko rin si Mama. Nagcharge ng laptop at cellphones. Nagsaing dahil baka mamatay na naman ang Batelec.

Nagbukas ng M&M pampakalma. Binigyan ko rin sina Eyah, kasama na si tatay nila at nag-aabang na ng flash report. Noong Martes, hindi sila natulog kakabilang sa aftershocks ng 5.7 magnitude na lindol at epicenter ang Tingloy. Parang may tumakbong tao sa bubong namin nun at ramdam ko rin na umuga ang bahay. Ilang beses pang yumanig kaya lang kailangan nang matulog may meeting pa bukas at bawal ma-late baka mayanig ni boss. Kibit-balikat pa ako, dahil malayo naman.

Sumilip ako sa Facebook, 5.6 at 6 ang magnitude ng dalawang lindol na ang epicenters naman ay Mabini at Tanauan, Batangas. Matapos kong maglinis, maglaba, at magluto; naggroseri na ako. Pagkalabas na pagkalabas ko ng groseri, namatay lahat ng ilaw. Sumigaw ang mga tao. Patay na naman ang Batelec. Napangiti ako ng kaunti, medyo prepared na ako. 
Meron palang aftershock advisories kagabi, kaya lang antok na antok na talaga ako. Hindi ko na sila maaantay. Nasa may sulok naman ako nakahiga, pasok naman sa triangle of life kung sakaling gumuho ang White House.


Nagising pa rin naman ako sa yanig ng 6:40 a.m. kong alarm.

#

Dyord
Abril 09,2017

E-boy’s 

Thursday, April 6, 2017

Boundary

Mga oras na rush hour
Sa utak mo lahat ng isipin:
Karerahan,
Una-unahan
Naghahabulan sa pagkahabang
Kalsadang panay luntian
Ang kulay ng traffic lights
Walang piho kung aabot
Patibangga sa hahara-hara
Bumubusina kahit sa simbahan
Hanggang pagdating sa dulo
Naiwan mo pala yung mga pasahero
Ririndihin ng silbato
Titiketan
Pahaharuruting muli
Na tila walang red light
Kahit dumaan sa butas ng iskinita
Makapasada lang ulit
Kahit sa sunod na anim na buwan
May maitawid man lang sana


#