Friday, November 20, 2015

Nega-Starry Night

"A merry heart doeth good like a medicine: but a broken spirit drieth the bones." -Proverb 17 : 22

Hindi ako makatulog kagabi dahil parang naka-graveyard shift ang mga brain cells at endocrine system ko. Isip ako nang isip ng mga di naman produktibong bagay. Isip nang isip ng bagay na malungkot. Tinamaan na naman ako. Hindi ng pana ni kupido kundi ng sibat ng depression.
Sobrang naiinis ako. Sabi ko kasi yung buong huwebes ay magsusulat lang ako. Sa digital notes, sa journal, sa scratch, sa legs ko, basta ilalaan ko lang ang araw para pagurin ang sarili s pagsulat. Sabi ko lang pala 'yon dahil paggising ko ng huwebes I was so depressed. Buooooong maghapon...kahit nakapanood pa ko ng Kimmy Dora at AlDub, 'la talab. Mas tumindi pa ang depression ko nung gabi. Wala ko masulat. Iniiiiiis!

Alam ko naman. It's all in the state of mind, kako. Hapi tots lang sabi nga ng isang college friend. Hapi tots. Hapi tots. Hapi tots. Pero utot, walang pagbabago sa aking inner state of being. Pakiramdam ko sa loob may nagmimina. May minerong walang benefits o insurance man lang. Pakiramdam ko may mga inaaping mamayan sa loob ko.
Oo. Kahit parang ang unfair sa Diyos, babanggitin ko na rito, baka kako mawala kung anoman 'tong nasa loob ko kapag nagbasa ko ng Bibliya at nanalangin. Kailangan ko na pong makatulog ng maaga dahil lalabas po kami bukas, kailangang well-rested ako. Sori din po Lord kung ginagawa ko kayong Lithium para gamutin ang depression ko ngayon. At tada! Alang nabawas, pero alam ko na 'to e, at least nakapagbasa ako. Kailangan ko talagang tiisin yung di maipaliwanag na kaguluhang panloob at walang instant homeostasis.


Parang ang haba ng gabi. Ambagal ng oras. Ambilis ng isip ko. Bakit ba ko na-depress? Dahil ba wala kong nasulat? Dahil ba natapos ko na yung isang aklat at matatapos yung isa pa bukas? Namimiss ko na ba agad yung aklat? Dahil ba ampangit ng hand writing ko? Dahil ba wala akong makakuwentuhan? Dahil ba walang nag-like ng post ko sa FB? Dahil ba walang salin sa Filipino ang depressed (dahil masayahin abg kultura natin)? Puwede bang malaman kung bakeeeeeeet?


"A sound life is the life of the flesh; but envy is the rotteness of bones." -Proverb 14 : 30


Parang nadudurog ang buto ko at walang gana. Kahit yata may lumitaw na bagong panganak na polar bear sa harap ko ay di ako sasaya. Minsan hindi ko na lang sinasabi na malungkot o depress ako sa iba dahil baka mahawa sila at hindi pa ko nakatulong. Sinabi ko pa rin sa ilang malapit na kaibigan. Hindi ako umasa ng kahit anong comforting words, basta kailangan ko lang ipaalam na malungkot ako. Parang pinasingaw ko lang yung pressure sa loob ng rib cage ko. Sobrang tagal na nang huli akong magka-garne at may mga dahilan pa 'yun, this time parang wala naman.

Parang wala. Walang dahilan o in denial? Baka naman may inggit at ayoko lang aminin. Inggit sa atensyon na nakukuha ng ilan. In denial na naghahanap din ako ng atensyon mula sa iba at binibihisan ko lang 'to ng pagiging selfless kuno. Kuno ay inuuna ko ang kapakanan ng kaibigan pero para talaga 'to sa sarili kong kapakanan. O takot sa maaring mangyari bukas. Mga pag-asang mauupos hanggang ubod. O mga murang dahon ng ligayang mauubos ng uod. Ang arte ko.

Kung nakikita ko kaya ang bituin ngayong gabi at kung hindi lang sana nasasanggahan ng bubong na makalawang ang langit; mapapansin ko pa kaya ang sarili?
Dyord
Nobyembre 19, 2015

Nobyembre 18, 2015

Nagising ako kena E-boy. Niyugyog ko pa siya at gisingin ko raw siya at magbabasketbol kami ng maaga. Mga magse-seven ng gisingin ko siya, bumangon, kinuha ang unan, at lumipat sa kuwarto at natulog ulit. Niligpit ko na lang ang latag n'ya at kutson ko. Tapos, nagwalis-walis sa sala. Tapos, hinugasan ang mga pinagkapihan kagabi. Pero sinong papawisan sa kaunting gawain?

 Kaya winalisan ko at nilampaso ang auditorium nila Ebs. Pinatas ang mga upuan. Iginilid ang mga stacks ng silya. Nag-ayos ng mga extension wires. Naglinis-linis din ako sa harap ng simbahan nila kung san nakutaptapan ko naman ang aking amiga- ang nanay ni Alquin. Nagkamustahan kami at 'yun nga mabagal pa rin daw gumawa ng report si Alquin. Hindi na raw sana ito pipirma sa kung anomang kontrata pero baka raw hindi ibigay ang 13th month kaya pumirma na siya. Gusto raw lumipat na ng trabaho ang kaibigan kong si Uloy. Sabi ko ay sana po'y nag-iipon para makakuha kami ng LEA. Mas maganda kasi ang mga opurtunidad kapag lisensyado na. Tapos, nagpaalaman na kami.

 Pasok ulit ako loob at naglampaso at nagpiga-piga ng lampaso at naglampaso ulit. Maya-maya nang magtatapon ako ng mga nakolekta ko pang mga gabok sa labas, nakasalubong ko na namang pabalik ang aking amiga. Bitbit ang pinamili, ibabalik daw n'ya sa LTQ ang pinamili dahil di raw manok ang pinahabilin n'ya ron kundi karneng baboy. Kung kanino man daw yung nadampot n'ya ay di n'ya natid. "Ay s'ya luge pa ho kayo", kako sabay pasok na sa loob. Na-achieve ko naman ang nais ko, ang mapawisan at ma-jebs. Naje-jebs na ko sa wakas.

