Bumiyahe
nang mahabang oras, nakikinig kay Adele habang nakatanaw sa malalawak na mga
palayan sa Bulacan at Nueva Ecija mula sa namamawis na binatana ng bus.
Nag-check in sa isang maaliwalas na hotel room na maluwag para sa isa kung saan
natatanaw ang mga ilaw ng mga gusali ng siyudad. Naligo sa mainit na shower at
kinatulugan ang pagbabasa ng aklat nang wala pang alas-nuebe. Gumising na
bahagyang nasisilaw sa sikat ni haring araw. Bumisita sa BenCab museum, Mt.
Cloud Bookshop, mga wagwagan, tindahan ng strawberry jam, at magkape sa Baguio.
Ako lang. Walang pagkaaligaga at walang munang trabaho.
Bakasyon be like sana; kaya lang nagkaro'n ng earthquake swarm. Niyanig ng lindol ang Tingloy, Mabini, Taal, San Luis, at ramdam sa buong Batangas, sa buong Calabarzon, at pati na rin sa kalakhang Maynila. Dahil isa ang DSWD sa disaster chair, o mga ahensiya ng gobyerno na may pasok kapag may kalamidad; may Quick Response Team (QRT) duties kami kahit Mahal na Araw.
Kahit medyo marangal at kabayanihan pakinggan, hindi ako eksayted. Gusto kong magpahinga talaga. Minsan lang magkaroon ng mahabang walang pasok ang Kagawaran. Hindi ako eksayted di lang dahil nasira ang bakasyon ko, inaasahan kong magulo ang siste ng aksyon at ipinapangamba kong hindi magandang karanasan ang una kong disaster response sa Kagawaran. Hindi naman talaga magandang karanasan ang mga kalamidad in the first place.
Ipinagmamalaki
pa ng Kagawaran ang mga online news article na hindi nagpapahinga ang mga
kawani para tugunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya sa
Batangas. Pero sa likod ng mga news article ng maagap at mapagkalingang
serbisyo ng Kagawaran ay ang mga kawaning mainit ang ulo, pana'y
buntong-hininga, at hindi makasakay pauwi dahil inabot na ng Biyernesanto.
Bakit nagiging Imbyerna ang Disaster Response?
1. Quantitative Report Mentality. Nakatingin kami sa numero ng tahanan na kailangan ng atensyon. Nakatingin kami sa papel. Ang daming kailangang i-encode at i-accomplish na reports kapag may kalamidad. Kasi bago rin naman mag-release ng food packs at shelter assistance, kailangang i-comply ang mga dokumento.
Kailangan
pang gumising ng maaga at bumiyahe ni Sir Adrian mula Lucban, Quezon hanggang
Taal, Batangas para lang mag-encode kami ng listahan ng mga bakwit kahit kaya
namang gawin 'yon ng mga taga-lokal na pamahalaan o sinomang computer literate
volunteer.
2. "Reactionary". Hindi naman talaga nahuhulaan kung kailan mangyayari ang kalamidad gaya ng lindol, pero puwedeng umupo ang mga sektor ng komunidad para malaman ng komunidad kanino manggagaling ang direktiba sa oras na may tumamang kalamidad. Kanino ipapaalam ang mga nasira. Sino ang maaaring magpahiram ng mga sasakyan. Saan ang posibleng lugar na paglilikasan. Kasi kapag and'yan na yung kalamidad; hindi na kayo makakaupo para magplano. Hindi ka bibili ng fire extinguisher kung kailan nasisilab na 'yung kisame mo.
Sa Mabini, hindi alam ng maraming baranggay na nadarat'nan sila ng food packs. Paano naman kasi ang namamahala ng pamimigay ng food packs ay hindi rin naman pala taga-Mabini. Hindi n'ya alam kung sinong hahagilapin sa mga baranggay. Di sin' sana'y katulong ang mga sasakyan ng baranggay sa paghahakot ng food packs para mas mabilis at hindi pauli-uli ang patrol ng pulisya.
3. Hindi-ko-na-trabaho-'yan Mentality. Nag-umpisa na kaming magpasa-pasa ng 239 food packs. Mula sa opisina ng lokal na DSWD, ay itatawid ito sa mga dalawang dipang-taas na bakod para maikamada sa sasakyan. Itinaas ko ang unang food pack para kunin nung pulis sa kanilang bakod, "wala kayong tagahakot?" Muntik ko nang maibaba sa ngalay ang apat na kilong food pack sa payat ng braso ko pero inabot naman n'ya na nagngungoy-ngoy.
Sa panahon ng kalamidad, walang salitang kayo, tayo dapat.
Nang
mailagay namin ang 109 na food packs sa patrol, lumambot ang gulong nito at
dahil Biyernesanto nga, sarado ang mga vulcanizing shop. Napalagabog ang
pagsasara ni SPO1 Hernandez ng pinto ng patrol. "Hindi na ito ka sama sa
lista," wika nung isa pang pulis. Bumanggit pa si SPO1 Hernandez
tungkol sa salary increase. Siguro ay malaki ang pangangailangan
n'ya para sa kanyang bagong baby na nakita ko na wallpaper ng smartphone n'ya.
Tila lalong inaasar si SPO1 Hernandez nang paakyat na kami sa Brgy. Solo. Nangalaglag ang food packs dahil matarik ang daan. Lumagabog ulit ang pinto ng patrol. Nakisakay na lang ako sa nagmagandang loob na taga-resort na ipinalagay ang ilang food packs sa pick up n'ya at tinulungan kaming maihatid sa baranggay hall.
Sa sasakyan, kasama ko ang dalawang pulis at dalawang sundalong may dala pang armalite.
4. Vox populi, vox dei. Pagdating namin sa baranggay, hindi alam ng kapitan kung saan galing ang listahan ng DSWD ng bibigyan ng food packs. Sila ang babatuhin ng mga tao kapag may hindi nabigyan. May tila aalta presyonin pa para lang sa 3 kilong bigas at ilang de lata. Merong nagmamataas na kaya rin naman pala nyang bumili ng laman ng food packs. Isinangkalang na naman pala kami ng gobyerno para tanggapin ang taga nung mga tao.
Sa
totoo lang, hindi naman talaga ako na-orient pero hindi ko naman puwedeng
sabihin sa mga tao na "props lang ako rito, wala talaga akong alam, at
ipa-raffle na lang natin ang food packs". Hiningi ko na lang ang
pasensya nung mga tao at hinimok na kung may kilala silang di nakatanggap at
kaya nilang magpalamang o ibahagi ang natanggap na tulong ay magkusa na sila.
Hindi kako kayang perpektuhin ng pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan
kung panahon ng kalamidad.
"Nakakapaiyak" ang salitang ginamit sa pagsusumbong nung isang pulis kay Kap. Napangiti ako at tinapik-tapik ko s'ya sa balikat. Matapos kasing maghakot ng dalawang beses ang patrol at mamulot pa ng nangalaglag na sardinas ay tatagain pa sila ng ligalig ng mga tao. "Pasok sa isang tainga, labas sa kabila; kapag nanunungkulan laging may masasabi ang mga tao," sabi ng nunong baranggay health worker na hitik na sa uban at karanasan.
5. Trabaho-ng-Gobyerno Mentality. Hindi lang sana at hindi lang dapat kawani ng gobyerno ang kumikilos kapag may kalamidad. Katulong sana ang mga simbahan sa paghahakot ng food packs. Kaagapay sana ang mga iskolar sa pag-eencode.
Kapansin-pansin
ang pagtugon sa kalamidad ay panay pagkain. Mayroon pang calamity fund ang
bawat baranggay na kadalasan ibinibili rin ng relief goods. Mayroon ngang
baranggay na ang tingin na sa food packs ay problema na.
Sana tingnan din natin ang pangangailangan ng mga nasalanta ng makakahuntahan. Nakakaibis ng takot at pangamba ang pakikipag-usap, kung tutuusin kaya naman ng karamihan sa nabigyan naming mga baranggay ang bumili ng pagkain. May uhaw sila sa pagkukuwento ng danas nila noong kasagsagan ng lindol. May nababawas sa dala-dala nilang pangamba.
Kaya lang babago pa lang akong nakikipagkuwentuhan, bumubusina na si SPO1 para magdala ng tulong sa susunod namang baranggay. Kaya kung hindi na namin magagampanan, baka ikaw kaya mong makibahagi.
6. Medyo pagod at gutom lang. Isa lang naman ang gusto nating mapangyari: makatulong o matapos ang trabaho. Kaya sana wala pang kalamidad, umupo na ang komunidad at mag-usap nang sa gayon kahit mahirap ang trabaho; walang mukhang Biyernesanto.
Sana mahamon kami ni Ian. Wala s'yang uniporme. Walang logo sa damit. Hindi ko alam kung may apilyasiyon ba s'ya sa simbahan, pero ang alam ko umaga pa lang ay naghahakot na s'ya ng food packs para sa 28 na baranggay sa Mabini nang Biyernesanto na 'yun.
Sana
mahamon din tayo ni Ate Carolyn, na kayang magpaubaya ng kanyang food pack sa
mas nangangailangan. Nakakuwentuhan ko si Ate Carolyn habang nagpapatunaw ako
ng tinanghaliang tilapia at balatong sa Brgy. San Teodoro. Nagtatahi ng mga
bags at coin purse na gawa sa nilalang plastic bilang tulong sa mister n'yang
OFW na kakauwi lang for good. Mahal kasi ang tuition ni Dwight sa isang
pribadong unibersidad at kumukuha ng marine engineering. Si Dwight naman ay
gumagawa ng mga yacht at boat miniature models at ipinagbibili sa Facebook. May
proposal na raw sila sa Conservation International at PUSOD Inc. para sa
kabuhayan ng komunidad nila sa San Teodoro.
Ayon
sa PAG-ASA ay paparating si bagyong Crising, baka puwedeng magpahinga
muna?
No comments:
Post a Comment