Day 1, Tulak sa Tarlac
Muli ay nakapag-volunteer writer ako sa isang humanitarian org. Pakiramdam ko ay magkakasilbi na ulit ang pagsusulat ko. Kaya lang medyo tinatamad pa ko na magsulat at iniisip ko pa lang na kailangan kong gumising ng 4 n.u. ay napapagod na'ko. Pero nagawa kong gumising ng 3: 30 n.u., panes ka!
Bandang alas-singko, tumulak na kami pa-Tarlac. Isa-isang dinaanan ang mga nurses, doktor, at iba pang kasama sa team. Sa Gerona, Tarlac kami papunta para sa isang medical at dental mission at para kamustahin na rin ang mga batang beneficiaries pati na ang kanilang mga magulang. Trabaho ko ang humanap ng istorya at kumuha ng photos. Kung may makikita akong mga batang nagsisikap at gustong mag-aral magbasa ay bibigyan ko rin ng aklat mula sa Project PAG-bASA.
Tatlong oras ang estimated travel time at sobrang hilo-hilo pa ko kaya kusang pumikit ang mga mata ko. Nakaya ko nang makatulog kahit naka-upo lang! Matagal ko nang pangarap 'to e, mahalaga kasi ang iglip para makabawi ng lakas. Nagising lang ako nang baba kami para mag-almusal; tapsilog ang inorder ko at hinatian ako ni Ate Allan ng lomi n'ya.
Pagdating namin sa isang di-kalakihang simbahan, agad na nag-set up ang team. May counseling area, consultation, dental, at huli ang pharmacy. Kumamay muna ako kay Pastor Glaymor at mga nanay doon. Nangamusta na agad ako sa mga magulang na naandoon. Inang! Di kalinisan at ampapayat ng mga bata, pati na mga magulang. Kuwento-kuwento at usap-usap sa mga magulang at bata; pati na rin sa mga kamag-anak nila na may ipapa-konsulta. Ito ang ilang mga bagay na napansin ko:
1. Ang mga nanay ay maraming anak. May 5, 6, 7, at meron pa ngang buntis pa kahit na di na magkanda ugaga sa mga biyabit na bata.
2. Wala silang mga regular na trabaho. Sila: mga nanay at tatay. Ilan lang ang nakausap ko na may trabahong palagian. Kadalasan mga ekstra sa konstraksyon at halos lahat ay nagbubukid, marami hindi kanila ang lupa at nakikitanim lang kaya may kahati sa porsyento ng ani. Yung iba, upahang taga-tanim lang, kaya kapag di planting season, wala ring trabaho.
3. Ang babata ng nagiging nanay. Yung isang magpapa-check up ng nagtataeng bata ay 16 taong gulang lang. Yung isa 19 pero dalawa na ang anak. Yung isa 22 pero dalawa na ang anak at buntis pa. Yung isa, kinse anyos lang me anak na.
4. Yung average na age gap ng mga misis sa mister nila ay 10 taon. Sabi ni Ate Koring, naging pagtakas nila ang pag-aasawa sa kahirapan, not knowing na wala talaga silang natakasan bagkos lalo lang naging mahirap.
5. Marami ang no read- no write kaya kahit yung simpleng mga fifill-up-an na nasa Filipino naman ay di nila masagutan ng maayos. Siyempre, wala rin ang marami sa kanila ng abilidad para mag-isip ng ikabubuhay kaya medyo nahihirapan ang org na pondohan sila sa livelihood.
Habang nag-memedical at dental mission, napansin ko rin ang maraming kakulangan ng mga magulang sa pagtuturo sa mga anak tungkol sa kalusugan. O kakulangan ng kaalaman ng magulang sa pangkalusugang usapin. Pagsesepilyo, paggupit ng kuko, at pagligo araw-araw. Bukod sa feeding program, nagsasagawa rin ng parenting seminar sa mga magulang. Yung isang nanay sabi n'ya, nalaman daw n'ya na dapat pala pinapaliwanag ang kasalanan ng bata bago paluin sa pwet. Hindi rin daw pala dapat sobra makapalo at nasabi n'ya nga raw to sa asawa n'ya.
Narinig ko ring napagalitan ang isang nanay noong dentista dahil ginagawang panakot sa mga bata ang mga doktor, kesyo tuturukan kagad sila; kaya yun hirapan si doktora tsek-apin ang mga ngipin ng mga bata dahil nag-iiyakan na agad. Yung isa pang nanay ay umaming anak ang nasusunod kapag gusto nitong kumain ng sitserya. Tsk. Tsk. Tsk.
Isa pa sa malaking problema ay di sila ganun ka cooperative. Nakatoka kasi sila at least isang beses sa isang linggo para magluto sa feeding program para sa kanilang mga anak na nangyayari Lun-Biy; hindi lahat sila ay gumagampan. Napansin nga namin na yung iba ay halos alas-dose na ng tanghali nakadating gayong dapat ay mauna pa nga sila sa team. Yung iba nagmamadali pang umuwi. Uminit tuloy ang ulo ng mga coordinator ng team nang magrebyu sila sa nangyayari roon.
Ang nangyayari kasi pamilya nina Pastor ang nabibigatan. Dahil di makagampan sa pagluluto ang mga nanay, gigising sina Pastor ng madaling araw para maglaba at mamalengke ng lulutuin pati nga mga miyembro nilang nakikitulong ay nagsasara pa ng tindahan para sa feeding. Sinusundo pa sila ng trike ni Pastor kapag may seminar, hinahatid din pagkatapos. Tiyagaan lang talaga, kahit wala naman silang suweldo rito. Sa pagrerebyu nga na ginawa ng team, kitang kita na ipinagtatanggol ni Pastor ang mga nanay at siya pa ang nagdadahilan para sa mga 'to. Kaya lang, parang na-spoil.
Kanya-kanyang dahilan ang mga nanay kung bakit di sila makagampan. Yung isa naglalaba raw, nasabi tuloy ni Ate Nel, coordinator sa livelihood, na ipunin ang labahin at pagbalik ng team ay ipaglalaba siya ni Ate Nel, para lang makapaglaan siya ng oras. Kasi nga naman daw sabi ni Ate Koring, paano nila matuturuan ang mga anak nila ng responsibilidad kung wala sila nito. Hindi tayo makakapagturo ng wala sa atin. Sa huli nagkasundo rin ang lahat na magtutulungan para sa ikagaganda ng proyekto.
Meron din namang nakitaan ng magandang resulta; si Mark na tumimbang ng dagdag na limang kilo. Yung tatay n'ya konstraksyon sa umaga at tanod sa gabi. Lahat silang tatlong magkakapatid ay nag-aaral. Binigyan ko siya ng aklat pati kuya niya para maturuan pa siyang magbasa dahil palagi raw itong may istar sa daycare. Halos yung nanay n'ya lang ang matiyagang tumutulong sa feeding. Tutok rin ito sa pagpapalaki sa mga anak.
Isa man lang sa labing-isang bata, kahit isa lang ang may magandang pagbabago, pagbabago pa rin yung masasabi.
No comments:
Post a Comment