Day 3, Kapamilya sa GMA
4: 20 n.u. na 'ko nagising. 6 n.u. naman ang alis e. Bandang 5 n.u. nasa dyip na'ko papuntang headquarters. Mga bandang 6 n.u. nasa byahe na muli ang team papuntang GMA.
'Sing haba ng EDSA ang diskusyon namin ni Dr. Aldrin tungkol sa problema ng agrikultura sa bansa. Palitan ng kuro-kuro. Kesyo ang pagsasaka sa bansa ay para na lang sa elitista. Kesyo may epekto ang makinarya sa mga tradisyonal na manggagawa sa kabukiran. Kesyo mapanamantala ang mga biyahero at mga nagpapautang. Kesyo gan'to, kesyo ganyan. Mas marami pang alam si dok kesa sa'kin sa industriya.
Bandang Alabang, nakatulog ako pati ang team. Sa may McDo na ako nagising para sa almusal. Sakto lang ang dating namin sa pababang bahagi ng GMA. As in parang paanan ng bundok, palusong na kapag nag-iwan ka ng kotse-kotsehan, bubulosok talaga pababa.
Maaga ang mga beneficiaries dito. Maaga akong nakatapos ng interbyu at pagkuha ng pics sa lahat. Ang hihirap din nila, may mabaho pa. Iba; iba yung baho, raflesia level. Iisipin mo saan ka ba dapat mag-umpisa sa pagtuturo sa mga mahihirap? Sa kalusugan ba? Hanapbuhay? Sa hygiene? Sa ispiritwal? Ah basta! Ang mahalaga may gawin kang pagtuturo at di lang pagtulong dahil pangmatagalang solusyon sa kahirapan ang karunungan.
Mahirap din kami. Minsan nga Rated PG talaga ako. Pero ang batayan ng pagiging mahirap dito ay: may anak na may undernourishment hanggang 3rd degree, maraming anak, walang hanapbuhay, o kapos ang kinikita. Bukod sa kahirapan, meron pang tatlong problema na nagpapabigat sa mga buhay nila:
1. Extended family. Kasama pa rin ang mga apo at anak na may pamilya na sa bahay.
2. Hindi uso ang kasal. Kapag kinapanayam mo, magugulat ka na magkaiba ang apelyido nila ng kinakasama n'ya.
3. Walang forever. Iniwan ng mga unang asawa, pero di sumuko at kumasama ng iba. Ayun, lobo ang pamilya. Trivia: yung isang nanay ka-edad lang ng panganay n'ya yung kinakasama n'ya ngayon.
Kapag ganito ang nakakapanayam ko. Napapalunok na lang ako at napapatanong kung paano ba ito maisasaayos. Ang laki ng trabaho ng mga stakeholders; ng org. at ng local church partner dito. Yung isa, pagkatanong ko kung ilan ang anak, "walo pa lang sila", sabi n'ya. So, ano me balak pa 'nay? Paano ka gagawa ng empowering na write up tungkol sa mga 'to? Mahirap din pala ang tatrabahuhin ko.
Pero gaya ng sa Tarlac, meron namang mga nagsisikap mag-ayos. 'Yung makikitaan talaga ng kagustuhang matulungan ang anak at ang pamilya nila. Isa rito ay si Maria Fernanda Narito, limang taon at nasa Day Care Center, at tumimbang ng tatlong kilo sa loob ng dalawang buwan. Magana raw talaga itong kumain sabi ni Nanay Rosalie (38). Pang-anim si Mafe sa pitong magkakapatid at apat sa kanila ang nag-aaral kaya todo kayod sina Nay Rosalie at Tatay Fernando (46) sa pagluluto ng isaw kahit may sakit ito sa bato at naggagamot ng herbal-herbal. Umalis din agad sina Mafe dahil kailangan ng katuwang ni Tay Fernando sa kanilang puwesto. Ang masaklap pa nalaman ko na tatlong piso lang dito ang kalamares!
Ang naging problema ko lang sa mga napupuntahan namin, masasarap sila magluto ng ulam kaya napapabigat kain ko ng tanghalian. Inaantok tuloy ako.
Yung ibang update ay sa facebook page na lang ng Project PAG-bASA.
No comments:
Post a Comment