Sunday, June 16, 2019

Tag-ulan na



      Simula na ng tag-ulan. Nakahanda na kami. Kakatanim lang namin ng kape, mais at balatong. Namumulaklak na ‘yung mga amarilyo. Nagdahon ang kakawate. P’wera pasok ng kambing. Kakap’rasong lupa pero hirap na hirap kami ni Warren sa paghahanda. Bubuhayin pa namin ‘yung lupa. Malayo sa kulay itim at pagiging mayabo ang lupa. Namumuo at napipikpik kung tuyo. Kaya mais at balatong muna. Ilang buwan din kaming naghintay ng ulan. Iba sa lawa, may kasamang malakas na hangin. Unang beses kong sasalubungin ang tag-ulan sa lawa ng Taal. Sana’y lahat ng ulan ay biyaya.  


#

Wednesday, June 12, 2019

Napanood namin ‘yung Quezon’s Game




Medyo nasikipan lang sa ginagalawan noong buong pelikula. Nausukan ng bahagya sa hithit-buga ng mga tabako. Maayos ‘yung pagkakailaw para sa’kin, mukhang luma pero hindi patay ang dating sa mata. Ang luwag ng Maynila noon, ang sarap bumalik tapos balaan sila sa hinaharap ng trapiko’t polusyon.

Hindi kami naburyot. Kadalasan end of school year na bago pa makaabot sa Panahon ng Amer’kano, ng Commonwealth, kaya malaking bagay ang Quezon’s Game sa pagbibigay larawan sa iba’t ibang amerkanong pangalan at politikong Pilipino. Kaya pala nating gumawa ng pelikulang pangkasaysayan na puro usap, walang dugo, baril, kanyon at bayoneta pero hindi nakakaantok, Naiksian pa nga kami.

Ang progresibo natin noon. Ang taas ng pagpapahalaga natin sa buhay. Hindi pa nga tayo totoong malayang bansa noon. Hindi rin naman tayo mayaman pero napag-agwantahan nating tumulong sa iba. Kahit na kaliwa’t kanan ‘yung inaabyad natin noon. May midterm elections, kasarinlan proposal, mga pesanteng nangangailangan din, pero la vida es lo primero. Nagawan pa rin natin ng paraang tumanggap ng mga Hudyo na tumatakas mula sa kabuktutan ng utak ni Hitler (na nakakahawa). Ang karapatang mabuhay ng malaya at malayo sa kapahamakan pa rin ang mauuna. [Trilingual tayo noon, ang sosyal natin kaya nating magmura in three languages, isipin mo binash ka sa Ingles, Tagalog, Espanyol?]

Bukod sa Open Door na dambana, nakita ko ang mga pagpapasalamat ng embahado ng Israel sa Pilipinas nang magsulat ako ng  feature article tungkol sa Agrostudies dati nung nasa print journ pa ako. Kung nagbibigay sila ng 10 slot sa ibang bansa para i-train sa agri-tech ng Israel, kukuha sila ng 40-50 mula sa Pilipinas! ‘yung pagbubungkal ng lupa ay naging pagpapayabong ng pagkakaibigan ng dalawang bansa. Di ba? Ang dami kong nasatsat sa pelikula.

Mapapaisip ka kung pano tayo humantong sa ganito. Naging atrasado. Kung panong gusto nating maalis bilang buntot ng malalaking bansa, e nagpapakatuta tayo ngayon. Kundi ka naman ma-trigger ng “No Dogs and Filipinos Allowed” sa Army Navy Club noon.

Mahalaga pa rin ang accuracy kaya magbasa pa rin kayo ng historians. Una agad naming naisip ang gamit ng pelikula sa klase ni Edison na Grade 6. Uusad na tayo sa pagtuturo ng kasaysayan mula puro petsa, lugar at pangalan; ay sa saysay na ng kasaysayan. Sana mas marami pang pelikulang pangkasaysayan!

#



Masteral 3



Medyo busy ‘yung mga prof ko na hiningian ng recommendations.  Sabi ko, okay hindi na ko magma-Masters muna. Bumili ako tuloy ng Switch. Maglalaro lang ako ng weekends ng buong taon. Tapos, next year na lang ako magseseryoso in life at kasama na ron ang pag-aaral. Nag-advo-advocacy work naman ako nitong nakaraang taon baka puwedeng sabbatical muna ako sa pagseseryoso sa buhay.

Pagsabayin ang studies at gaming. Maling-mali para sa’kin. Di kaya ng utak ko. Malaking mental space kaya kinakain ng gaming. T’saka oras at enerhiya. Bumabalik-balik pa rin naman ako ng elbi para manghuli ng Pokemons. Nagpapaalala lagi sa’kin ang oblation na hubo ito  magpakadalubhasa at ialay ang pangarap, pagsisikap sa bayan. Tapos, 3 days bago mag-deadline ng admissions, nag-message sa’kin si Mam Mabel, okay na raw ang recommendations. Di ko na tinuloy. Muna.

Nag-message sa’kin si Donj, admitted na raw s’ya! “ I’m so happy for you” sabi ko. “Mataas expectation ko sa’yo. Magpakadalubhasa ka. Coz I know magagamit ko ‘yung knowledge mo sa future.”

Aba’t hiningian pa ako ng ambag sa pang-enrol n’ya.

#

Thursday, June 6, 2019

40



Akala ko ang dami ko pang pera. Paglabas ko ng bangko, nagdeposit ako sa non-profit, ay nag-compute ako ng natitira kong pera pagkatapos mananghalian at mamasahe pababa ng Sitio Lipute sa Kahoy. Kuwarenta pesos na lang at ilang barya. At wala na akong bank account ha. Ang dukha ko na ulit.

Bukod sa may mga terible akong mga financial decisions lately. May pautang kasi ako.

‘yung mga utang kasi ni Tita Betty, s’ya ang nagkukusina sa conservation center, ako muna ang nagsulong. Para lang malinisan ‘yung income statement ng Mayo. Pero may utang pa rin s’ya ng Abril. Meron pa nga mula pa 2017 yata sa non-profit.

Ayaw na sa kanya ng non-profit. Ako lang din ang sumanggalang sa kanya dahil masarap namang magluto at talagang maasahan sa pag-aasikaso sa mga nagiging bisita namin. Walang kuwestiyon sa kalidad ng serbisyo at pakikisama. Pagdating sa pamemera, ‘yun lang, lubog sa utang at di makasulong sa’min. Siya lang din kasi ang takbuhan ng mga kamag-anak na nagkakasakit, nanganganak, ikakasal atbp.

Ilang beses na kong naungutan at nabragansya. Ilang beses na rin akong nainis. Binukas-bukas, pinangakuan na babayaran. Ganito yata talaga sa non-profit, hindi kumikita. Gusto ko nang mag-organisa ng isang kusina na talagang isang asosasyon ng kababaihan ang mamahala. Hati-hati sa kita. Maayos ang pananalapi. Pero mababawasan s’ya ng kita, naaawa naman ako.

Mabuti na lang at piyesta pagbaba ko ng Lipute. Maghapon akong libre ang kain. Pero kumatok sa opisina ko si Tita Betty, nagsulong ng kaunti. Di pa nahustuhan pero at least nabawasan. Pilit-pilit akong isinasama sa bertdeyan at s’ya raw ang nagkusi.

Wala namang tatalo sa leche plan ni Tita Betty talaga.

Wednesday, June 5, 2019

Milky


Milky
Kanina may bisita si [Ka] Ipat. Student n’ya dati sa La Salle at kasama na n’ya sa gobyerno ngayon sa legal division.  Si Jun, lawyer din. Hindi ko na siningil ng fee kasi nagamit agad ang pangalan ni Ipat. Ako muna ang nagpasyal sa kanila ‘til dumating si Ipat. Akala mo pag-aari ko ‘yung kabila. Nang dumating si Ipat ayun hinayaan ko na silang mag-usap.

Nang pauwi na sila, tinanong ni Jun if okay mag-astrophotography sa tabing lawa. Hindi kaya ng lente ko kaya di ko pa na-try kako. Tapos, tiningnan n’ya camera ko, kaya yan. Tapos, binigay n’ya settings para makunan ko raw ang Milky Way. “Hanapin mo lang ‘yung brigth red na star na buntot ni Scorpius” sabi n’ya.  “Totoo ba?” sabi ko, aba matagal na sa’kin ang camera ko. Sinubukan ko na dati sa Supermoon pero mukha lang ding normal na buwan ‘yung kuha, sabi ko baka di talaga kaya ng lente ko. Hindi ko na ulit sinubukang itapat sa langit ‘yung lente ko. Suntok sa buwan ang pagkuha sa tala. Ngayon, sabi ni Jun kaya naman. “Mga bandang 10pm,…southwest”.

Maganda raw sa tabing lawa. Wala masyadong liwanag. Nakakasulo kasi ang mga ilaw sa lente. Hindi makuha ‘yung kayang makita ng mata. Dito sa lawa ng Taal kitang-kita ‘yung kalawakan.

Babalik daw s’ya minsan. Kinuha ‘yung number ko at full name. Tinanong kung lagi ba kong nasa tabing-lawa. Tapos, umalis na sila nung girlfriend n’ya. Ako naman ngayon, nag-aabang ng gabi. Mukhang di ko na mahihintay ang Milky Way dahil kailangan ko nang managinip. 

Antok na ko.

#

Monday, June 3, 2019

Almost Annual Assembly


Nagkita-kita kaming magkakaibigan nung college: si Ate Tin, Ara, Ana at ako.
(Also: Tabs/Adipose, Perlita, Rodora and me respectively)

Malayo pa ‘yung suweldo pero pinilit ko nang makapunta kena Ara. Ang daming dapat pagkuwentuhan at kapag bentsingko ka na, tamad ka nang mag-type ng malanobela sa chat. Irita na ko sa mga group chats. Leave ako nang leave sa mga group invites. Social media ermitanyo na ako. Naghahanap ka ng personal, yung natatalsikan ka ng laway.

Si Ate Tin lang din ang chinat ko. Si Ara si Ate Tin lang din ang chinat. Si Ana si Ate Tin lang din. Ayokong magtanong kung nasaan na kung sinoman. Kung sino abutan ko s’ya kukuwentuhin ko. Wala nang tampu-tampo sa nang-indian sa usapan. Wala rin akong bitbit na anuman, bahala a si Tiya Dolly, di naman kami maselan.

Alas-nuwebe ang usapan. Sabi ko, aalis agad ako nang tanghali kasi may lakad pa ako. Dumating ako ng alas-dose, wala pa sina Ate Tin. Si Ara, andun pa sa bahay nila. Alam ko nag-aral na ‘to ng nihonggo, katakana, hiragana, pero di pa rin lumilipad. Ayoko namang ukilkilin at sa’ming tatlo, are ang pinaka conservative sa mga plano n’ya sa buhay. Si Ana naman ang pinaka mapagyaya sa mga trabaho at gala, isasama ka sa mga plano n’ya sa buhay. Ako naman ang pinaka wala yatang plano sa hinaharap.

Last year kena Ate Tin kami. Napag-usapan na namin ‘to, ‘nungayon  kung di ka successful sa career, kaibigan ka pa rin namin. Ang mahalaga, hindi ka tumitigil. Hindi kailangang laging mabilis ang pag-usad at ikalungkot kung makupad.

Chika sa Career

Nakuwento ko na nasa lawa ako ng Taal sa ngayon. Aba, gulat ako at ang daming chika ni Perlita sa lawa. Malay kahit sa pagkapanganib ng tawilis. Napa-lecture tuloy ako ngayon sa conservation efforts. At naalala namin kung paano kami nagtatatakbo mula gate hanggang sa dulo ng campus dahil late na kami sa environmental science. Konting ihip na lang ay tres na ako sa envi sci pero akalain mo may mga naalala akong environmental laws at terms. Sulit na rin ang paiskolar ng gobyerno sa’tin girl. *halakhak.
Nag-aaral ding magsulat at magbasa ng baybayin ang babaying ito. “Nag-aaral nga ako ng katakana, bakit ‘yung sa’tin hindi?” sabi n’ya nang padilat. Kapag lumubog ka naman talaga sa kulturang ibang-iba sa’tin mapapaisip ka talaga kung kumusta ang pagkakakilanlan natin. Ipinabasa ko sa kanya ‘yung nasa phone screen ko bilang quiz. Nahirapan! *halakhak “Ang dami kayang version sa internet!” nag-justify pa na akala mo essay ‘yung quiz. Pero marami nga naman, ang akin kasi ay ‘yung lumang baybaying Tagalog na ang pamatay-patinig ay krus (Doctrina).

Never stop learning ang peg namin. Hanggang nagyaya nang magtanghalian: chicken adobo, nakakabobo. [Kung alam mo ‘yung kanta, ganyan ang mga genre-han namin] Tapos, biglang nagpa-order ng peanut butter si Ara, kay Ate Tin daw ‘yon. Kakabili ko lang kako. “For a cause naman ‘yun. May cancer si tatay.” Nang maisip n’yang dapat si Ate Tin ang magkuwento sa’kin, magkunwari na lang daw akong di ko pa alam.

Adipose Arrives

Kung kailan ka naman ako pagaw na saka dumatin si Ate Tin. Nag-away pa raw sila ni Jojo on the way. “Hahabulin ko lang si Jord, kapag wala na, uuwi na rin tayo.” sabi n’ya raw. At kasalanan ko pa pala ngayon. Hindi na ako nakauwi ng tanghali kasi mamaya pa raw si Ana. Asan na raw ako ngayon? Nagkaka-chat naman daw sila at nagkikita ni Ara kaya ako ang magkuwento. So, ulit from the top.
Nag-apply nga si Ate Tin sa Antipolo. Ang kalaban n’ya raw sa position ay matanda na. Nakalinya naman ang course sa ina-applyan pero ang experience ay sa pabrika. Job order na sa opisina at pinaglalabanan nila ni Ate Tin ‘yung plantilla. Araw ng interbyu ay nagkuwento na kay Ate Tin kung gaano kasalimuot ang buhay n’ya sa asawa, pamilya, naubos ang backpay sa pabrika at kung paanong huling baraha na n’ya itong plantillang pinaglalabanan nila. “E di sana ikinuwento mo rin lahat ng sakit mo,” enter frame ni Ara. Paawaan lang din pala ang labanan. Kung ikaw ang na-hire, konsensya mo pa kako. *halakhak

Umuwi muna sila ni Jojo mula Antipolo dito sa Sariaya. Hindi muna sila nakapagtitinda ng buko. Full time mom na muna s’ya. At ang dala n’yang balita ay may rectal cancer si tatay n’ya. “Na-chika nga sa’kin nito (ngumuso kay Ara) pero walang details” kako.

Iyak siyempre si inay at si bibe. Ayaw pa raw magpagamot. Hayae na raw. Hindi n’ya raw ipa-public at delikado ang case, hayae nang magkautang-utang. Nalula ako sa kailangang amount. Ayokong magtanong kung saang bunganga ng dragon kukunin ‘yung ganung halaga. Ilang bote ng peanut butter ang kalahating milyon?

Kahit na marami nang pasan, desidido si Ate Tin naman na lumaban. As always. Kaya lalo s’yang bumibigat e.

Rodora in Red Estrada

Bandang alas-kuwatro dumating si Ana. Nag-undertime pa raw s’ya. Kinamusta namin si Sky, nasa mga mommy ni Ana sa bukid sa Tiaong. Susunduin pa nga raw n’ya si Hawen. Busy momshie na nangangalaga naman sa libo-libong manok. Working towards partnering to a fastfood chain na nga raw ang kumpanya nila. Gago-gago lang ‘to dati e.

Habang nagkakape, ikinuwento ko ulit ang mga latest happenings sa buhay ko. Di ko namalayang napunta kami sa tilapia. Tinanong ko si Ana kung anong classification ng tilapia base sa kanyang eating habit at diet, s’ya ba ay herbivorous, planktivorous, carnivorous? Quiz master talaga ako today. Napaisip s’ya. Natatawa na agad kami ni Ara. Ako nakaisip nito kanina lang.

“Ano” sabay simangot ni Ana. Ibinulong ko lang ang sagot. “Ano?!” Ipinaulit pa sa’kin.
Thaiburubus

Napamura at tawa siya. “Ambaboy n’yo!” Halakhak din kami ni Ara kahit inulit-ulit lang namin ‘yung joke. Hindi bumenta kay Ate Tin ‘yung term na ‘yun. Siya lang din ang cum laude sa’min. ‘yung si Ara at Ana suma. Sumama lang sa cum laude. Ako naman, late na naka-graduate. 

Noong college parang ang yaman namin, labas kami nang labas kapag tatambay. Kain nang kain. Gala kung gala. Ngayon, sa mga bahay-bahay na kami nagkikita. Kuwento maghapon.

Uwian na

Hindi ko maalala kung naghapunan pa kami bago umuwi. Alam ko nagluto pa si Tita Dolly noon e. Busog na busog ako maghapon. Gaya lang ng dati. 

Hi dugzzz, flight ko na this midnight. Di na ko nakapagpaalam ng personal kasi di rin naman kita makutaptapan 🤣🤣. Isama mo nalang ako sa prayers mo, mamimiss kita. Until we meet again

Sa uulitin.