Saturday, February 8, 2020

Hindi na Palaging Biglaan

Bigla
bigla na lang n’yang nakita ang sarili
na nagwawagayway ng kapa, 
nagpapakinis ng bota 
ng kung sinong bayaning kala-kala
hindi man lang nagmaskara
lagi't lagi s'yang pinapangakuan:
isasama sa mga paglipad
magpapasalubong ng mga kuko ng halimaw
isang ihi lang ang nag-aalburutong bulkan
mapapawi lahat ng takot at pangamba
binasag nang lahat ng salamin
kaya nakikiayos s'ya ng gusot ng kapa
nagkukusot ng mga pula't naninilaw na mantsa
nawalan na rin ng oras magtanong 
di alam kung paano humantong sa ganito 
gayong s'ya ang may hawak ng bato
#


Palagi
Palagi namang komokonsulta sa Quiapo
Kung buwan ng mga tikoy, konsulta ay feng shui
Kapalaran sa masuwerteng numero’t kulay
Lahat uhaw makatanaw sa kung anong meron
Sa walang sigurado’t mapagbirong bukas
Pero lagi pa ring kabyos ang paghahanda 
Sa di pa dumarating, kahit mayroong babala
At panig pa rin sa mga sabi-sabi ng sinu-sino
Kahit sa tabi’y may pihong siyensya at lohika
Bahala na ang bukas
Kaya walang pakundangan sa ngayon
Hanapin ang bait sa sarili
Abot-kamay ngunit ayaw iabot ang tanaw

#


Mamaya
Puyos na puyos
Maya-maya’y aliw na aliw
Lilitisin at kaiinisan
Maya-maya’y limot na naman
May tatabasin kasing gubat,
Inararong mga bahura
Kinulimbat na mga balintong at taklobo
Kumakalat na epidemya
Sumasabog na bulkan
Pakomiks na di tapusan
Kaliwa’t kanan kasi ang nangyayari
Pero walang kabanatang nasasarahan
Maya-maya’y puyos na puyos na uli
At naisahan, kaunting indak lang
Maya-maya’y aliw na aliw uli
Atbp. na mga sakuna
#


Hindi na
Hindi na tayo uunlad
Hindi ito opinyon o simbolikong tula
Kung tumatawa ka na lang sa araw-araw
Pero di ka na masaya
Hindi na tayo uunlad
Kung sanay ka na sa mga kahiya-hiya
Hindi na tayo uunlad
Kung hindi ka na nagagalit at matagal nang ubos 
Ang aserong kumukulo sa loob mo
Hindi na tayo uunlad
Kung wala ka nang takot 
Kung wala ka nang reklamo
Kung hindi ka na nasasaktan
Hindi na ito tula, kundi balita:
Hindi na tayo uunlad 
Kung wala ka nang kibo
Baka wala ka nang konsepto ng tayo
Wala na, hindi na.
#








Ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2019



No comments: