Monday, May 24, 2021

raket3.a

mabilis lang ang mga pangyayari: kakainterbyu ko lang at wala pang labing-limang minuto ay nakuha ko na ang trabaho. nagbabalik pananaliksik ako ngayon at sa loob lang ng probinsya namin. tungkol sa siste ng serbisyong medikal sa panahon ng pandemya. duktor ang mga katrabaho. maganda kasi, kakaaral lang namin ng systems thinking kaya magandang may praktikal na aplikasyon kahit sa ilang buwang raket; hanggang setyembre rin. maganda rin ang research design dahil may pagsangguni mismo mula sa mga komunidad at mga apektadong sektor ang mga karanasan, paniniwala, ugali na nabuo ngayong pandemya na tungkol sa pag-abot sa serbisyong pangkalusugan. ang haba ng readings na hinahabol ko, parang medschool crash course. ayos ding pampaantok sa tanghali. bukod sa bayad na aplikasyon ng pinag-aralan, aba, nabanggit ko pala sa panel interbyu na "gusto ko na pong lumabas" sabay tawa dahil higit sa lahat ay gusto ko naman talagang lumabas at kumausap ng mga tao. tapos, matuturukan pa ng bakuna bilang trabahong frontliner din pala ang research work. tapos, maraming fieldwork, ilang bayan din ang bibisitahin kasama na ang mga baybay-dagat na mga munisipyo. sabi ni dok sa mga research assistants ay kumain ng gulay at prutas, mag-take ng vitamins at napakahalaga ng tulog para sa resistensya. ano na bang oras na? umaga na pala. bukas, paalis na kami papunta sa mga munisipyo.



No comments: