Saturday, May 29, 2021

raket3.b

sa wakas, makakabiyahe na uli ako ng medyo malayo. social visit namin bukas kaya nagpi-print na ako ng mga dokumentong papipirmahan sa mga tanggapan na bibisitahin sa Lucena, Pitogo at Catanauan. nagpatutgtog lang ako ng lofi music, humihigop ng kape habang isa-isang lumalabas ang mga dokumento sa printer. paglabas ng RT PCR test ko, kulay pula ang nakasulat na SARS-Cov2 viral RNA detected - positive e, kahit ilang ulit kong basahin ang resulta.

parang joke, tuturukan na kami ng bakuna, ayan na e, konting-konti na lang. walang aalis bukas. dahil kasabay ko si Ashley, isa pang research assistant, na magpa-test ay direct contact sya at kailangang mag-quarantine. na naman.

walang aalis!

at na-delay ang research team ng 14 days kasama ng reimbursement ko sana sa pinanggastos sa swab. inutang ko pa naman yun kay Song. 

Monday, May 24, 2021

raket3.a

mabilis lang ang mga pangyayari: kakainterbyu ko lang at wala pang labing-limang minuto ay nakuha ko na ang trabaho. nagbabalik pananaliksik ako ngayon at sa loob lang ng probinsya namin. tungkol sa siste ng serbisyong medikal sa panahon ng pandemya. duktor ang mga katrabaho. maganda kasi, kakaaral lang namin ng systems thinking kaya magandang may praktikal na aplikasyon kahit sa ilang buwang raket; hanggang setyembre rin. maganda rin ang research design dahil may pagsangguni mismo mula sa mga komunidad at mga apektadong sektor ang mga karanasan, paniniwala, ugali na nabuo ngayong pandemya na tungkol sa pag-abot sa serbisyong pangkalusugan. ang haba ng readings na hinahabol ko, parang medschool crash course. ayos ding pampaantok sa tanghali. bukod sa bayad na aplikasyon ng pinag-aralan, aba, nabanggit ko pala sa panel interbyu na "gusto ko na pong lumabas" sabay tawa dahil higit sa lahat ay gusto ko naman talagang lumabas at kumausap ng mga tao. tapos, matuturukan pa ng bakuna bilang trabahong frontliner din pala ang research work. tapos, maraming fieldwork, ilang bayan din ang bibisitahin kasama na ang mga baybay-dagat na mga munisipyo. sabi ni dok sa mga research assistants ay kumain ng gulay at prutas, mag-take ng vitamins at napakahalaga ng tulog para sa resistensya. ano na bang oras na? umaga na pala. bukas, paalis na kami papunta sa mga munisipyo.



Tuesday, May 18, 2021

Mayo 18, 2021



ugh
umulan uli
sa wakas ang unang ulan
ng Mayo na suki sa mga tula
maliligo sa labas mamaya
tatapusin lang ang trabaho
'lang maulinig kundi ang lurok
sa yerong nilapnos ng Abril
maghuhubad-barong lalabas
ampiyas na banyaga ang bukas
unang umimpis ang ulan
tumila nang bigla
nakiraan.

ugh
alimuom.

#

Monday, May 17, 2021

tungkol sa bakuna

walang pasok si Papa dahil nagpositibo ang messenger nila. kasabay n'ya raw kasing magtanghalian ang messenger. kaya pala tanghali na ay nasa bahay pa rin.


negatib na nga ako. 
tawag pa rin nang tawag.

anong tinatanong? 

kung anong nararamdaman!
ano ga areng mga are! 

ganyan talaga minomonitor e.
kayo pa galet,'yung iba nga walang nag-aabyad.

pababakunahan daw kami ng kumpanya. 

kelan? ano raw ibabakuna sa in'yo?

ewan. basta original 'yun, galing China 'yun eh!

magpapabakuna rin ako, magtatrabaho ako sa mga ospital e.

ha?! saan? anong gagawin mo sa ospital?

dine lang sa 'tin. basta ano, research.
si Rr, puwedeng ipalista sa may kapansanan sa baranggay.

o, e paano ang Mama mo?

ewan.


isang araw lang na pahinga at pinapasok din naman si Papa sa trabaho dahil wala namang irerelyebo ang agency. walang magbabangko kung walang nakikitang sekyu ang mga kliyente. 


magpapabakuna ako.
may research sa mga ospital. 

may side effects daw.

kapag may allergy lang. 
mayaman lang may allergy.*

'yang suswelduhin mo kulang pa sa pampaospital kapag nagpasitib ka!
magtinda ka nalang sa palengke, maige pa.

anla! hindi n'yo naman ako suswelduhan do'n.
kaya nga magpapabakuna.

ay magpapasitib ka pa rin naman daw kahit bakunado!
hindi nga lang ganung kalala kapag may bakuna.

maano, anim naman ang duktor sa team.
kapag nagpasitib ako, o e anim-anim ang duktor ko,
'yung iba nga walang duktor-duktor!

nagnow na si Vernon.

ano?! anong nagnow?

NO as in hindi magpapabakuna sa kumpanya. 

aba, s'ya pa 'tong huminde ay s'ya 'tong may mga bata; 
araw-araw pa s'yang nalabas. ako nga, sarili ko lang iniisip ko, magpapaturok ako nang makagalaw nang maayos-ayos. 
kung hihintayin ko pa 'yang herd immunity, ay ilang taon? walo?!
wala na kong pera.

bahala ka. 


dalawa nang namamatay sa covid na manininda. 'yung may bigasan at 'yung may gilingan ng kape. kanina, maagang nagsarado ng puwesto sina Mama dahil magdi-disinfect ang buong palengke. dinadalahik pa ng ubo si Mama.


pigil na pigil nga akong umubo kapag nasa palengke.
kung kailan naman may bumibili saka naman ako dinadalahik!
mabait pa naman 'yung si Tita Lina, magiliw
sinundo na ng ambulansya 'yung mga nasa bigasan.
ilang araw naman silang hindi nagtitinda at mga boy lang ang natao.


kausap ni Mama si Ate Ellen sa messenger. kasalukuyang nasa home quarantine si Ate Ellen dahil nagpasitib ang amo n'ya't eksaktong sumama ang pakilasa n'ya. inabisuhang magkwarantin ng health [office] at hindi na pinapasok ng trabaho. hindi na tinest, hindi na raw kaya. inabutan naman ng ayuda ang buong pamilya. ang huling lugar na pinuntahan ni Ate Ellen bago sam' an ng pakilasa ay ang puwesto namin sa palengke; nakiinom ng malamig na tubig.


Ate, ay ikain mo na yan ng luya! 'wag mo nang itimpla ng salabat.
nguyain mo na deretso ang luya!

hindi ako puwedeng mag-14 days, paanong mga bayarin ko sa palengke?
ang tindahan, ang mga prutas ko, edi nangabulok 'yun! Si Rr, paano? 

dalawang gabing puyat si Mama kakabantay kay Rr. nagtatae, nilalagnat, walang ganang kumain, at laging nakahiga ang kapatid ko. pero araw-araw pa ring sumasama kay Mama sa palengke.

kunin mo ang mga mangga bukas sa puwesto

sige Ma, lalagyan ko ng gatas at yelo!
 

Sunday, May 9, 2021

Mayo 09, 2021

"ginagawa mo?"

"collage lang. you know, just another arts & crafts weekend" *haha

"sige lang, enjoyin mo lang. nakakaawa ang susunod, naku; ang mundo"


ay, baka naman puwede akong magbasa-basa muna ng nobela? baka puwedeng mag-gaming? baka puwedeng mag-collage lang muna ako? puwedeng pahinga muna sa ecoanxiety at mga drama ng impending ecological collapse? puwedeng manlagkit muna sa white glue na kumayat sa daliri? meron akong sketch note simula noong 2020 imbes na planner. minsan collages, minsan lay-out drafts, listahan ng gagawin, hindi kailangang tapusin ang isang pahina sa isang araw. kung anong materyal lang ang makita at kung saan kakasya ang mga piraso. puwedeng balikan ang ilang pahinang may puwang pa sa ibang panahon. walang linya-linya, walang nakaimprentang dise-disenyo, walang petsa-petsa, walang inspiring qoutes na italic. puting espasyong papel lang na sinusulatan, pinapagkitan, tinatapalan, dinodrowingan ko ng mga ilusyon ko sa buhay. ganito pala ako mag-isip. ang gulo-gulo. ang sukal-sukal. ang sikip-sikip. pero darating ang araw na babaklasin ko ang buong sketch note at ikakapit ang mga pahina sa isang art show siguro. ganyon! pero ngayon sa'kin lang muna lahat ang mga pahina na nagiging paghinga ko rin.



#

Mayo 09, 2021
Donya Concha H. Umali Elementary School
Brgy. Lalig. Tiaong, Quezon

Saturday, May 8, 2021

walang tulog ulit

wala namang iniisip. 

hindi lang talaga ako napapagod kaya hindi ako dinadalaw ng antok. iniisip ko, kung sumayad na naman ba ang produksyon ko ng serotonin pero wala namang paraan para malaman ko nang ako lang. maayos naman ako, hindi kaya senior years at 27? parang nag-early retirement na utak ko. ewan, isang tasang kape nga lang ako lately kasi nga hapon na nagigising. kalmado naman ako in general, kahit tingnan mo pa ang mood tracker ko. kailangan kong mapagod nang husto bukas at mag-ayos ng tulog. magdadalawang linggo na kong ganito at hindi maganda sa pakilasa. pinipilit ko nga lang matulog nang alas-tres pero kung hindi ko pipilitin kaya ko hanggang alas-sais na dilat. nagawa ko na at tulog naman ako maghapon hanggang pagabi. nagtampo kaya ang musa ng hikab sa'kin? o baka nag-retreat lahat ng musa kaya hindi rin ako makagawa nang mga dapat tapusin? wala rin naman kasing nagtutulak na upuan ang mga bagay na hindi pa naman kailangang-kailangan. hindi ikamamatay kung ipagpapabukas, parang pagtulog, bukas na lang siguro.

Sunday, May 2, 2021

Napanood ko 'yung Pauwi Na

isang pelikula tungkol sa isang urban poor family na magbabalik-probinsya. dahil walang perang pamasahe sa bus, nagpadyak ang pamilya mula Maynila hanggang Bicol. kung bibigyan ko ng MMK title ang pelikula, siguro pedikab. imagine, how hassle and hilarious it is to go on a journey with an askal family dog, buntis na bulag at si jeje-sus. Graaaaabe. iba, iba si Bembol Roco at Cherry Pie Picache rito! iba rin si Chai F. at Gerald N! hindi ko kilala 'yung artista na gumanap kay hesus pero he's on radar now. nagpapatirapa ako kay Meryl Soriano. mapanakit 'yung performances nila at 'yung mismong material. ganda at hapdi. 

napatanong ako talaga: kung bakit ganito ang inaabot ng mga tao? nagyosi break ba ang diyos kaya di ka naririnig kapag humingi ka ng tulong? anong nangyari sa'tin bilang lipunan, bilang sistema? bakit ako nagpakasakit sa panonood ng pelikulang 'to? parang gusto mo na lang pumasok sa ilang eksena tapos sagutin 'yung mga umiiyak na naiintindihan mo, na naiintindihan mo. May linya rito si Isabel na sobrang napahagalpak ako.

[spoiler alert]

tapos, ang galing lang kasi kuhang-kuha 'yung pakiramdam na sobrang sakit o kaya lungkot ng pangyayari pero napahagalpak ka ng tawa. natawa ka sa sobrang lungkot. tapos, padyak lang uli sila na parang hindi naman talaga sila makakauwi; na tsismis lang ang dako paroroonan at tungkol lang talaga ang lahat sa pagpadyak; sa walang kasiguraduhang "pauwi na". Nang ipaalala ni Pepe kay Remedios na walang iwanan hangga't hindi pa sila nakakauwi at sinabi ng luhaang Remedios na "nakauwi na ako" nang nakaakap sa asawa; para akong gumaling sa malubhang karamdaman. iba ang haplos sa kaluluwa, friend.