Thursday, June 6, 2019

40



Akala ko ang dami ko pang pera. Paglabas ko ng bangko, nagdeposit ako sa non-profit, ay nag-compute ako ng natitira kong pera pagkatapos mananghalian at mamasahe pababa ng Sitio Lipute sa Kahoy. Kuwarenta pesos na lang at ilang barya. At wala na akong bank account ha. Ang dukha ko na ulit.

Bukod sa may mga terible akong mga financial decisions lately. May pautang kasi ako.

‘yung mga utang kasi ni Tita Betty, s’ya ang nagkukusina sa conservation center, ako muna ang nagsulong. Para lang malinisan ‘yung income statement ng Mayo. Pero may utang pa rin s’ya ng Abril. Meron pa nga mula pa 2017 yata sa non-profit.

Ayaw na sa kanya ng non-profit. Ako lang din ang sumanggalang sa kanya dahil masarap namang magluto at talagang maasahan sa pag-aasikaso sa mga nagiging bisita namin. Walang kuwestiyon sa kalidad ng serbisyo at pakikisama. Pagdating sa pamemera, ‘yun lang, lubog sa utang at di makasulong sa’min. Siya lang din kasi ang takbuhan ng mga kamag-anak na nagkakasakit, nanganganak, ikakasal atbp.

Ilang beses na kong naungutan at nabragansya. Ilang beses na rin akong nainis. Binukas-bukas, pinangakuan na babayaran. Ganito yata talaga sa non-profit, hindi kumikita. Gusto ko nang mag-organisa ng isang kusina na talagang isang asosasyon ng kababaihan ang mamahala. Hati-hati sa kita. Maayos ang pananalapi. Pero mababawasan s’ya ng kita, naaawa naman ako.

Mabuti na lang at piyesta pagbaba ko ng Lipute. Maghapon akong libre ang kain. Pero kumatok sa opisina ko si Tita Betty, nagsulong ng kaunti. Di pa nahustuhan pero at least nabawasan. Pilit-pilit akong isinasama sa bertdeyan at s’ya raw ang nagkusi.

Wala namang tatalo sa leche plan ni Tita Betty talaga.

No comments: