Nagising ako kena E-boy. Niyugyog ko pa siya at gisingin ko raw siya at magbabasketbol kami ng maaga. Mga magse-seven ng gisingin ko siya, bumangon, kinuha ang unan, at lumipat sa kuwarto at natulog ulit. Niligpit ko na lang ang latag n'ya at kutson ko. Tapos, nagwalis-walis sa sala. Tapos, hinugasan ang mga pinagkapihan kagabi. Pero sinong papawisan sa kaunting gawain?
Kaya winalisan ko at nilampaso ang auditorium nila Ebs. Pinatas ang mga upuan. Iginilid ang mga stacks ng silya. Nag-ayos ng mga extension wires. Naglinis-linis din ako sa harap ng simbahan nila kung san nakutaptapan ko naman ang aking amiga- ang nanay ni Alquin. Nagkamustahan kami at 'yun nga mabagal pa rin daw gumawa ng report si Alquin. Hindi na raw sana ito pipirma sa kung anomang kontrata pero baka raw hindi ibigay ang 13th month kaya pumirma na siya. Gusto raw lumipat na ng trabaho ang kaibigan kong si Uloy. Sabi ko ay sana po'y nag-iipon para makakuha kami ng LEA. Mas maganda kasi ang mga opurtunidad kapag lisensyado na. Tapos, nagpaalaman na kami.
Pasok ulit ako loob at naglampaso at nagpiga-piga ng lampaso at naglampaso ulit. Maya-maya nang magtatapon ako ng mga nakolekta ko pang mga gabok sa labas, nakasalubong ko na namang pabalik ang aking amiga. Bitbit ang pinamili, ibabalik daw n'ya sa LTQ ang pinamili dahil di raw manok ang pinahabilin n'ya ron kundi karneng baboy. Kung kanino man daw yung nadampot n'ya ay di n'ya natid. "Ay s'ya luge pa ho kayo", kako sabay pasok na sa loob. Na-achieve ko naman ang nais ko, ang mapawisan at ma-jebs. Naje-jebs na ko sa wakas.
Pagkatapos jumebs ay balik kusina na ulet ako gising na si Ebs at Babes at nag-almusal na kami ng lucky me spicy labuyo. Tas kinuwento ko kay Ebs na nakasalubong ko ang aking amiga. Haha. Magpapraktis lang ako ng violin tapos sila ng gitara ni Babes para mamaya sa prayer meeting, tapos, manonood na kami ng San Andreas. Movie! Movie! Nagpatuyo na lang ako ng pawis at tinamad akong maligo.
Napanood namin 'yung San Andreas
Parang end of the world ang peg ng pelikula pero San Andreas lang yung scope. Maganda yung umpisa pa lang dahil trahedya na agad at intense na rescue action. The Rock ba naman e. Ambilis ng rescue sa ibang bansa, kung sa Pilipinas nahulog/sumabit yung kotse sa bangin, aabutin ka na ng renew ng rehistro at hindi ka pa nare-rescue.
Disaster Response. Nakakatuwa at nakakainggit makita na ang astig ng disaster response sa ibang bansa. Kahit na medyo kaunti lang ang exposure ng DR Team nila, hagip agad na ang response team doon ay may mistulang military base para sa mga rescue choppers at iba pang equipments. At ambilis nila rumesponde.
"Sayang yung laptop" sabi ni E-boy.
Disaster Preparedness. Super vital nito para maka-survive sa lindol at iba pang kalamidad. Kasama rito ang impormasyon at paghahanda sa sarili sa anomang sakuna. Nakita kasi namin yung isang bata na hindi alam ang gagawin kaya umiyak na lang sa sulok. Dapat talaga ay ihinahanda ang lahat sa mga ganitong ibang klaseng pangyayari. Dapat laging alisto para maiwasan ang casualties. Pero siyempre sa pinakitang lindol sa pelikula at bilis ng pag-angat sa paggalaw ng magnitude ay wala talagang sasapat na paghahanda. Napaka-unpredictable ng paggalaw ng lupa.
"Sayang yung tv (flat screen)", sabi ni E-boy.
Ito lang ang nakita naming medyo kulang:
a. Paano yung mga hayop kapag oras na ng ganitong mga kalamidad?
b. Kulang sa instructions para sa survival. Sana may scene na may educational sa mga bata o mga offices. O pinakita lang ng pelikula na tine-take for granted natin ang mga drills at ganitong impormasyon kasi lovely day naman at walang bakas ng lindol and everythin'.
c. "Whom do we call" sabi noong isang staff o student sa propesor matapos malamang ganoon ka-intense at kalawak ang sakop ng lindol na phenomenal. Ibig sabihin, walang ahensya talaga na nakatalaga para sa malalaking humanitarian crisis o kung meron man, hindi natin pinopondohan much.
Ito naman ang nakita naming OA. Bukod sa OA na lindol, tinanggap na namin yun e, entertainment kasi yata talaga sa humanity ang destruction o devastation; e may ilan pang na-OA-yan kami:
a. Yung suot nung anak na babae. Kailangan talaga may pagka-sexy? Kailangan talaga kita ang cleavage? So ang purpose talaga kung bakit nasugatan yung engineer ay para mahubad ang polo-vest at makita ang figure nung babae? Enebeyen!
b. Yung love team element. Talagang kasama mo sa humanitarian crisis ay hot and witty engineer with European-roots? Pinag-usapan pa namin ni E-boy na wala pang isang oras na magkakilala tapos ibubuwis ang buhay sa pagrescue? Ano 'to?! Avengers? So parang ang lesson, sa paglandi n'ya ang reward ay na-rescue s'ya sa pagkakaipit sa malaking tipak ng semento? Ganun BA?!!! HAAA?!!!
c. Yung pagsalubong ni The Rock at ng asawa niya sa tsunami. Parang ganito yung sinabi sa'kin noong scene: "Tsunami ka lang, The Rock ako"!
OA talaaaaagaaaa!!!!
Ok! Sige, ito ay fictional at commercial, Dyord ha. Hindi talaga mapoportray ng makatotohanan at pilit hahabulin ang marketability. Punta na lang tayo sa reflective-positive side.
Sayang nang sayang si Ebs. Pero sayang naman talaga lahat ng pinundar ng humanity, sa isang iglap lang, nawala ring lahat. So ano ba talagang mahalaga? Ano ba ang buhay itself? Is it our job? Our office? Our future? Na puwedeng wakasan sa pagkakabagsak sa'yo ng isang ga-kotseng concrete wall. Sa pelikulang ito, ito ang mahalaga ay ang pamilya.
Tungkol ito sa pamilyang nilindol ng problema. Nagkalamat ang pamilya dahil sa hindi na-rescue ni The Rock ang sariling anak sa kabila ng 600+ na rescue records. Alam mo yung joke ng life-work balance. Win some lose some, ang peg. Maayos mang nagagampanan ang tungkulin, e nagkamali o nagkulang naman sa pamilya. Parang this time, irerescue ko naman ang pamilya ko sabi ni The Rock kahit medyo nakulangan din pala ako sa acting ni The Rock. Ang bato lang. Haha.
Pagkatapos manood ay umuwi na ko sa bahay. Inaantok kasi ako talaga. Parang na-drain ang energy ko. May prayer meeting pa ng alas-sais. Alas-dos pasado ay nasa bahay na'ko. Mga alas-kuwatro ay natulog na'ko. Nagising ng ala-singko. Nagkape. Nagsaing. Naligo. Ta's, larga na pa-simbahan. Madilim-dilim na agad kahit wala pang alas-sais trenta.
Pagdating ko sa simbahan, naabutan ko ang mga nagpapasalamat sa Diyos. Salamat sa natapos na semester. Salamat sa maayos na kalusugan. Salamat sa nabayarang tuition. Salamat sa maayos na hanap-buhay.
Hmmm. Ano nga bang dapat ipagpasalamat ko? Salamat dahil matiyaga ang Diyos at di pa tayo nasa-San Andreas. Salamat din sa Diyos dahil sa pamilya, biological, spiritual, at iba pang form nito.
Dyord
Nobyembre, 2015
No comments:
Post a Comment