Pahinga muna tayo sa mga pang-araw-araw na mga sanaysay at dyornal. Hindi muna ang mga slice of life ang titikman kundi ang mga slice of sheet. Sheet talaga. Dahil bawat ballot sheet na magkakahiwa-hiwa sa pagrerehistro ng ating mga boto ang siyang magbubuo ng kinabukasan natin bilang isang bansa.
Hindi magpapahuli sa environment, soil, at boxing ang politics kung bilang ng mga analysts ang pag-uusapan. Isa na nga rito si Mareng Winnie na bukod sa pagiging ekonomista ay kilala rin sa nasabing larangan. Pero kilala mo ba si Mareng Perlita, Pareng Isyong, at marami pang kumare't kumpare sa palengke, terminal ng dyip, bingguhan, majungan, at sa marami pang lugar? Kilala mo lahat sila? Halos lahat satin may kanya-kanyang pananaw, opinyon, at kuro-kuro ukol sa usaping politika. Kung susundan ang diskurso, maaring sabihin na "there is a lil' political analyst in everyone of us". 'Yun ay kung may malasakit nga lahat sa pagsulong ng bayan.
Kaya nga dapat nakikialam tayo. May pakialam ka 'te!
Kung may Republika ng Pilipinas pa (,kung hindi pa tayo tuluyang nasasakop ng mga Intsik), ay unang beses kong boboto sa Presidential Elections sa 2016. Marami na ngayong naka-project sa taong ito lalo na sa mga naghahangad sa mga upuan. At gaya ng nakasaad sa Law of Variety, mas masayang bumoto kung maraming pamimilian. Higit sa lahat mas demokratiko. Mas demokratiko kung marami, bago, at maraming bagong pamimilian sa 2016. Para mas maunawaan natin kung bakit ito ang isang malabo yatang ilustrasyon:
Kapag bumibisita ako ng bookstores, ayokong nakikita ang parehong display na nakita o nabili ko na nang huli akong bumisita. Hindi ako bibili ng paulit-ulit na libro na nabasa ko na. Parang desperadong maibenta ng bookstore ang mga libro, parang wala silang kinikita, parang walang pag-unlad.
Ang ilustrasyong nabanggit ay isang Philippine Electoral Selfie. Pare-pareho lang ang pinamimilian. Lahat alam mo na ang ending. Mga nabenta lang dahil sa popularidad. Therefore, walang pag-unlad.
Ang problema kasi kahit na may mga bagong pagpipilian, marami sa atin ang paulit-ulit tumatangkilik ng mga alam na natin ang ending. Capital W with a big exclamation point! Baliktad nga ba tayong magbasa ng libro?
Hindi ko tinatanggap ito. Boboto ako sa 2016 sa mga taong sasalamin sa mga prinsipyong tinatayuan ko, pangarap na pinananangnan ko, at may mga matalinong plano sa pag-unlad ng bayan. Hinding-hindi base sa popularidad, branding, o nakaka-awang gray-scale na pol.ads.
Sino-sino nga ga ang maaring tumakbo sa 2016? Sino ang maaaring bumenta? Gumawa ako ng listahan ng mga maaring maging susunod na presidente.
1. SXY. Hindi ko alam kung bakit 'sexy' ang inilabel kay Sen. Jinggoy. Sa kinahaharap niyang ilang ulit ng counts of Plunder at Graft case, usap-usapang naghahangad ito sa 2016. At nang minsang ma-corner sa interbyu ukol dito, winika niyang "I still have the machineries".
Exciting di ga?! Paano na lang kung meron pala siyang batalyon ng titanium-mechas tapos kubkubin niya ang Pilipinas by 2016? Kung anumang machineries ang hawak niya, e siguraduhin niyang gagana para sa pagkuha muli ng tiwala ng taumbayan.
2. PTK. Presyo. Trabaho. Kita. Ito ang branding ni Sen. Peter Allan Cayetano na nakikitaan rin ng paghangad bagama't itinanggi niya ito. Sa tingin ko mahina ang branding na ito para sa presidential spot, dahil blue-collared workers lang ang balwarte niya rito. Paano yung ibang miyembro ng manggagawang sektor? E yung ibang sektor pa? Kailangan siguro niya ng bagong packaging.
3. BNY. Isang dangkal na lang siya sa Presidency ngayon. Bilang punong abala sa DFA, madalas ay expose ang Bise na busy sa foreign affairs, ang malaki niyang balwarte ay ang lumalagong milyong absentee voters. Pati pamilya ng mga ito. Sana lang ma-address din ang maraming problema ng mga OFWs pagdating sa pagmamalupit, pag-aasikaso ng papel, pagsugpo ng human traficking at maging sa retirement plans.
4. "Wha?!" Minsan itong naibulalas ni Sen. Miriam Santiago sa impeachment hearing ni dating SCJ Corona. Ang Senadorang popular di lang sa pagsugpo ng kurapsyon kundi pati sa mga pick-up lines. Isa na rin siyang Internet Sensation, madaming followers, fb likes, at parating laman ng memes. May mga online campaigns/petition na nga para kay Sen. Miriam para sa 2016.
Minsan nang naghangad ng pagkapangulo ang Iron Lady of Asia, sa 2016 ay magiging unang Pilipinong judge sa UN International Tribunal of Law. Kung ipagpapalit niya ang pwestong ito para muling maghangad ng pagkpangulo, 'yun ang hintayin natin.
5. XXX. Minsang nakitang dumalaw si Ex-President FDV sa naka-hospital arrest na Ex-Pres. GMA. Minsan na rin siyang dinalaw ni Cong. Imelda Marcos, asawa ng Ex-Pres/Dictator na si Ferd. Marcos.
Rumors has it na nagluluto ng partido ang tatlong Xs. Ang pagbabalik ng mas pinalakas dahil sa pagsasanib-pwersa, kung magkakataon nga. Sinong ipopronta nila? Ewan. Sinong boboto? Marami.
Hindi ko sinasabing hindi ako boboto ng datihan nang politiko. Ang sinasabi ko naghahangad ako ng bagong pwedeng iboto. Masyado bang maaga para sa 2016? Sa tingin ko nga tama lang ang ganitong pagtanaw, bumubuo na ng bagong partido si Vice Pres. Jejomar Binay, aminado siya rito at pumipisil na ng matinding tandem. Sabihin na lang nating hypotheses ang ginawa kong paunang listahan. Malay mo may mga personalidad sa showbiz ang maghangad ng pagkapangulo.
Hindi natin masasabi pero sinasabi ko na na pwede.
"Possibilities are endless."
No comments:
Post a Comment