Pagkatapos jumebs ay balik kusina na ulet ako gising na si Ebs at Babes at nag-almusal na kami ng lucky me spicy labuyo. Tas kinuwento ko kay Ebs na nakasalubong ko ang aking amiga. Haha. Magpapraktis lang ako ng violin tapos sila ng gitara ni Babes para mamaya sa prayer meeting, tapos, manonood na kami ng San Andreas. Movie! Movie! Nagpatuyo na lang ako ng pawis at tinamad akong maligo.


Napanood namin 'yung San Andreas

Parang end of the world ang peg ng pelikula pero San Andreas lang yung scope. Maganda yung umpisa pa lang dahil trahedya na agad at intense na rescue action. The Rock ba naman e. Ambilis ng rescue sa ibang bansa, kung sa Pilipinas nahulog/sumabit yung kotse sa bangin, aabutin ka na ng renew ng rehistro at hindi ka pa nare-rescue.

Disaster Response. Nakakatuwa at nakakainggit makita na ang astig ng disaster response sa ibang bansa. Kahit na medyo kaunti lang ang exposure ng DR Team nila, hagip agad na ang response team doon ay may mistulang military base para sa mga rescue choppers at iba pang equipments. At ambilis nila rumesponde.

"Sayang yung laptop" sabi ni E-boy.

Disaster Preparedness. Super vital nito para maka-survive sa lindol at iba pang kalamidad. Kasama rito ang impormasyon at paghahanda sa sarili sa anomang sakuna. Nakita kasi namin yung isang bata na hindi alam ang gagawin kaya umiyak na lang sa sulok. Dapat talaga ay ihinahanda ang lahat sa mga ganitong ibang klaseng pangyayari. Dapat laging alisto para maiwasan ang casualties. Pero siyempre sa pinakitang lindol sa pelikula at bilis ng pag-angat sa paggalaw ng magnitude ay wala talagang sasapat na paghahanda. Napaka-unpredictable ng paggalaw ng lupa.

"Sayang yung tv (flat screen)", sabi ni E-boy.

Ito lang ang nakita naming medyo kulang:

a. Paano yung mga hayop kapag oras na ng ganitong mga kalamidad?
b. Kulang sa instructions para sa survival. Sana may scene na may educational sa mga bata o mga offices. O pinakita lang ng pelikula na tine-take for granted natin ang mga drills at ganitong impormasyon kasi lovely day naman at walang bakas ng lindol and everythin'.
c. "Whom do we call" sabi noong isang staff o student sa propesor matapos malamang ganoon ka-intense at kalawak ang sakop ng lindol na phenomenal. Ibig sabihin, walang ahensya talaga na nakatalaga para sa malalaking humanitarian crisis o kung meron man, hindi natin pinopondohan much.

Ito naman ang nakita naming OA. Bukod sa OA na lindol, tinanggap na namin yun e, entertainment kasi yata talaga sa humanity ang destruction o devastation; e may ilan pang na-OA-yan kami:

a. Yung suot nung anak na babae. Kailangan talaga may pagka-sexy? Kailangan talaga kita ang cleavage? So ang purpose talaga kung bakit nasugatan yung engineer ay para mahubad ang polo-vest at makita ang figure nung babae? Enebeyen!
b. Yung love team element. Talagang kasama mo sa humanitarian crisis ay hot and witty engineer with European-roots? Pinag-usapan pa namin ni E-boy na wala pang isang oras na magkakilala tapos ibubuwis ang buhay sa pagrescue? Ano 'to?! Avengers? So parang ang lesson, sa paglandi n'ya ang reward ay na-rescue s'ya sa pagkakaipit sa malaking tipak ng semento? Ganun BA?!!! HAAA?!!!
c. Yung pagsalubong ni The Rock at ng asawa niya sa tsunami. Parang ganito yung sinabi sa'kin noong scene: "Tsunami ka lang, The Rock ako"!

OA talaaaaagaaaa!!!!

Ok! Sige, ito ay fictional at commercial, Dyord ha. Hindi talaga mapoportray ng makatotohanan at pilit hahabulin ang marketability. Punta na lang tayo sa reflective-positive side.
Sayang nang sayang si Ebs. Pero sayang naman talaga lahat ng pinundar ng humanity, sa isang iglap lang, nawala ring lahat. So ano ba talagang mahalaga? Ano ba ang buhay itself? Is it our job? Our office? Our future? Na puwedeng wakasan sa pagkakabagsak sa'yo ng isang ga-kotseng concrete wall. Sa pelikulang ito, ito ang mahalaga ay ang pamilya.

Tungkol ito sa pamilyang nilindol ng problema. Nagkalamat ang pamilya dahil sa hindi na-rescue ni The Rock ang sariling anak sa kabila ng 600+ na rescue records. Alam mo yung joke ng life-work balance. Win some lose some, ang peg. Maayos mang nagagampanan ang tungkulin, e nagkamali o nagkulang naman sa pamilya. Parang this time, irerescue ko naman ang pamilya ko sabi ni The Rock kahit medyo nakulangan din pala ako sa acting ni The Rock. Ang bato lang. Haha.

Pagkatapos manood ay umuwi na ko sa bahay. Inaantok kasi ako talaga. Parang na-drain ang energy ko. May prayer meeting pa ng alas-sais. Alas-dos pasado ay nasa bahay na'ko. Mga alas-kuwatro ay natulog na'ko. Nagising ng ala-singko. Nagkape. Nagsaing. Naligo. Ta's, larga na pa-simbahan. Madilim-dilim na agad kahit wala pang alas-sais trenta.

Pagdating ko sa simbahan, naabutan ko ang mga nagpapasalamat sa Diyos. Salamat sa natapos na semester. Salamat sa maayos na kalusugan. Salamat sa nabayarang tuition. Salamat sa maayos na hanap-buhay.

Hmmm. Ano nga bang dapat ipagpasalamat ko? Salamat dahil matiyaga ang Diyos at di pa tayo nasa-San Andreas. Salamat din sa Diyos dahil sa pamilya, biological, spiritual, at iba pang form nito.

Dyord
Nobyembre, 2015

Tuesday, November 17, 2015

Minsan na nga lang, Gadingan

Wala si Mama. Nasa puwesto.
Wala si Papa. Nasa trabaho.
May bisita. Wala kaming uleym.
Hum-beym!

Linggo, Oktubre 15, dumating si Kuya Dudong mula Cabuyao, pinsan namin siya sa side ni Papa. Manganganak kasi ang asawa n'ya sa Lucena kaya para makatipid sa pauli-uli ay sa bahay muna siya natulog. Oks lang, weekends naman walang trabaho si Papa kaya siya ang taga-abyad sa bumisitang kamag-anak.

Hindi ako ano sa bisita, yum' bang magiliw sa pagtanggap pero kung anong meron, e di 'yun ang ipapakain ko. 'Tsaka magulo sa bahay kasi. Sobrang 3rd world ang setting. Pang indie-film ang ambiance. Parang kuta ng child porno ang dating. Parang bahay ng mangkukulam. Kaya di ako maaya o pala-kumbida sa bahay namin at hindi rin naman kami nagpapa-okasyon masyado.

Nakakahiya nga minsan dahil gustong pumunta ng marami kong kaibigan sa bahay. Yung iba hindi naniniwala sa pamamahay ko kapag nilalarawan ko. Ayaw nilang maniwalang home along the riles kami. Kapag ako nga ang bisita ay nakakatanggap ako ng magiliw na pagtanggap sa mga kaibigan, kung ako kaya ang bibisitahin, makakasukli ba ako ng magiliw na pagtanggap? Parang indi. Hindi ko nga rin maaya si E-boy sa bahay kahit na matagal ko nang bespren 'to at matagal na 'kong b(w)isita sa bahay nila. Kasi nga hindi ko maa-accomodate ng maayos.

Lunes, Oktubre 16, dumating si Tito Felix at Ate Leoni mula Cabuyao, mga tiyuhin ko; magulang ni Kuya Dudong. Pupuntahan yata nila yung bagong silang na apo pero dumaan muna rito sa'min para mag-almusal at makabisita na rin. "Anak ng langaw talaga!", sa isip-isip ko. Walang lalangawin sa bahay dahil wala naman kaming ulam. Kape nga lang inalmusal ko. Wala si Mama dahil nasa palengke na. Wala na si Papa dahil nasa bangko na. At wala man lang naka-isip na mag-iwan ng pambili ng ulam, e alam pala nilang may bisita? Mga anak ng langaw talaga, anong ipapakain ko sa mga 'to? Kasi sanay naman sina Mama na nabubuhay ako kahit walang tanghalian, ako nang bahalang dumiskarte para mabuhay. Pero iba 'to e, bisita, kamag-anak, at mega-giga minsan lang mapadpad at makabisita sa tila di nakakaalalang kamag-anak.

Pinatuloy ko ang mga kamag-anak na di na ko namukhaan. Hindi puwedeng nga-nga na lang, isip-isip ko. Dahil wala naman akong kapera-pera ay nangutang ako sa kapit-bahay ng isang corn beef at agad kong iginisa. Pero walang bawang at sibuyas, kaya n'yo yun? Wala pala kaming mga pampalasa. Nang makaluto ay sa sala ko na sila hinainan dahil madilim at mabanas pala sa kusina namin. Napansin ko pa, wala pala kaming mga kobyertos at pinggan para sa bisita. Wala pala kaming maayos na lamesita para mapatungan ng pagkain kaya sa mahabang libaging plastik na upuan ko na rin ihinain ang pagkain nila. "Wala po kaming elektrik pan, sira!", kaya mabanas kako.

 "Naku! Wala po kaming ulam. Wala si Mama. Wala si Papa.", kako matapos ihain ang umuusok pang kanin at nagmamantikang carne norte. At hindi pala kumakain ng corn beef si Tito Felix. Nagpabili na raw ito ng uulamin kay Kuya Dong kasama ng kapatid kong si RR sa palengke. Anak ng pusang taga-BGC, kelan pa naging shala ang lahing Gadingan? Akala ko nga ang Ate Leoni ang pihikan dahil ito ang masarap magluto talaga. Kapag namemiyesta si Papa sa Cabuyao ng Mayo Uno, palagi kong inaabangan ang uwi nitong mga putahe na luto ng Ate Leoni. "Anong iniinom n'yo rito? Mineral"? Tanong ni Tito Felix. Sabi ko, minsan po. Minsan mineral, minsan poso, minsan bukal. "Maarte sa tubig 'yang Tiyo Felix mo", dagdag ng Ate Leoni habang sumusubo na ng kanin. Nahiya siguro na hindi kumain sa hinain ko. Maya-maya'y pumasok ito sa kusina-kwarto para uminom ng tubig. Hindi pala ako nakapaghain ng tubig.

Nang dumating sina Kuya Dong dala ang plastik ng bangus ay nagluto na siya. Malay ko magpaksiw ng bangus. Kaso nga walang pampalasa at panggisa man lang. Kaya bumili rin sila pati na ng kangkong. Tapos, wala ring palang mapag-lutuan. Matagal na pala kaming walang kaserola. Kawali at takure na lang ang lutuan namin. Ngayon ko lang naalala na palagi na pala kaming bumibili ng lutong ulam. 'Yun ngang tulyasi namin ay mas malimit nang magamit ng kapit-bahay. Ito na yata ang alamat ng walang-wala.

 Maya-maya ay naglaba na ako. Yung mga pinsan ko raw sa Cabuyao, hindi naglalaba. Sumilip pa ang Ate Leoni sa ilog para makita kung malinaw ba ang tubig. Wahi-wahi lang po at malinaw na yan. "Dito pa kayo naliligo?", tanong ni Tito Felix. Hindi na po, sa CR na, nag-iigib na lang ng tubig sa poso.
Kuskos. Bras. Sabon. Ang init pala sa puwesto ko dahil sa sikat ng araw pero keri pa naman ng tuwalyang nasa ulo ko na sanggahin ang init. Kaya pa naman ng balat ko ang sikat na tumatama. Nahiya naman ako sa balat ko dahil hindi ko alam paano aabyarin ang bisitang nagkusa nang bumili at magluto ng ulam. Hindi na nga kami nakakabisita sa Cabuyao, tapos nang kami ang bisitahin ay wala pang maayos na pag-aabyad at wala pa silang maka-usap. Lagi kaming niyayaya ni Papa na dumalaw naman daw sa Cabuyao kapag Mayo Uno dahil piyesta roon. Wala kaming gana sumama kaya minsan ay nasabi ng tatay ko na kapag pupunta sa kamag-anak ng nanay ko, ambilis namin pero 'pag sa kamag-anak n'ya wala kaming gana. Nadala siguro kami. Huling dalaw namin doon ay bata pa ako at inabot kami ng malakas na bagyo. Parang signal number 3. Ang tanda ko ay ang lamok-lamok pa kena Tito Felix at hindi ko gusto ang punda nila noon. Tapos, kinailangan naming lumipat ng bahay dahil tumataas na ang tubig at pumapasok na sa bahay nila. Binuhat ako ng tatay ko palabas at kitang-kita ko ang dating malawak na kaparangan na tinatakbu-takbuhan namin ng mga pinsan ko ay isa nang dagat. Dagat na brown. Basang-basa ako sa ulan at ang lamig ng hangin. Halong excitement at takot ang naramdaman ko sa pagbisita namin noon kahit na alalang-alala pa si Mama dahil inaapoy ng lagnat si Vernon noon. May nasilungan naman kami at walang natangay sa pamilya maliban sa tsinelas ko.

Ang tsinelas ko ;(

Maya-maya pa ay inabala ako ni Tito Felix sa paglalaba at pagfa-flashback. Inaabot sa akin ang isang daan; dalawang Roxas. Para saan kaya? Naawa kaya si Tito Felix sa amin? O natuwa lang dahil sa matagal nang di nakitang pamangkin? Tinanong kung marunong bang mag-pera si RR dahil binigyan daw rin n'ya ng pera. Tinanggap ko na rin kahit nakakahiya. Aalis na rin daw sila at pupunta pang Lucena.

Pumasok muna ako para ilagay ang sandaang piso sa damitan ko at napansing may softdrinks pa sa upuan.

Mocking J.

Mocking J.
Huhu. Hindi ako makakasama sa annual ritwal ng gang. Wala kasing pera. Erk! Minsan naniniwala na nga ako na kailangan natin ng pera para maging masaya. Kahit ayokong maniwala talaga.
Edi abangan mo na lang sa star movies? Or i-torrent kaya? Hindi yung visual entertainment ang ma-mimiss ko e, kundi yung tradisyon. Tradisyon na namin 'to e. May nereserba naman akong pera kaya lang may kinailangan akong unahing abyarin. Ayoko namang manghinayang dahil ginasta ko yung naging pera ko sa mga dapat talagang unahin. Pero win some, lose some ba talaga lagi? Kada naalala kong hindi ako makakasama ay mas depressing pa kaysa sa depressed areas sa Maynila. Wala pa man ang nasabing araw ng tradisyon.
"Sa Biyernes pa naman, malayo pa", sabi ni Alpi. Marami nga namang puwedeng mangyari sa apat na araw bago ang tradisyon pero wala akong ideya kung saang bunganga ni Smaug ko huhugutin. Kapirasong ginto lang naman ang kailangan ko. Kapiraso laaaang. Minumulto nga ako ng naging desisyon ko, may kung anong boses na nagsasabing "kumpara sa suweldo mo dati, anliit ng P 175". Pero winawaksi ko na agad kapag ganito ang naririnig ko sa isip ko dahil tama ang desisyon kong umalis sa trabaho at hinanda ko na ang sarili ko sa ganitong senaryo. Biyernes pa naman, kaya pa yan. Kaya. Pa. Yan.
"Iwan ka na naman" sabi naman ni E-boy na lalong nagpapalamukot ng pag-asa ko. Kahit na anong paghahanda pala sa sarili sa masakit na bagay, e may kirot pa rin. Mas nagpapakirot pa rito ay ang pariralang "na naman."
Na naman.
Na naman.
Awooo.
Na naman.
Nobyembre 15, 2015
Dyord

Friday, November 13, 2015

Muni-muni sa Pagtitimbang sa Hanapbuhay-Buhay-hanap

Parang Poverty Porn (Muni-muni on Work-Life Balance)

   Naisip ko na ang paghihirap na dadanasin ko nang mag-resign ako sa trabaho ko sa Maynila. Naubos na ang aking badyet sa pagpapahinalay. Biro ko pa nga ay isang taon akong magpapahinga bago ulit magtrabaho. Ulit ng apat na buwan.

   Hindi pa naman ako umaabot sa desperasyong makapagtrabaho muli. Marami naman akong inaplayan dito sa'min kaya lang mailap talaga ang trabaho sa gaya kong wala masyadong papel o credentials. Ayoko namang bumalik sa siyudad, supah ayaw. Super apaw na rin kasi ang mga tao ro'n. Kaya tinitiis ko ang hirap. Minsan iniisip ko nga kung naaawa na ba ako sa sarili ko. Ilan sa mga sumusunod ay mga nagpapaalala sa'kin na magtrabaho na o kauntiang nagbibigay awa sa sarili:

1. Wala pa rin akong balat na sapatos. Hindi ako maka-awit sa choir dahil nasunog nga ang black shoes ko ng pesteng katol. Akala ko pamatay peste lang ang katol. Puwede rin naman pala itong maging peste. Hindi naman dahil sa "God hates sneakers" kaya hindi ako puwedeng kumanta muna sa simbahan, kundi fashion norms na sa sangkatauhan na decent (kung hindi man holy) ang pagba-black shoes. Kaya lay-off muna sa choir, pa-miss muna kumbaga.

2. Nagyaya si Ate Tin na kakain daw kami ng sisig sa San Juan, Batangas. Sagot daw n'ya basta pumunta lang ako kaya lang wala naman akong pamasahe kaya absent muna sa happy-nings kasama ang college dabarkads.

3. Nagyaya si Ate Tin sa bertdey ni Osang noong Nob. 08 kaya lang wala ulit akong pamasahe dahil mahalang talaga ang papunta sa San Francisco. Tiaong lang din at hindi California. So absentee na naman sa pagkikita ng college friendships.

4. Kapag may nagpapalibre at nanlilibre sa'kin. Yung nagpapalibre ay palaging sori ang sagot ko. Yung nanlilibre ay salamat ang sagot siempre! Siyempre, naka-look forward ako na ako naman ang sasagot neks taym!

5. Hindi ko ma-update ang aking pledges sa simbahan. Blessed naman ako kaya lang hindi pa sa pinansyal na aspeto. hehe

6. Hindi ako makabili ng ulam sa bahay. Salamat naman at nagpapautang si Ate Edith ng pancit canton at itlog.

7. Binilhan ako ng tsinelas ng nanay ko. At last! Unang tsinelas ko ngayong taon! Noong me trabaho pa ko, hinayang na hinayang ako sa paggasta kaya di ako nabili ng tsinelas, lagi rij naman kasi akong nakasapatos noon. Naawa yata ang nanay ko sa'kin ng dumating ako minsan sa bahay mula sa talk at nalaman n'yang wala akong pa-haves. Ganyan talaga 'ma basta nakapagturo ka ng pagsusulat oks na 'yun.

8. Minsan wala ako kahit ipamasahe man lang papunta kena E-boy o sa Kubo kapag may bible study with Kuya Joey. Lalo na para dumalaw kay Charmaine na taga-Sariaya pa.

9. Marami akong gustong regaluhan. "Ay parang magandang regalo to kay ano, neks taym pag may pera na", parating ganan muna.

   Nakakakain pa naman ako. Minsan nga 4-5 beses pa kada araw. Nakakapag-siomai pa minsan. Nakakabili pa ng rolibs minsan. Madalas talaga ay liberty lang sa'kin kaya salamat sa inyong dampi ng pagmamahal.

   Ang pinaka matindi at nakakatulala minsan ay ang pang-top 10: "Ano ganyan ka na lang habang buhay?" Na nanggagaling sa Famas-hall-of-famer-sana-kung-artista kong tatay. So mapapatanong ka talaga trabaho/suweldo = life?

   Kasi kung at nung may trabaho ako, may pera nga ako pero lagi naman akong naghahabol sa panahon. Parang joke talaga minsan ang prinsipyo ng work-life balance.


Thursday, November 12, 2015

Nabasa Ko Yung 'Looking Back'

Ang 'Looking Back' (Anvil Publishing) ay kalipunan ng mga kolum ni Ser Ambeth Ocampo sa Philippine Daily Inquirer.

Throwback
Tungkol ang mga sulatin ni Ser Ambeth sa pagtingin sa kasaysayan ng (P/F)ilipinas, mga Filipino, mga banyaga, mga bagay, at kahit pa nga ng mga monai. Mula sa mga bayani hanggang sa mga bakery natin ay may itinuturo (pala) tungkol sa ating nakaraan; tungkol sa'ting kasaysayan. Hindi ako mahilig sa kasaysayan dahil puro ito mga pangalan at mga dates na andali lang kalimutan lalo na kung hindi naman regular holiday. Pero ngayon, I'm a believer at naniniwalang may kasiya-siya pala sa salitang kasaysayan.

Historical Garbages
Ganito raw ang hinahalungkat ni Ser Ambeth sa'ting nakaraan. Mga tila hindi naman mahalaga; mga burloloy lang ng kasaysayan kumbaga. Ito ay ang mga detalye ng kasaysayan na hindi na inilalagay sa textbooks dahil nga parang hindi naman big deal ang mga nasabing burloloy. Pero aminin natin, mahilig at naiintriga tayo sa mga borloloy. Halimbawa ng sinasabing burloloy ay ang mga nakitang 84 draft ng love letters kay Heneral Gregorio del Pilar, ang pagmumura ni Pres. Quezon, at ang diumanoy sinumpang obra ni Juan Luna na kung sinomang nagmamay-ari ay dinadatnan ng kamalasan. Kasama rin sa kintab ng koleksiyon ay ang mga tanong na 'paano-kung' sa ating kasaysayan. Ang mga basura kung tutuosin ay maraming sinasabi tungkol sa kung sinong nagtapon.

Looking Forward
Kung ganito lang sana ipinakita ang kasaysayan noong basic education hanggang college, nagustuhan ko sana ang social sciences at mas mataas sana ang naging grado ko. Ang maganda sa kalipunan na ito ay bite-size lang ang mga sanaysay/salaysay ni Ser Ambeth, hindi nakakapagod basahin para sa mga tulad kong maiksi lang ang attention-span. Hahawakan ka naman talaga ng bawat pagtanaw ni Ser Ambeth, sa leeg, hanggang matapos mo hanggang dulo ang maigsing sanaysay. Mapapa-'woooo' at mapapa-'waaaa' ka sa mga malalaman, sukdulang isipin mong your childhood heroes were all lies! "Niloko ako ng Sibika teacher ko!". "Ginoyo ako ng Araling Panlipunan teachers ko"! Nakaligtaan kasi nating pag-usapan yung human-side ng mga magigiting nating mga bayani.
Kaya naman naglu-look forward ako sa iba pang gawa ni Ser Ambeth. May nakapagsabing hinahabi lang ni Ser Ambeth ang mga kasaysayan, sino nga bang makapagkukuwento ng kasaysayan in 3D? Walang katapusang pagtatalo ang kasaysayan. Walang hanggang pagkakalkal ng archives. Kung hindi man mahusay na historyador, sigurado akong mahusay na kuwentista si Ser Ambeth.
Basahin n'yo rin at mag-look back, look back, and shake, shake, shake!

Wednesday, November 11, 2015

Always Believing......Gold!

Oh, Gold. Ano? Kamusta?
Sige na babati na ko sa bertdey mo. Kahit na nagkuwento ka ng Magandang Gabi Bayan stories, masaya pa rin naman akong umuwi. May halo nga lang na kaba kada naririnig ko ang mga kaluskos sa damuhan at dumadampi ang malamig na hangin. Parang lumakas yung senses ko nung gabing 'yun. Nakakainis lang dahil alam mo na agad na ayoko ng horror movies at stories. O ayan, nagkuwento na naman ako tungkol sa sarili ko. Bertdey ko ba?
Pumayag lang ako sa trip mo dahil bertdey mo (at patay-gutom ako). Wala nang biglaang lakad neks taym. Dapat nakaplano na ang lahat. Lugar na pupuntahan, kakainan, pagkukuwentuhan, at oras ng uwi. Pero dahil bertdey mo, sumama pa rin ako. Ako na nga ililibre, ako pa maarte! Pasensya ka na ha.
Pasensya ka na nga rin pala kung: 1. Self-centered, 2. Ma-pride, 3. Cold ako paminsan-minsan. May tatlong dahilan ka na kung bakit hindi ako huwarang kristiyano. Mahaba pa ang listahan ko ng kahinaan habang mas nahuhubaran ang aking pagkatao. Makikita mo sa loob, hayop-hayop pala ako. Salamat na rin sa pang-unawa in advance.
 Nakikita na kita noon sa prayer meeting at para regularly na dumalo sa prayer meeting, alam ko na genuine ang pagkakakilala mo sa Diyos. Kaya lang siyempre, kailangan talaga ng panahon para mahubog ang pagkakaibigan. (Erk... ang cheesy nung huling phrase)
Matapos kong kainin ang AlDub meal, fries, at sundae, e sasabihin kong nakakahiya naman na ikaw pa ang gumastos para pagdiriwang ng bertdey mo. Para sabihin ko sa'yo, kahit na hindi mo ko ilibre, e kakaibiganin pa rin naman kita basta matiyaga ka lang. Unang bertdey mo na christian ka na by experience, at nakaka-experience ka na rin ng mga struggles at issues sa 'yong pamumuhay; ibig sabihin lang n'yan ay umaantas ka na. Mga pagsubok lamang 'yan, wag mong itigil ang laban! Nananana yeeeah...
Puwede humingi ulit ng pasensya? Sa pagiging ano ko naman, aaah pa-low prof? O pa-safe? Sana ay 'wag mong limitahan ang mga puwede mong magawa dahil lang sa pagdududa sa sarili. Palagi namang may kuwarto para sa pagkakamali at pagtutuwid. Sana ay hindi kita maimpluwensiyahan. Pasensya ka na rin kung walang bible verse ang sulat ko. Magbasa ka na lang. Kusa-kusa rin naman.
Newbie guide para sa'yo Gold:
1. Wag kang Nega Star!
2. Kung kailangan mo ng makakausap, and'yan si Juding.
3. Past is past pero masarap ang pasta!
4. Wala kang maasahan sa'kin.
Hanggang dito na lang muna Gold, muli ay haberdey sa'yo. Salamat sa paghahatid at pabaong oreo.
Hindi sanay na may katabi sa simbahan,
Dyord

Monday, November 9, 2015

Mga Tula Mula sa TintaCon 2.0 (cont.)

Ang mga sumusunod na tula ay kasama pa rin sa mga outputs mula sa TintaCon 2 sa Southern Luzon State University - Tiaong, Quezon noong Okt. 25, 2015 sa pangunguna ng The Traviesa Publications at Campus Journ students. Mga tula sa tugmaang malakas na katinig:


Halimaw sa Banga

Nagmula sa isang kutob
Na parang batang mabilis umos-os
Kumalat ang balitang parang isang utot
Ang paligid ay nabalot ng uod
Na makikita mula sa aming bintanang bubog
Ang halimaw ay nakawala nang dahil sa suntok
Nanganganib tuloy baka ang dugo ay masupsop

-June Bayta, DPCNHS

Sa trabaho ko'y kailangan ng bilis
Di dapat umatungal ang biik
Na sa kural ay na-bilibid
Porket ako'y lagi lang sa bukambibig
Kaya wala kayong bilib
Teka, suot ko yata'y masyadong sikip
Kailangan nang gumarahe na't kamutin ang singit.

-Dyord, blogger hehe

Lahat ng patay ay nagkakutob
Sumulyap ang manananggal sabay suntok
Iba't ibang mga bangkay ay inuuod
Pati kapre nakaapak ng bubog
Mga tiktik nasa bubong at sumusopsop
Kasama ang aswang na umos-os
Na nadaganan ng tiyanak na supot.

-John Lloyd Bukid, LNHS

Puting Babae

Ganda n'ya'y nag-aalab
Siya'y amoy bulaklak
Di makita ng bulag
Kaya naman hindi patas
White lady na nasa alapaap
Damit nya sa lupa ay sadsad
Takot sa mukha ko'y bakat.

-Ednalyn Mendoza, SLSU-TC

Mga paa sa sementeryo umus-os
Lumukob sa kalamna'y kutob
Sariling mga bisig ay sinuntok
Nagulantang sa mamang mukhang uod
Mga bibig nya'y may lamang bubog
Dugo nya'y kanyang sinupsop
Sa takot ko'y biglang napautot.

-Erwin Caponpon, call center agent :)

Mga tao sa'min, sa'ki'y walang bilib
Na ang magandang dilag kung gabi ay biik
Minsan nakita ko s'ya sa may Bilibid
Ang aking puso tila nagsisikip
Tibok ng puso ay anong bilis
Sa umaga't, sa gabi, siya'y bukambibig.

-Razzel John Baronia, SLSU-TC

Pati-anak

Sindak ang pintig mula sa tinging nag-aalab
Hikahos sa pagkakasadsad
Magbigay takot ay tanging alapaap
Dalang amoy ay sa bulaklak
Palit anyong nakakabulag
Masamang karimlan ay nakakabulag
Dalang lagim hindi patas.

-Veronica Lorico, SLSU-TC

#

Mga Tula Mula sa TintaCon 2.0

Ang mga sumusunod na tula ay kasama pa rin sa mga outputs mula sa TintaCon 2 sa Southern Luzon State University - Tiaong, Quezon noong Okt. 25, 2015 sa pangunguna ng The Traviesa Publications at Campus Journ students. Mga tula sa tugmaang malakas na katinig:

Kita sa kanyang mata ang alab
Na nasa isang bulaklak
Siya ay sumadsad
Sa kanyang mata ay bakat
Abot man ang alapaap
Siya pala ay bulag
At ang laban ay di patas

-Di kilala

Aswang na Biik

Sa isang lugar na masikip
Animo'y may sumisingit
Para akong nasa bilibid
Walang lumabas sa bibig
Tibok ng puso'y mabilis
Talaga nga namang nakakabilib
Aswang na nag-aanyong biik

-June Carlo Marquez, LNHS

Tila mundo sa'ki'y di patas
Kaya't gusto kong maging bulag
Kahit na di makita ang bulaklak
Sa aking pagtakbo, paa'y sumadsad
Takot sa mata ay mababakat
Dahil sa pagtingin sa alapaap
Nakikita'y sigarilyo ng kapre na nag-aalab

-Van Teope, SLSU-TC

Sa umaga, ganda niya'y tila bulaklak
Puso mo sa kanya mag-aalab
Ngunit pagsapit ng gabi ika'y magiging bulag
Maiisip mo kung ito ba'y patas
Dahil makikita mo lang siya sa alapaap
Kanyang mga pakpak sa dilim ay bakat
Biglang sa'yo ay kakagat
Matapos sa tabi mo'y sumadsad

-Cyrill Arevalo, LNHS

Nang Matakot ang Nuno

Tinumbok ng takot, kaba at kutob,
Lumunok ng bato, natisod ng bubog.
Naglaho ang galing, tinablan ng suntok.
Nagtago sa dilim, natakot sa uod.
Buhok ay nanindig, daliri'y sinupsop,
Tumakbo at nagtago, sa dilim ay nautot.

-Javier, Angelika Mae, SLSU-TC

Ang mga aswang ay nakakabilib
Lahat sila'y natatakot maging biik
Dapat sila'y kinukulong sa bilibid
Dahil lahat sila ang bukambibig
'Pag sila'y dumating, mga tao'y nagsisiksikan kahit sikip
Kaya 'pag hinabol, tumakbo ng mabilis
Tatayo ang mga balahibo hanggang singit.

-Escleto, Kriz Jean, DPCNHS

Si Mam Lamlam at ang aking DepEd Experience

Galing ako sa DepEd Quezon. Nasa Fori, Talipan, Pagbilao ito dahil ang opisina pala ng DepEd sa Lucena ay namamahala lang sa mga paaralan sa siyudad. Ang sadya ko ro'n ay magpasa ng aplikasyon para maging part-time senior high school teacher.
Wala akong balak na magturo sa hayskul. Noon pa ay niyaya akong magturo sa sekondarya pero laging wala, wala, at wala akong interes. Mahigit 30, 000 teachers daw ang kailangan ng DepEd sa pagpapatupad ng K-12 program at nagbukas nga sila ng panawagan sa mga interesadong magturo. Sa panawagan nakasaad ang mga rekusitos at ang hindi-puwedeng-hindi-mapansing 19-29K na maaring suwelduhin. Ang akala kong lang wala pero meron, meron, meron pala akong interes nang malamang may part-time sa Grade 11 at 12. Muli akong nag-baka sakali at nagpasa nga ng kakaunti namang rekusitos:
1. Letter of Intent. Pagpapahayag ito ng interes na magturo at pumili kung part-time o full-time, strand o yung para course na gustong ituro, at kung saang school nais magturo.
2. CSC Form 212. Mada-download lang ito sa website ng Civil Service Commision. Kalakip nito ang passport-size picture at cedula number.
3. Certified Copy of Voter's I.D. or any proof of residency. Self-explanatory na 'to.
4. NBI Clearance. Buti sa Nobyembre pa ang expire ng clearance ko at salamat naman at wala akong kaso.
5. Certified copies of relevant certificates of trainings/courses. Kopya ito ng mga sertipiko ng mga seminar at training na may kinalaman sa inaaplayang strand/course. Sa wakas, may paggagamitan pala ako ng mga certificates na nakalap sa pagsusulat at nadiskubre kong naiwala ko pala ang marami nito.
6. Omnibus Certificate of Autheticity and Veracity of Documents. Dito ako nagulantang, sa Mars ba ini-issue ito? Sobrang alien ng papel na ito sa bokabularyo ko. Ginoogle ko at salamat nama't nakakuha ako ng kopya na babaguhin ko na lang ng kauntian.
Nakatanggap din ako ng mga tanong mula kay Mam Athens tungkol sa mga rekusitos. Ayaw n'yang magkaproblema sa rekusitos dahil "they are not kind daw" ayon sa chat ni Mam Athens sa akin. Hindi naman kasi talaga detalyado ang mga rekusitos sa site ng DepEd. Kagaya na lang ng CSC Form 212 na may cedula number pala at passport-size pic, siyempre may kaakibat 'yun na gastusin. Hindi rin malinaw na nasa Pagbilao pala ang Division Office at hindi sa Lucena, kaya may mga naligaw sa tanggapan sa Lucena, sayang ang pamasahe, oras, at effort ng mga nagkamaling aplikante. Ang panawagan ng DepEd ay hindi newbie-friendly at ang newbie na tinutukoy ko ay yung mga kagaya kong walang karanasan sa pag-aapply sa DepEd at hindi naman talaga Education ang kinuhang kurso. Inaasahan kasi na ang magtuturo sa senior high bukod sa mga 'totoong' teachers ay mga practitioners at professionals sa bawat strand/course. At anong malay nila sa DepEd thingies? At kamusta ang impormasyon na dapat sana'y gagabay sa mga aplikante?
Kung kelan ako may aasikasuhin, saka naman ako may sakit. Sipong-sipon akong naghalwat ng mga gabukin ko nang files. Nagpa-picture at kumuha pa ko ng cedula. Hilo-hilo pa kaya nagtanghalian ako kena Ebs para na rin makatipid sa gastos at makapahinga pa. Bandang ala-una ako pumunta sa Talipan via DLTB-SM Lucena, tapos sumakay ng traysikel papuntang DepEd sa Fori; P 74 ang one-way.
Pagdating ko ro'n, parang ghost town. May holiday ba ng Oktubre 29? Baka haloween-inspired? Wala kasing katao-tao, pati na sa help desk. Alas-dos naman na at hindi na lunch break. Sa guard ako nagtanong kung saan nagpapasa ng sa senior high, itinuro ako sa isang malamlam na building na may malamlam na matandang reciever ng mga papel. Nakita ko ro'n ang ilang aplikante at isang kakilala na mag-aapply din sa Senior High.
Si Mam Kea, na matamis ang pagbati, ay kakambal ng kaklase ko na si Ate Vea. Nagtuturo siya ngayon sa kolehiyo sa Lagalag. Wala nga raw may alam na nag-apply siya ngayon at ang kanilang certificate of employment ay tila hino-hold ng unibersidad dahil nakakahalata nang liipat sila ng secondary-level. Kung competitive lang din sana ang suweldo sa higher education, wala naman sigurong lipatang magaganap. Bitbit ni Mam Kea ang listahan ng pagkakasunod-sunod ng mga rekusitos.
Kami namang mga nasa labas ay nagsipatas ng kani-kanyang folders ng rekusitos. Nilibre pa kami ng potokapi ni Mam Kea ng form na nasa unahan. Sabay-sabay na raw kami magsumite dahil kinakabahan daw siya. The feeling is mutual, lahat kami kinakabahan dahil baka mali ang rekusitos. At si Mam Kea nga lang ang naka-perfect at nakapagpasa, kaming tatlo ay dadaan muna sa adventures ng kuwentuhan tungkol sa AlDub, at DepEd.
Nagkaproblema ako sa Omnibus. Sabi kasi sa mga nakita kong Omnibus ay sariling pirma lang o di kaya ay pirma ng principal kung nagpapa-endorse ka sa pinagtatrabahuhang eskuwelahan. Walang naglagay man lang na dapat ay NOTARIZED. Ang mahal kaya ng pa-notaryo 150-200 pesos, nakapagdadalwang-isip tuloy kung itutuloy ko pa ang aplikasyon. Pero desidido yung dalawa kong kasama, isang nasa 20s at isang nasa 30s. Andito na lang din ako, e di shoot na ang natitira kong tatlong daan. Akala ko talaga 100+ lang ang magagastos ko rito, hindi ako handa sa mga ganitong gastusan dahil nga hindi maayos ang impormasyon.
Si Ate 20s ang magsisilbing guide sa Pagbilao sa pagpapanotaryo, si Ate 30s ang magsisilbing kuwentista-komentarista, at ako ang taga-tawa at taga-gatong. Sabi ko, hindi malinaw ang impormasyon ng DepEd sa call for interested teachers nila. Sabi pa ni Ate 30s ay sa Lucena nga raw siya nagpunta. Hindi raw doon. Kinabukasan pa nga siya bumalik sa Talipan. Tinatawagan n'ya raw ang DepEd Quezon pero hindi sumasagot sa cellphone man o landline number. Sabi ko, nagpadala rin ako ng e-mail, pero waley pa ring sagot. Snob! Bagsak ang DepEd Quezon pagdating sa responsiveness to the public na ethical standards bilang public office na nakasaad sa R.A. 6713.
Nakita naman namin agad ang pa-notaryohan sa pagtatanong sa mga manong pulis. Salamat naman at 150 pesos lang ang pa-notaryo! Nalaman kong si Ate 20s pala ay LET passer na at pinsan ng jowa ng adviser ko sa campus paper noong college. Sabay sabi ng "ismol world". Si Ate 30s naman ay isang millenial mom na CPA pero nag-CTP para nga raw sa K-12 program. Gusto n'ya ring mag-part time lang para makapag-spend pa ng quality time sa kanyang kids gaya ni Mam Athens na titser ko noon sa kolehiyo. Sabi n'ya mag-CTP din daw ako kung gusto ko ng career sa pagtuturo.
Susubukan ko lang kako. Iba kasi yung 'mahika' ng pagtuturo at isa-isa kaming nagbigay ng kanya-kanyang karanasan kung bakit kami nahalina at susubok maging guro. Pero tila kailangan din namin ng magic para makalusot sa mga rekusitos ng DepEd.
Pagbalik namin sa DepEd, muli naming hinarap si Mam Lamlam, na parang zombie na nawalan ng prostetiks. Nagpasa na si Ate 30s at minamasdan ko ang itsura ni Mam Lamlam at parang di s'ya kumbinsido. Ako na ang sumunod at hinanapan n'ya ko ng "Certified" na potokapi ng Voter's I.D. Sabi ko hindi po pala certified yung pinasa ko? Pano po pala magpa-certify? Kasi ko po yung nakita ko ay certified by school dean o principal, e pano naman kaming wala po sa school nagtatrabaho, sino ang magse-certify? "Ewan" sabi ni Mam Lamlam.
Hinanapan niya rin ako ng TOR, Diploma, at kahit anong PRC license. Sabi ko wala po dahil sa part-time lang ako at wala pa akong PRC license at kung magkameron man, hindi relevant sa pagtuturo sa pagsulat dahil License for Agriculturist ang makukuha ko sa hinaharap. "Ano bang natapos mo?", tanong ng energetic na si Mam Lamlam. "Agri.tech po, pero sa journalism po ako nakapagtrabaho," kako. "Ano bang ina-applyan mo?", tanong ulit ni Mam Lamlam habang tinataas ang papel ko. Nakita n'ya na Core-curriculum at Humanities. Ngumiti siya ng ngiting pang-uyam at itinuro sa'kin kung saan magpapatatak ng recieved. Ipinatatak ko at ipinasa na nang matapos na ang haloween adventure na'to.
Sabi ni Ate 30s, nangangapa raw ang department kung ilang LET passers ang mag-aapply sa kanila, kung kulang pa sila e saka raw kami iko-consider na mga 'hindi totoong' teachers. Sa 2016 na ang umpisa ng senior high, gagawa pa sila ng items para sa teachers, at paano nila io-orient ang 30, 000 na guro sa pagtuturo ng kanilang curriculum at strand; susot na ang oras. Magkakasundo naman kami na maganda ang K-12 base sa pagkakabasa namin ng ilan sa mga curriculum, pero yung paghahanda ng sangka-basic education-an sa K-12, e di kami masyadong kumbinsido.
Umuwi na si Ate 20s pa-Pagbilao. Kami ni Ate 30s ang pa-Lucena. Si Ate 30s ay dadaan pa raw sa SM para magbayad ng kuryente at maghanap ng Yes! Magazine o kaya Preview na cover ang AlDub; nanay at fan-girl roles aniya. Kita-kits na lang daw sa Recto, kung saan kami nag-apply nina Mam Kea.
Kung saka-sakali, umpisa pa lang ito ng horror na aplikasyon. Hindi pa ito ang pormal na aplikasyon. Baka makita ko pa si Mam Lamlam. Mas malaki pa siguro sa 500 piso ang magagastos ko. Ang grado ng DepEd-experience na 'to: 74!
Other title: Road to Turo-turo (Part 4)

Monday, November 2, 2015

Pambansang Bae

Pambansang Bae


Liham na walumpo't apat
Iba-ibang panyo at samyo
Alamat sa pananapat
'Dalinay' ni Hen'ral Goyo