Nag-socprep
kami ni Tita Nel sa baranggay Bawi kanina. Pangatlo na naming aralin sa social
preparation; tungkol sa time management. At late kami ni Tita Nel kanina, gawa
ko. ‘yung aralan namin madalas maraming bata na hindi maiwan sa bahay dahil
walang mag-aalaga. Ngayon, marami na ring kasamang paninda. Napabili ako ng dalawang
itlog na pula. Maiba naman ang hahapunanin.
Kanina,
pumili na rin sila ng pangalan ng samahan nila: Ingat-Lunti. Dahil nag-umpisa
sila sa pagpapalunti at pagsasaayos ng Bawi Eco-Trail, isang cash for building
livelihood asset. Ang hirap tandaan ng mga paroyekto sa Programa namin. Imbis
na ipamigay ang cash na mabilis malusaw, titipunin namin ang bahagi ng kanilang
mga gana para magsimula ng sariling bigasan.
Pagkagaling
ko sa mga TODA para sa forms na kakailanganin para maumpisahan na rin namin ang
proyekto sa kanila ay dumeretso naman ako sa baranggay Bukal. Kasama sina Ate
Rosy at (Ate) Arsenia, na ngayon ko lang nalaman na trenta anyos na. Mas mukha
pa akong matanda. Mga parent leaders sila ng programang Pantawid at sasamahan
nila akong manguha ng mangga, mangain ng chicharong macaroni, magkapae,
mag-juice, mag-kamias, at magmaruya sa buong baranggay. Ang pakay talaga namin
ay maghanap ng sasali sa pag-aalaga ng Benggala.
Matagal
ko na itong naalok sa baranggay, kaya lang ay sa tagal din ng pondo ay
nangawala na rin ang interes ng mga tao sa ‘bago sa pandinig’ na proyekto. E nar’yan
na ang pera, wala namang mga tao. Hanap ulit kami. Para kaming ahenteng
nag-aalok sa komunidad kasama ang iika-ikang si Konsehala Marilyn at kanyang labidabs.
Lahat
halos ng alukin namin nagtatanong kung ano ang Benggala. Paano alagan? May
babayaran? Saan ibebenta? Paano ang sistema? Gusto kong sabihin na sugal talaga
ang proyekto at lahat tayo ay mananaya. ‘yung isa, lumabas pa na may baril sa
gilid ng saluwal. Halos ayaw ko na ngang ituloy. Nakakatamad na rin sa dami ng
pagsubok at gusot na dapat plantsahin. Pero nakakatuwa ‘yung sinabi ni
Konsehala: “Ako’y susubok ng bago”, at marami pa rin ang tumanggap. Marami rin
akong naiuwi: chicharon, isang piling na pahinugig saging, at isang buwig ng mangga, pati na ang kumpletong lista ng mga
kalahok sa Benggala.
Pag-uwi;
tinalupan ko ang mangga at binalatan ang itlog na pula. Winisik-wisikan ko ng
asin at asukal. Halong alat, asim, at tamis.
Parang
trabaho ko.
#
Dyord
Abril
27, 2017
White
House
No comments:
Post a Comment