Monday, May 17, 2021

tungkol sa bakuna

walang pasok si Papa dahil nagpositibo ang messenger nila. kasabay n'ya raw kasing magtanghalian ang messenger. kaya pala tanghali na ay nasa bahay pa rin.


negatib na nga ako. 
tawag pa rin nang tawag.

anong tinatanong? 

kung anong nararamdaman!
ano ga areng mga are! 

ganyan talaga minomonitor e.
kayo pa galet,'yung iba nga walang nag-aabyad.

pababakunahan daw kami ng kumpanya. 

kelan? ano raw ibabakuna sa in'yo?

ewan. basta original 'yun, galing China 'yun eh!

magpapabakuna rin ako, magtatrabaho ako sa mga ospital e.

ha?! saan? anong gagawin mo sa ospital?

dine lang sa 'tin. basta ano, research.
si Rr, puwedeng ipalista sa may kapansanan sa baranggay.

o, e paano ang Mama mo?

ewan.


isang araw lang na pahinga at pinapasok din naman si Papa sa trabaho dahil wala namang irerelyebo ang agency. walang magbabangko kung walang nakikitang sekyu ang mga kliyente. 


magpapabakuna ako.
may research sa mga ospital. 

may side effects daw.

kapag may allergy lang. 
mayaman lang may allergy.*

'yang suswelduhin mo kulang pa sa pampaospital kapag nagpasitib ka!
magtinda ka nalang sa palengke, maige pa.

anla! hindi n'yo naman ako suswelduhan do'n.
kaya nga magpapabakuna.

ay magpapasitib ka pa rin naman daw kahit bakunado!
hindi nga lang ganung kalala kapag may bakuna.

maano, anim naman ang duktor sa team.
kapag nagpasitib ako, o e anim-anim ang duktor ko,
'yung iba nga walang duktor-duktor!

nagnow na si Vernon.

ano?! anong nagnow?

NO as in hindi magpapabakuna sa kumpanya. 

aba, s'ya pa 'tong huminde ay s'ya 'tong may mga bata; 
araw-araw pa s'yang nalabas. ako nga, sarili ko lang iniisip ko, magpapaturok ako nang makagalaw nang maayos-ayos. 
kung hihintayin ko pa 'yang herd immunity, ay ilang taon? walo?!
wala na kong pera.

bahala ka. 


dalawa nang namamatay sa covid na manininda. 'yung may bigasan at 'yung may gilingan ng kape. kanina, maagang nagsarado ng puwesto sina Mama dahil magdi-disinfect ang buong palengke. dinadalahik pa ng ubo si Mama.


pigil na pigil nga akong umubo kapag nasa palengke.
kung kailan naman may bumibili saka naman ako dinadalahik!
mabait pa naman 'yung si Tita Lina, magiliw
sinundo na ng ambulansya 'yung mga nasa bigasan.
ilang araw naman silang hindi nagtitinda at mga boy lang ang natao.


kausap ni Mama si Ate Ellen sa messenger. kasalukuyang nasa home quarantine si Ate Ellen dahil nagpasitib ang amo n'ya't eksaktong sumama ang pakilasa n'ya. inabisuhang magkwarantin ng health [office] at hindi na pinapasok ng trabaho. hindi na tinest, hindi na raw kaya. inabutan naman ng ayuda ang buong pamilya. ang huling lugar na pinuntahan ni Ate Ellen bago sam' an ng pakilasa ay ang puwesto namin sa palengke; nakiinom ng malamig na tubig.


Ate, ay ikain mo na yan ng luya! 'wag mo nang itimpla ng salabat.
nguyain mo na deretso ang luya!

hindi ako puwedeng mag-14 days, paanong mga bayarin ko sa palengke?
ang tindahan, ang mga prutas ko, edi nangabulok 'yun! Si Rr, paano? 

dalawang gabing puyat si Mama kakabantay kay Rr. nagtatae, nilalagnat, walang ganang kumain, at laging nakahiga ang kapatid ko. pero araw-araw pa ring sumasama kay Mama sa palengke.

kunin mo ang mga mangga bukas sa puwesto

sige Ma, lalagyan ko ng gatas at yelo!
 

No comments: