Galing ako sa DepEd Quezon. Nasa Fori, Talipan, Pagbilao ito dahil ang opisina pala ng DepEd sa Lucena ay namamahala lang sa mga paaralan sa siyudad. Ang sadya ko ro'n ay magpasa ng aplikasyon para maging part-time senior high school teacher.
Wala akong balak na magturo sa hayskul. Noon pa ay niyaya akong magturo sa sekondarya pero laging wala, wala, at wala akong interes. Mahigit 30, 000 teachers daw ang kailangan ng DepEd sa pagpapatupad ng K-12 program at nagbukas nga sila ng panawagan sa mga interesadong magturo. Sa panawagan nakasaad ang mga rekusitos at ang hindi-puwedeng-hindi-mapansing 19-29K na maaring suwelduhin. Ang akala kong lang wala pero meron, meron, meron pala akong interes nang malamang may part-time sa Grade 11 at 12. Muli akong nag-baka sakali at nagpasa nga ng kakaunti namang rekusitos:
1. Letter of Intent. Pagpapahayag ito ng interes na magturo at pumili kung part-time o full-time, strand o yung para course na gustong ituro, at kung saang school nais magturo.
2. CSC Form 212. Mada-download lang ito sa website ng Civil Service Commision. Kalakip nito ang passport-size picture at cedula number.
3. Certified Copy of Voter's I.D. or any proof of residency. Self-explanatory na 'to.
4. NBI Clearance. Buti sa Nobyembre pa ang expire ng clearance ko at salamat naman at wala akong kaso.
5. Certified copies of relevant certificates of trainings/courses. Kopya ito ng mga sertipiko ng mga seminar at training na may kinalaman sa inaaplayang strand/course. Sa wakas, may paggagamitan pala ako ng mga certificates na nakalap sa pagsusulat at nadiskubre kong naiwala ko pala ang marami nito.
6. Omnibus Certificate of Autheticity and Veracity of Documents. Dito ako nagulantang, sa Mars ba ini-issue ito? Sobrang alien ng papel na ito sa bokabularyo ko. Ginoogle ko at salamat nama't nakakuha ako ng kopya na babaguhin ko na lang ng kauntian.
Nakatanggap din ako ng mga tanong mula kay Mam Athens tungkol sa mga rekusitos. Ayaw n'yang magkaproblema sa rekusitos dahil "they are not kind daw" ayon sa chat ni Mam Athens sa akin. Hindi naman kasi talaga detalyado ang mga rekusitos sa site ng DepEd. Kagaya na lang ng CSC Form 212 na may cedula number pala at passport-size pic, siyempre may kaakibat 'yun na gastusin. Hindi rin malinaw na nasa Pagbilao pala ang Division Office at hindi sa Lucena, kaya may mga naligaw sa tanggapan sa Lucena, sayang ang pamasahe, oras, at effort ng mga nagkamaling aplikante. Ang panawagan ng DepEd ay hindi newbie-friendly at ang newbie na tinutukoy ko ay yung mga kagaya kong walang karanasan sa pag-aapply sa DepEd at hindi naman talaga Education ang kinuhang kurso. Inaasahan kasi na ang magtuturo sa senior high bukod sa mga 'totoong' teachers ay mga practitioners at professionals sa bawat strand/course. At anong malay nila sa DepEd thingies? At kamusta ang impormasyon na dapat sana'y gagabay sa mga aplikante?
Kung kelan ako may aasikasuhin, saka naman ako may sakit. Sipong-sipon akong naghalwat ng mga gabukin ko nang files. Nagpa-picture at kumuha pa ko ng cedula. Hilo-hilo pa kaya nagtanghalian ako kena Ebs para na rin makatipid sa gastos at makapahinga pa. Bandang ala-una ako pumunta sa Talipan via DLTB-SM Lucena, tapos sumakay ng traysikel papuntang DepEd sa Fori; P 74 ang one-way.
Pagdating ko ro'n, parang ghost town. May holiday ba ng Oktubre 29? Baka haloween-inspired? Wala kasing katao-tao, pati na sa help desk. Alas-dos naman na at hindi na lunch break. Sa guard ako nagtanong kung saan nagpapasa ng sa senior high, itinuro ako sa isang malamlam na building na may malamlam na matandang reciever ng mga papel. Nakita ko ro'n ang ilang aplikante at isang kakilala na mag-aapply din sa Senior High.
Si Mam Kea, na matamis ang pagbati, ay kakambal ng kaklase ko na si Ate Vea. Nagtuturo siya ngayon sa kolehiyo sa Lagalag. Wala nga raw may alam na nag-apply siya ngayon at ang kanilang certificate of employment ay tila hino-hold ng unibersidad dahil nakakahalata nang liipat sila ng secondary-level. Kung competitive lang din sana ang suweldo sa higher education, wala naman sigurong lipatang magaganap. Bitbit ni Mam Kea ang listahan ng pagkakasunod-sunod ng mga rekusitos.
Kami namang mga nasa labas ay nagsipatas ng kani-kanyang folders ng rekusitos. Nilibre pa kami ng potokapi ni Mam Kea ng form na nasa unahan. Sabay-sabay na raw kami magsumite dahil kinakabahan daw siya. The feeling is mutual, lahat kami kinakabahan dahil baka mali ang rekusitos. At si Mam Kea nga lang ang naka-perfect at nakapagpasa, kaming tatlo ay dadaan muna sa adventures ng kuwentuhan tungkol sa AlDub, at DepEd.
Nagkaproblema ako sa Omnibus. Sabi kasi sa mga nakita kong Omnibus ay sariling pirma lang o di kaya ay pirma ng principal kung nagpapa-endorse ka sa pinagtatrabahuhang eskuwelahan. Walang naglagay man lang na dapat ay NOTARIZED. Ang mahal kaya ng pa-notaryo 150-200 pesos, nakapagdadalwang-isip tuloy kung itutuloy ko pa ang aplikasyon. Pero desidido yung dalawa kong kasama, isang nasa 20s at isang nasa 30s. Andito na lang din ako, e di shoot na ang natitira kong tatlong daan. Akala ko talaga 100+ lang ang magagastos ko rito, hindi ako handa sa mga ganitong gastusan dahil nga hindi maayos ang impormasyon.
Si Ate 20s ang magsisilbing guide sa Pagbilao sa pagpapanotaryo, si Ate 30s ang magsisilbing kuwentista-komentarista, at ako ang taga-tawa at taga-gatong. Sabi ko, hindi malinaw ang impormasyon ng DepEd sa call for interested teachers nila. Sabi pa ni Ate 30s ay sa Lucena nga raw siya nagpunta. Hindi raw doon. Kinabukasan pa nga siya bumalik sa Talipan. Tinatawagan n'ya raw ang DepEd Quezon pero hindi sumasagot sa cellphone man o landline number. Sabi ko, nagpadala rin ako ng e-mail, pero waley pa ring sagot. Snob! Bagsak ang DepEd Quezon pagdating sa responsiveness to the public na ethical standards bilang public office na nakasaad sa R.A. 6713.
Nakita naman namin agad ang pa-notaryohan sa pagtatanong sa mga manong pulis. Salamat naman at 150 pesos lang ang pa-notaryo! Nalaman kong si Ate 20s pala ay LET passer na at pinsan ng jowa ng adviser ko sa campus paper noong college. Sabay sabi ng "ismol world". Si Ate 30s naman ay isang millenial mom na CPA pero nag-CTP para nga raw sa K-12 program. Gusto n'ya ring mag-part time lang para makapag-spend pa ng quality time sa kanyang kids gaya ni Mam Athens na titser ko noon sa kolehiyo. Sabi n'ya mag-CTP din daw ako kung gusto ko ng career sa pagtuturo.
Susubukan ko lang kako. Iba kasi yung 'mahika' ng pagtuturo at isa-isa kaming nagbigay ng kanya-kanyang karanasan kung bakit kami nahalina at susubok maging guro. Pero tila kailangan din namin ng magic para makalusot sa mga rekusitos ng DepEd.
Pagbalik namin sa DepEd, muli naming hinarap si Mam Lamlam, na parang zombie na nawalan ng prostetiks. Nagpasa na si Ate 30s at minamasdan ko ang itsura ni Mam Lamlam at parang di s'ya kumbinsido. Ako na ang sumunod at hinanapan n'ya ko ng "Certified" na potokapi ng Voter's I.D. Sabi ko hindi po pala certified yung pinasa ko? Pano po pala magpa-certify? Kasi ko po yung nakita ko ay certified by school dean o principal, e pano naman kaming wala po sa school nagtatrabaho, sino ang magse-certify? "Ewan" sabi ni Mam Lamlam.
Hinanapan niya rin ako ng TOR, Diploma, at kahit anong PRC license. Sabi ko wala po dahil sa part-time lang ako at wala pa akong PRC license at kung magkameron man, hindi relevant sa pagtuturo sa pagsulat dahil License for Agriculturist ang makukuha ko sa hinaharap. "Ano bang natapos mo?", tanong ng energetic na si Mam Lamlam. "Agri.tech po, pero sa journalism po ako nakapagtrabaho," kako. "Ano bang ina-applyan mo?", tanong ulit ni Mam Lamlam habang tinataas ang papel ko. Nakita n'ya na Core-curriculum at Humanities. Ngumiti siya ng ngiting pang-uyam at itinuro sa'kin kung saan magpapatatak ng recieved. Ipinatatak ko at ipinasa na nang matapos na ang haloween adventure na'to.
Sabi ni Ate 30s, nangangapa raw ang department kung ilang LET passers ang mag-aapply sa kanila, kung kulang pa sila e saka raw kami iko-consider na mga 'hindi totoong' teachers. Sa 2016 na ang umpisa ng senior high, gagawa pa sila ng items para sa teachers, at paano nila io-orient ang 30, 000 na guro sa pagtuturo ng kanilang curriculum at strand; susot na ang oras. Magkakasundo naman kami na maganda ang K-12 base sa pagkakabasa namin ng ilan sa mga curriculum, pero yung paghahanda ng sangka-basic education-an sa K-12, e di kami masyadong kumbinsido.
Umuwi na si Ate 20s pa-Pagbilao. Kami ni Ate 30s ang pa-Lucena. Si Ate 30s ay dadaan pa raw sa SM para magbayad ng kuryente at maghanap ng Yes! Magazine o kaya Preview na cover ang AlDub; nanay at fan-girl roles aniya. Kita-kits na lang daw sa Recto, kung saan kami nag-apply nina Mam Kea.
Kung saka-sakali, umpisa pa lang ito ng horror na aplikasyon. Hindi pa ito ang pormal na aplikasyon. Baka makita ko pa si Mam Lamlam. Mas malaki pa siguro sa 500 piso ang magagastos ko. Ang grado ng DepEd-experience na 'to: 74!
Other title: Road to Turo-turo (Part 4)
No comments:
Post a Comment