Tuesday, November 17, 2015

Minsan na nga lang, Gadingan

Wala si Mama. Nasa puwesto.
Wala si Papa. Nasa trabaho.
May bisita. Wala kaming uleym.
Hum-beym!

Linggo, Oktubre 15, dumating si Kuya Dudong mula Cabuyao, pinsan namin siya sa side ni Papa. Manganganak kasi ang asawa n'ya sa Lucena kaya para makatipid sa pauli-uli ay sa bahay muna siya natulog. Oks lang, weekends naman walang trabaho si Papa kaya siya ang taga-abyad sa bumisitang kamag-anak.

Hindi ako ano sa bisita, yum' bang magiliw sa pagtanggap pero kung anong meron, e di 'yun ang ipapakain ko. 'Tsaka magulo sa bahay kasi. Sobrang 3rd world ang setting. Pang indie-film ang ambiance. Parang kuta ng child porno ang dating. Parang bahay ng mangkukulam. Kaya di ako maaya o pala-kumbida sa bahay namin at hindi rin naman kami nagpapa-okasyon masyado.

Nakakahiya nga minsan dahil gustong pumunta ng marami kong kaibigan sa bahay. Yung iba hindi naniniwala sa pamamahay ko kapag nilalarawan ko. Ayaw nilang maniwalang home along the riles kami. Kapag ako nga ang bisita ay nakakatanggap ako ng magiliw na pagtanggap sa mga kaibigan, kung ako kaya ang bibisitahin, makakasukli ba ako ng magiliw na pagtanggap? Parang indi. Hindi ko nga rin maaya si E-boy sa bahay kahit na matagal ko nang bespren 'to at matagal na 'kong b(w)isita sa bahay nila. Kasi nga hindi ko maa-accomodate ng maayos.

Lunes, Oktubre 16, dumating si Tito Felix at Ate Leoni mula Cabuyao, mga tiyuhin ko; magulang ni Kuya Dudong. Pupuntahan yata nila yung bagong silang na apo pero dumaan muna rito sa'min para mag-almusal at makabisita na rin. "Anak ng langaw talaga!", sa isip-isip ko. Walang lalangawin sa bahay dahil wala naman kaming ulam. Kape nga lang inalmusal ko. Wala si Mama dahil nasa palengke na. Wala na si Papa dahil nasa bangko na. At wala man lang naka-isip na mag-iwan ng pambili ng ulam, e alam pala nilang may bisita? Mga anak ng langaw talaga, anong ipapakain ko sa mga 'to? Kasi sanay naman sina Mama na nabubuhay ako kahit walang tanghalian, ako nang bahalang dumiskarte para mabuhay. Pero iba 'to e, bisita, kamag-anak, at mega-giga minsan lang mapadpad at makabisita sa tila di nakakaalalang kamag-anak.

Pinatuloy ko ang mga kamag-anak na di na ko namukhaan. Hindi puwedeng nga-nga na lang, isip-isip ko. Dahil wala naman akong kapera-pera ay nangutang ako sa kapit-bahay ng isang corn beef at agad kong iginisa. Pero walang bawang at sibuyas, kaya n'yo yun? Wala pala kaming mga pampalasa. Nang makaluto ay sa sala ko na sila hinainan dahil madilim at mabanas pala sa kusina namin. Napansin ko pa, wala pala kaming mga kobyertos at pinggan para sa bisita. Wala pala kaming maayos na lamesita para mapatungan ng pagkain kaya sa mahabang libaging plastik na upuan ko na rin ihinain ang pagkain nila. "Wala po kaming elektrik pan, sira!", kaya mabanas kako.

 "Naku! Wala po kaming ulam. Wala si Mama. Wala si Papa.", kako matapos ihain ang umuusok pang kanin at nagmamantikang carne norte. At hindi pala kumakain ng corn beef si Tito Felix. Nagpabili na raw ito ng uulamin kay Kuya Dong kasama ng kapatid kong si RR sa palengke. Anak ng pusang taga-BGC, kelan pa naging shala ang lahing Gadingan? Akala ko nga ang Ate Leoni ang pihikan dahil ito ang masarap magluto talaga. Kapag namemiyesta si Papa sa Cabuyao ng Mayo Uno, palagi kong inaabangan ang uwi nitong mga putahe na luto ng Ate Leoni. "Anong iniinom n'yo rito? Mineral"? Tanong ni Tito Felix. Sabi ko, minsan po. Minsan mineral, minsan poso, minsan bukal. "Maarte sa tubig 'yang Tiyo Felix mo", dagdag ng Ate Leoni habang sumusubo na ng kanin. Nahiya siguro na hindi kumain sa hinain ko. Maya-maya'y pumasok ito sa kusina-kwarto para uminom ng tubig. Hindi pala ako nakapaghain ng tubig.

Nang dumating sina Kuya Dong dala ang plastik ng bangus ay nagluto na siya. Malay ko magpaksiw ng bangus. Kaso nga walang pampalasa at panggisa man lang. Kaya bumili rin sila pati na ng kangkong. Tapos, wala ring palang mapag-lutuan. Matagal na pala kaming walang kaserola. Kawali at takure na lang ang lutuan namin. Ngayon ko lang naalala na palagi na pala kaming bumibili ng lutong ulam. 'Yun ngang tulyasi namin ay mas malimit nang magamit ng kapit-bahay. Ito na yata ang alamat ng walang-wala.

 Maya-maya ay naglaba na ako. Yung mga pinsan ko raw sa Cabuyao, hindi naglalaba. Sumilip pa ang Ate Leoni sa ilog para makita kung malinaw ba ang tubig. Wahi-wahi lang po at malinaw na yan. "Dito pa kayo naliligo?", tanong ni Tito Felix. Hindi na po, sa CR na, nag-iigib na lang ng tubig sa poso.
Kuskos. Bras. Sabon. Ang init pala sa puwesto ko dahil sa sikat ng araw pero keri pa naman ng tuwalyang nasa ulo ko na sanggahin ang init. Kaya pa naman ng balat ko ang sikat na tumatama. Nahiya naman ako sa balat ko dahil hindi ko alam paano aabyarin ang bisitang nagkusa nang bumili at magluto ng ulam. Hindi na nga kami nakakabisita sa Cabuyao, tapos nang kami ang bisitahin ay wala pang maayos na pag-aabyad at wala pa silang maka-usap. Lagi kaming niyayaya ni Papa na dumalaw naman daw sa Cabuyao kapag Mayo Uno dahil piyesta roon. Wala kaming gana sumama kaya minsan ay nasabi ng tatay ko na kapag pupunta sa kamag-anak ng nanay ko, ambilis namin pero 'pag sa kamag-anak n'ya wala kaming gana. Nadala siguro kami. Huling dalaw namin doon ay bata pa ako at inabot kami ng malakas na bagyo. Parang signal number 3. Ang tanda ko ay ang lamok-lamok pa kena Tito Felix at hindi ko gusto ang punda nila noon. Tapos, kinailangan naming lumipat ng bahay dahil tumataas na ang tubig at pumapasok na sa bahay nila. Binuhat ako ng tatay ko palabas at kitang-kita ko ang dating malawak na kaparangan na tinatakbu-takbuhan namin ng mga pinsan ko ay isa nang dagat. Dagat na brown. Basang-basa ako sa ulan at ang lamig ng hangin. Halong excitement at takot ang naramdaman ko sa pagbisita namin noon kahit na alalang-alala pa si Mama dahil inaapoy ng lagnat si Vernon noon. May nasilungan naman kami at walang natangay sa pamilya maliban sa tsinelas ko.

Ang tsinelas ko ;(

Maya-maya pa ay inabala ako ni Tito Felix sa paglalaba at pagfa-flashback. Inaabot sa akin ang isang daan; dalawang Roxas. Para saan kaya? Naawa kaya si Tito Felix sa amin? O natuwa lang dahil sa matagal nang di nakitang pamangkin? Tinanong kung marunong bang mag-pera si RR dahil binigyan daw rin n'ya ng pera. Tinanggap ko na rin kahit nakakahiya. Aalis na rin daw sila at pupunta pang Lucena.

Pumasok muna ako para ilagay ang sandaang piso sa damitan ko at napansing may softdrinks pa sa upuan.

No comments: