"A merry heart doeth good like a medicine: but a broken spirit drieth the bones." -Proverb 17 : 22
Hindi ako makatulog kagabi dahil parang naka-graveyard shift ang mga brain cells at endocrine system ko. Isip ako nang isip ng mga di naman produktibong bagay. Isip nang isip ng bagay na malungkot. Tinamaan na naman ako. Hindi ng pana ni kupido kundi ng sibat ng depression.
Sobrang naiinis ako. Sabi ko kasi yung buong huwebes ay magsusulat lang ako. Sa digital notes, sa journal, sa scratch, sa legs ko, basta ilalaan ko lang ang araw para pagurin ang sarili s pagsulat. Sabi ko lang pala 'yon dahil paggising ko ng huwebes I was so depressed. Buooooong maghapon...kahit nakapanood pa ko ng Kimmy Dora at AlDub, 'la talab. Mas tumindi pa ang depression ko nung gabi. Wala ko masulat. Iniiiiiis!
Alam ko naman. It's all in the state of mind, kako. Hapi tots lang sabi nga ng isang college friend. Hapi tots. Hapi tots. Hapi tots. Pero utot, walang pagbabago sa aking inner state of being. Pakiramdam ko sa loob may nagmimina. May minerong walang benefits o insurance man lang. Pakiramdam ko may mga inaaping mamayan sa loob ko.
Oo. Kahit parang ang unfair sa Diyos, babanggitin ko na rito, baka kako mawala kung anoman 'tong nasa loob ko kapag nagbasa ko ng Bibliya at nanalangin. Kailangan ko na pong makatulog ng maaga dahil lalabas po kami bukas, kailangang well-rested ako. Sori din po Lord kung ginagawa ko kayong Lithium para gamutin ang depression ko ngayon. At tada! Alang nabawas, pero alam ko na 'to e, at least nakapagbasa ako. Kailangan ko talagang tiisin yung di maipaliwanag na kaguluhang panloob at walang instant homeostasis.
Parang ang haba ng gabi. Ambagal ng oras. Ambilis ng isip ko. Bakit ba ko na-depress? Dahil ba wala kong nasulat? Dahil ba natapos ko na yung isang aklat at matatapos yung isa pa bukas? Namimiss ko na ba agad yung aklat? Dahil ba ampangit ng hand writing ko? Dahil ba wala akong makakuwentuhan? Dahil ba walang nag-like ng post ko sa FB? Dahil ba walang salin sa Filipino ang depressed (dahil masayahin abg kultura natin)? Puwede bang malaman kung bakeeeeeeet?
"A sound life is the life of the flesh; but envy is the rotteness of bones." -Proverb 14 : 30
Parang nadudurog ang buto ko at walang gana. Kahit yata may lumitaw na bagong panganak na polar bear sa harap ko ay di ako sasaya. Minsan hindi ko na lang sinasabi na malungkot o depress ako sa iba dahil baka mahawa sila at hindi pa ko nakatulong. Sinabi ko pa rin sa ilang malapit na kaibigan. Hindi ako umasa ng kahit anong comforting words, basta kailangan ko lang ipaalam na malungkot ako. Parang pinasingaw ko lang yung pressure sa loob ng rib cage ko. Sobrang tagal na nang huli akong magka-garne at may mga dahilan pa 'yun, this time parang wala naman.
Parang wala. Walang dahilan o in denial? Baka naman may inggit at ayoko lang aminin. Inggit sa atensyon na nakukuha ng ilan. In denial na naghahanap din ako ng atensyon mula sa iba at binibihisan ko lang 'to ng pagiging selfless kuno. Kuno ay inuuna ko ang kapakanan ng kaibigan pero para talaga 'to sa sarili kong kapakanan. O takot sa maaring mangyari bukas. Mga pag-asang mauupos hanggang ubod. O mga murang dahon ng ligayang mauubos ng uod. Ang arte ko.
Kung nakikita ko kaya ang bituin ngayong gabi at kung hindi lang sana nasasanggahan ng bubong na makalawang ang langit; mapapansin ko pa kaya ang sarili?
Dyord
Nobyembre 19, 2015
No comments:
Post a Comment