Medyo nasikipan lang sa ginagalawan noong
buong pelikula. Nausukan ng bahagya sa hithit-buga ng mga tabako. Maayos ‘yung
pagkakailaw para sa’kin, mukhang luma pero hindi patay ang dating sa mata. Ang
luwag ng Maynila noon, ang sarap bumalik tapos balaan sila sa hinaharap ng
trapiko’t polusyon.
Hindi kami naburyot. Kadalasan end of school
year na bago pa makaabot sa Panahon ng Amer’kano, ng Commonwealth, kaya malaking
bagay ang Quezon’s Game sa pagbibigay larawan sa iba’t ibang amerkanong
pangalan at politikong Pilipino. Kaya pala nating gumawa ng pelikulang
pangkasaysayan na puro usap, walang dugo, baril, kanyon at bayoneta pero hindi
nakakaantok, Naiksian pa nga kami.
Ang progresibo natin noon. Ang taas ng
pagpapahalaga natin sa buhay. Hindi pa nga tayo totoong malayang bansa noon.
Hindi rin naman tayo mayaman pero napag-agwantahan nating tumulong sa iba. Kahit
na kaliwa’t kanan ‘yung inaabyad natin noon. May midterm elections, kasarinlan
proposal, mga pesanteng nangangailangan din, pero la vida es lo primero. Nagawan pa rin natin ng paraang tumanggap ng mga Hudyo na tumatakas mula sa kabuktutan ng utak ni Hitler (na nakakahawa). Ang karapatang mabuhay ng malaya at
malayo sa kapahamakan pa rin ang mauuna. [Trilingual tayo noon, ang sosyal
natin kaya nating magmura in three languages, isipin mo binash ka sa Ingles,
Tagalog, Espanyol?]
Bukod sa Open Door na dambana, nakita ko ang mga
pagpapasalamat ng embahado ng Israel sa Pilipinas nang magsulat ako ng feature article tungkol sa Agrostudies dati nung nasa print journ pa
ako. Kung nagbibigay sila ng 10 slot sa ibang bansa para i-train sa agri-tech
ng Israel, kukuha sila ng 40-50 mula sa Pilipinas! ‘yung pagbubungkal ng lupa
ay naging pagpapayabong ng pagkakaibigan ng dalawang bansa. Di ba? Ang dami
kong nasatsat sa pelikula.
Mapapaisip ka kung pano tayo humantong sa
ganito. Naging atrasado. Kung panong gusto nating maalis bilang buntot ng
malalaking bansa, e nagpapakatuta tayo ngayon. Kundi ka naman ma-trigger ng “No
Dogs and Filipinos Allowed” sa Army Navy Club noon.
Mahalaga pa rin ang accuracy kaya magbasa pa
rin kayo ng historians. Una agad naming naisip ang gamit ng pelikula sa klase
ni Edison na Grade 6. Uusad na tayo sa pagtuturo ng kasaysayan mula puro petsa,
lugar at pangalan; ay sa saysay na ng kasaysayan. Sana mas marami pang
pelikulang pangkasaysayan!
#
No comments:
Post a Comment