Gusto kong mag-aral.
“Mag-aaral ka na naman?,” si Mama. Pagiba na ang bahay natin. Marami tayong utang. Magreretiro na Papa mo sa paggaguwardiya. Sa atin nakikitira ang mga pinsan mo. Wala na tayong gasul, ‘nak. Gusto kong mag-aral ulit Ma, matagal na. Sabi mo mag-ipon ako kung gusto kong mag-Masteral.
Sariling Pag-unlad Feels
Project Self yata ang pinaka matrabaho, pinaka magulo, pinaka nakakatamad at walang sweldong project na hawak ko ngayon. Gusto ko lang mag-Masteral kasi feeling ko wala akong field of specialization. Ang dami ko lang alam, always palawak at never palalim. Hindi ko naman nararamdaman na stunted ako. Pero parang nakukulangan ako sa growth rate ko bilang manggagawang pangkomunidad. Feeling ko kapag nag-aral ako may mga lente akong mabubuksan at may mga makikita na hindi ko nakikita dati.
Gusto kong mag-aral. Ayokong gumastos ng malaki. Wala, hindi ako qualified sa state-sponsored killings scholarships. Wala akong magandang grades. Hindi rin kaya ng suweldo ko kung self-funded.
Pero gusto ko ngang mag-aral kahit hindi rin kaya ng oras ko ang Masteral program. Ayoko namang mag-resign para makakuha ng scholarship full time. May ilan akong nakilala na nakapag-Masteral sa ibang bansa pa pero pag-uwi hindi rin alam paano magsisimula. Sa kaso ko, alam ko nang ito ‘yung gusto kong trabahuhin, kailangang makapag-aral ako na hindi iniiwan ang ginagawa ko ngayon. At wala ako masyadong gagastusin.
Sige-Sige vs. Keri-Keri Thoery
Pero bago tayo dumako sa muli’t muling pagsilip sa sariling mga nasa, daing, himutok, at iba pang mga sana; sa tingin ko kailangan ko munang I-discuss ‘yung dalawang teorya ko onProject Self management: (1) Sige-Sige Go theory, na kailangang talagang tutok at hands-on ka sa pagpapakinis ng sarili mo. Tipong lilihain ang bawat kantuhan at iba-brush tool lahat ng blackheads. Kailangang habulin ang gusto mong maging ikaw sa kabila ng mga balabwit ng ngayon. Tipong may direct relation ang exerted efforts sa ikakalapit ng sarili sa ideal self; (2) Keri-keri lang theory, na karamihan tumatanda lang din na hindi nagiging kung ano ang ideal self nila. Nanatiling state of sana lang ang iniisip na sarili. Tipong kahit hindi ka maghabol at magpumilit umakyat ng entablado ay lulutang ka kasama ng mga pambihira. Parang patol na munggo na kusang lumulutang sa nakararami.
Case study: May mga Usec at Asec tayo ngayon na not satisfactory in terms of their office mandate. Here’s the debate: nagsige-sige go ba ang mga ‘to (nag-Masteral studies?, nag-specialize?, maraming cases na inaral?, may institutional memory?); kasi parang keri-keri lang tapos salary grade 24 na. Pero gaano sila ka-efficient sa mga pang-iinis at pagda-divert nila ng mga atensyon natin? Write an 800-word essay at ipadala sa kanilang mga tanggapan.
Kakabente-sais ko lang. Hindi naman ako natatakot. Parang tapos na ko sa stage na hindi alam ang gusto. Mas alam ko na yung kaya kong gawin, alam ko na yung gusto kong gawin, may disenyo na. Ang dami ko nga lang gustong gawin, mamimili na lang alin ang mas kaya sa hawak kong materyales ngayon.
Magsisige-sige go ba ako o keri-keri lang? Pero ang nakakatakot kasi sa keri-keri lang, hindi naman tayo ipinanganak na rare species, galing tayo sa di kilalang pamily;, dugong bagobo na iskwat sa tabing-riles, marginal na marginal amp. Parang kailangan mo talagang makipagkagatan para umakyat ka ng bahagya sa food chain.
Sige-Sige Go
Mag-aaral ako.
Minsan nakapasok ako ng isang libreng workshop, naisip ko, mas bagay pala sa’kin ang ganito nakuha ko kaagad yung gusto kong matutunan. ‘yung pwede kong ma-apply agad sa field tapos puwede mo ring ma-enrich yung work nung fellow mo. At ang mga ganitong fellowship, super libre na at nakatingin pa kung sino ka ngayon at anong ginagawa mo kaysa kung gano kaunat ang grades mo noong college. [Tip: Mapapakinabangan mo pa rin ang magandang TOR sa future kahit na sabihin mong grades are just numbers]
Sangkaterba ang inapplyan at inaapplyan kong fellowship kasi highly competitive din. Hindi ko na binibilang yung applications ko para kunwari keri-keri lang kapag di ako natatanggap. Sangkaterba na rin ang rejections na hindi naman talaga rejections.
Tinitingnan ko na ‘yung turned down applications ngayon na mas marami talagang mas magagaling at kailangan ng platform o avenue para sa mga ipinaglalaban nila sa buhay.Di masyadong masakit pagkaganun o kinalyo na ako sa rejections? Hindi na ako nasasaktan pero napapagod ding umasaasa.
Pero kada mag-aapply ako, ganung effort pa rin ang inilalagay ko sa pagpapasa. Nakakailang ulit ako sa pagpapakilala kung sino ba ako, anong ginagawa ko ngayon, at anong mundo ‘yung gusto kong makita. Mas nakakasigurado pala ng sarili kapag ganun. Napi-pin down ko kung nasaan ako sa makalat kong mga gustos. Walang bumalik sa pinalipad kong mga kalapati hanggang magbagong taon.
Pag-aaral bilang Paghihimagsik
Gusto kong mag-aral bilang paghihimagsik? Puwedeng makapag-aral kahit wala akong masyadong pera. Puwedeng mag-aral nang hindi nakakaramdam ng pagpapakasakit sa sarili. Puwedeng magteo-teorya ng mga danas kahit hindi Masteral. Hindi puwedeng puwede na, kailangan hamunin ang umiiral sa ngayon. Puwedeng may iba pang daan bukod sa Masteral.
Gusto kong mabuksan pa ‘yung iba pang pagtingin ko sa pakikitungo ng komunidad sa kalikasan, kung anong nagdudulot ng puwang, kung saan puwedeng magtagpo, at baka may iba pang paraan kaysa sa mga paarang ginagawa na sa ngayon. Mas maraming lente mas nakaeeksamin ang suliranin.
Wala na akong naging trabaho na hindi umabot ng personal-level. Palaging personalan.
Tambay@Elbi.com
Binisita ko si Donjie, kaibigan kong nagma-Masteral sa UPLB. Sabay kaming nagplano, sinamahan ko s’yang mag-enroll tapos back out dancer ako. Kaya lagi akong nakasuporta kung anong kailangan n’ya tungkol sa conservation work sa Lawa ng Taal na meron ako sa’ming knowledge bank. Wala naman akong hindi naipadala na hiningi n’ya sa’kin. Kaya kahit nasa dyip, ika-copyread ko ang presentation n’ya. Kasi partly, itinulak ko s’ya sa rumaragasang ilog ng Masteral studies. Kaya ko rin s’ya binisita sa elbi dahil bahagi ng pagbabayad ko ng kasalanan.
Matagal na kaming friend ni Donjie. I like his mga pagsimangot kapag nagsasabi ng counter-arguments. Hindi ka maasar doon sa argument n’ya eh, nakakaasar ‘yung pagngiwi-ngiwi ng mukha n’ya. Ang bitchella lang. Pero I like his skepticism na wala nang malinis na tinapay, ‘yung takot n’ya na mabobo, ‘yung masanay lang sa ginagawa, ‘yung continuous search n'ya for growth.
Umupo kami sa isang bench malapit sa Nihon Koen habang nag-iinuman ng gatas mula sa Milka Krem. Nagkuwentuhan lang. Ang ganda raw nung isang klase n’ya tungkol sa mass extinction. Mangyayari at mangyayari raw ang mass extinction dahil ‘yun naman daw talaga ang cycle ng mundo; iinit-lalamig. Parang may graph na habang tumataas ‘yung global temperature ay numinipis naman ‘yung kapal ng biodiversity at may mga species na naitutulak to extinction.
Pero ‘yung paglapit natin at pagtulak sa iba to extinction, hindi naman laging natural na proseso ng mundo, nagsusunog kaya tayo more than ever. Binubuksan ulit natin ‘yung mga malalaking deposito ng mga greenhouse gases para sa ekonomiya.
Tapos ito pa, kahit naman daw nagko-coal power tayo sa Pilipinas, hindi naman tayo pumasok sa top emitters ng carbon gases. Hindi naman daw tayo mararamdaman ng daigdig sa liit natin. Wala masyadong impact yung footprint natin.
Sila na lang mag-curb out ng fossil fuel burning tutal first world na naman sila at may iuunlad pa tayo? Pero nasa top plastic dumpers tayo sa karagatan, e residue ‘yun ng fossil fuels, ano wala lang? Paano kung ‘yan din ang thinking ng iba pang maliliit na mga bansa.
Natural namang proseso ang pagbabago ng pandaigdigang klima. So, kebs na? Eh ano pang point ng mga drama natin sa conservation work? I-exploit na lang pala natin ‘to lahat at magpakasasa.
Hindi naman pagkikibit-balikat or denial ang point n’ya (or nung klase n’ya.) Ang sinasabi lang may geophysical changes talaga na pinagdadaanan ang daigdig at ‘yung panahon ng sibilisasyon natin ay baka isang minuto lang sa buong edad ng daigdig. Mangyayari’t mangyayaring ang mga likas na proseso.
“Pero tao kasi tayo Donj.” Hindi natin puwedeng hayaang may mga lumubog na mga komunidad. Malagay sa alanganin ‘yung mga hirap na nga sa araw-araw na buhay. Hindi na tayo higanteng ameoba na mag-eevolve kung anong idikta ng nangyayari sa paligid. May konsepto na tayo ng hustisya, kalidad ng buhay, karapatan, sama-samang pag-unlad; may humanidad na tayo ngayon.
May mga conflicting principles na nga s’yang nasusugagaan sa Masteral. At least, may iba-ibang pagtingin. Bawat siyensya naman kahit papano’y may pagtatangkang magyabang na mas angat o malawak ang pagtingin sa mga bagay. Bahala ka na lang pumisil-pisil at magpasiya kung ilalagay mo sa basket mo.
Lawa ng mga Anxieties
Ipinapaliwanag ko sa kanya ‘yung huling barahang meron kami sa pangagalaga ng Lawa ng Taal. Hindi sigurado, nakakatakot, pero malay mo. Ganito, iniisip kasi naming makipag-usap sa mga korporasyon. Umiiling-iling na agad ang hayop. “Makinig ka muna!”
Marami na sa mga korpo may lupa na paligid ng lawa, ilan d’yan nag-uumpisa nang araruhin ang mga natitirang green spaces sa lawa. Eh wala namang clup-clup sa mga lgu, basta may revenues. Baka kung makikipagtrabaho kami sa mga korpo, baka mas pakikinggan kami ng landholders kung manggagaling mismo sa loob ng corporate group. Matatalino naman ang sustainability managers ng mga ‘yan eh. “Or else we will be overlooking a dead lake sa future.” Mas bababa ang balor ng mga properties nila.
Isa pa, they have the political pull, malaking player sila sa development politics eh kahit nga sa partisan. May resources din sila para sa pagpapaunlad ng mga nakapaligid na komunidad, puwede kaming mag-institutionalize ng climate crisis fund bukod pa sa social development fund mula sa revenues nila. Hindi ko na iisipin kung saan manggagaling ‘yung pera para sa community work ko. Design-design na lang ako ‘pag nagkataon.
“Wala nang pure ngayon” sabi ni Donj. “Ako na lang”, dagdag pa n’ya. Korporasyon kasi iyan, hindi yan maglalabas ng pera na hindi nag-iisip kung paano mababawi. Baka nga masasabihan namin sila kung paano babawiin ng hindi masyadong nalulustay ‘yung lake ecosystem. Baka. Kaysa we stay pure, stay small, magdadalawang dekada na kami pero saan umaabot ‘yung efforts? It’s a losing battle. Ang ending patay na lawa pa rin.
T’saka baka mas malaki ‘yung susuwelduhin ko kapag corporate-funded na ‘yung work.
“Pero saan nga kukunin?”
Nabanggit ko kasi na may mining ventures ‘yung korporasyon. Merong may dirty coal. Pero hindi naman sa lawa. Sa ibang isla. Sa lupang-pamana, as in ancestral domain of all the places. “Naku.” nag-uuyam na naman ang pag-iling-iling n’ya.
Pero hindi nga sa lawa. “Puwede naman akong mag-work with them na nakapikit ang isang mata,” idinemo ko pa. “Pero, Jord, holistic dapat ang pagtingin.” I work locally, problema na nila ‘yun kako. Marami namang professionals ang nagtatrabaho sa environmental restoration. [Naisip ko pa, see; Masungi.] “T’saka, isa pa, may karapatan ang mga cultural communities na ipamina ang lupang pamana nila, kanila ‘yun, sila ang magdedesisyon para sa kanilang lupa!”
Pero paano kinuha ang consensus, ano-anong ipinangako sa kanila? Napakaraming komunidad na oo nga, maayos ang buhay noong may mina, pero pagkatapos, ano, wala silang masaka, contaminated ang water tables, lalong naging vulnerable, lalong wala. “Sabi dun sa report ko, mga professionals talaga ang nagsusubo sa mga communities (at ecosystems) sa exploitation.” Sinubo, agad?
“Kasi nga may pambayad ang korporasyon.” Simple lang, they pay, you deliver, ganon. Pangkain mo, pamasahe, pangsine, pambihis, pambayad ng rent, ng insurance; kailangan mong kumita nang makagalaw ka sa kasalukuyang ekonomiya.
“Ikaw” na may tonong bahala ka sabi ni Donj; “baka kaya gusto mo lang mag-Masteral dahil sa mga takot mo lang din.”
Oo na, takot na. Parang safety net ko nga sana yung Masteral kung magkandasira ako sa non-profit work, puwede akong mag-apply pabalik ng isang salary grade 15-18 sa gobyerno tapos sumabay na sa agos nang walang ganit ang buhay. Bunganga din talaga ni Donj.
T’saka, wala pa kong tinatanggap. Wala pa akong isinusubo. Huling baraha nga di ba?
“Nakiinom lang ako ng kape.”
Ganun na rin ‘yun, tinanggap mo na.
“Courtesy lang nila ‘yun. “
T’saka, kakagising ko lang nung pumunta ko sa meeting, wala pa nga akong toothbrush nun. “Hindi ako sumakay ng chopper nila, Donj.”
Plot twist ng Taon
Buong Disyembre last year naghihintay ako ng plot twist bago mag-2020. Impluwensiya yata ng memes. Parang naghihintay ka ng deus ex machina sa napipintong trahedyang ending.
At kakaumpisa lang ng taon, nayanig kami ng bulkang Taal. Nagkape kami ni Song habang pinapanood ang nagsasalimbayang kidlat sa malaking pyroclastic cloud sa likod ng bundok ng Malarayat. Bilang seremonyas ng pagtanggap sa katotohanan ng siyensya, kalikasan, pagkasira, responsibilidad, pagbabago; itinapon ko ang binili kong planner at ang dami na rin kasing erasures. Magbabago rin ang playing field. Parang nag-ulitan.
Hindi muna ako magma-Masteral sa ngayon.
Nakatanggap ako ng isang fellowship sa isang mamahaling unibersidad sa Taft. Sagot nila lahat. Ang gagastusin ko na lang siguro ay kung mapaibig akong magkape. May puwede na akong pagkuwentuhan ng mga gustong mapangyari. Nahihiya na ako sa mga kaibigang lagi kong pini-pitch meeting kahit wala naman silang kinalaman at gumagalaw sila sa ibang mundo. Isasabay ko ito sa recovery work sa isang komunidad sa Lawa ng Taal, kaya ko naman (yata).
Pero makakapag-aral ako, sa Ngalan ng Lawa.
No comments:
Post a Comment