Thursday, November 12, 2015

Nabasa Ko Yung 'Looking Back'

Ang 'Looking Back' (Anvil Publishing) ay kalipunan ng mga kolum ni Ser Ambeth Ocampo sa Philippine Daily Inquirer.

Throwback
Tungkol ang mga sulatin ni Ser Ambeth sa pagtingin sa kasaysayan ng (P/F)ilipinas, mga Filipino, mga banyaga, mga bagay, at kahit pa nga ng mga monai. Mula sa mga bayani hanggang sa mga bakery natin ay may itinuturo (pala) tungkol sa ating nakaraan; tungkol sa'ting kasaysayan. Hindi ako mahilig sa kasaysayan dahil puro ito mga pangalan at mga dates na andali lang kalimutan lalo na kung hindi naman regular holiday. Pero ngayon, I'm a believer at naniniwalang may kasiya-siya pala sa salitang kasaysayan.

Historical Garbages
Ganito raw ang hinahalungkat ni Ser Ambeth sa'ting nakaraan. Mga tila hindi naman mahalaga; mga burloloy lang ng kasaysayan kumbaga. Ito ay ang mga detalye ng kasaysayan na hindi na inilalagay sa textbooks dahil nga parang hindi naman big deal ang mga nasabing burloloy. Pero aminin natin, mahilig at naiintriga tayo sa mga borloloy. Halimbawa ng sinasabing burloloy ay ang mga nakitang 84 draft ng love letters kay Heneral Gregorio del Pilar, ang pagmumura ni Pres. Quezon, at ang diumanoy sinumpang obra ni Juan Luna na kung sinomang nagmamay-ari ay dinadatnan ng kamalasan. Kasama rin sa kintab ng koleksiyon ay ang mga tanong na 'paano-kung' sa ating kasaysayan. Ang mga basura kung tutuosin ay maraming sinasabi tungkol sa kung sinong nagtapon.

Looking Forward
Kung ganito lang sana ipinakita ang kasaysayan noong basic education hanggang college, nagustuhan ko sana ang social sciences at mas mataas sana ang naging grado ko. Ang maganda sa kalipunan na ito ay bite-size lang ang mga sanaysay/salaysay ni Ser Ambeth, hindi nakakapagod basahin para sa mga tulad kong maiksi lang ang attention-span. Hahawakan ka naman talaga ng bawat pagtanaw ni Ser Ambeth, sa leeg, hanggang matapos mo hanggang dulo ang maigsing sanaysay. Mapapa-'woooo' at mapapa-'waaaa' ka sa mga malalaman, sukdulang isipin mong your childhood heroes were all lies! "Niloko ako ng Sibika teacher ko!". "Ginoyo ako ng Araling Panlipunan teachers ko"! Nakaligtaan kasi nating pag-usapan yung human-side ng mga magigiting nating mga bayani.
Kaya naman naglu-look forward ako sa iba pang gawa ni Ser Ambeth. May nakapagsabing hinahabi lang ni Ser Ambeth ang mga kasaysayan, sino nga bang makapagkukuwento ng kasaysayan in 3D? Walang katapusang pagtatalo ang kasaysayan. Walang hanggang pagkakalkal ng archives. Kung hindi man mahusay na historyador, sigurado akong mahusay na kuwentista si Ser Ambeth.
Basahin n'yo rin at mag-look back, look back, and shake, shake, shake!

No comments: