Tuesday, December 3, 2013

Almusal

     Masarap ang gising ko sa umaga. Tuluyan ng nawala ang dilim ng gabi. Kitang-kita ko ang liwanag ng araw na tumatama sa bubog ng nakasara pa naming bintana. Nag-i-in-in ng tulog habang nagkikis ng paa at sinasalat ang paborito kong unan. Tuluyang ginising ang diwa ko ng aroma ng kape. Bago ako tuluyang bumangon ay umusal muna ako ng pagbati sa patuloy na gumigising sakin sa umaga; kaunting pasasalamat. 

     Hindi ko ugaling magmumog pagkagising. Dumaretso ako sa veranda at saktong pagdausdos ko ng panarang gawa sa capiz ay nagsiliparan ang mga maaagang maya. Agad kong natunton ang pinanggalingan ng samyo, nasa lamesita ang umuusok-usok pang kape sa paborito kong pulang tasa. 


     Isinangga ko ang aking bukas na palad upang hatiin ang sinag ng gintong araw at damhin ang init nito. Hinarap ko ang kalawakan ng kapihan at tinanggap ang kaway ng pagbati mula sa mga maagang namimitas. Ang bawat paghigop ko ng kape ay nagsisilbing pahinga sa paghimig ko ng salmo. 


     Pasakalye pa lang ng umaga. Nasa hagdanan pa lang ako ay naririnig ko na ang tama ng siyansi sa kawali. Pinabilis naman ng amoy ng natutustang bawang ang pagbaba ko. Natatanaw ko ng nagpapaikot-ikot sa may lamesa ang pusa ko. Natatanaw ko ang supot ng pandesal katabi ang mantikilya at platito ng kinanaw na itlog pero nabusog agad ako sa ngiti ng aking may bahay. 




Malayo pa sa realidad ang tagpong ito. Pero darating din ito, di ko lang alam kung kailan.

No comments: