Monday, January 11, 2016

Grabe Siya!!!

Grabe Siya!

Nanalo ang Project PAG-bASA sa patimpalak ng mga konseptuwal na papel ng Saranggola Blog Awards nitong Disyembre, 2015.

 Hindi ko sasabihing "hindi ako makapaniwala" dahil naniniwala ako sa proyekto. Kung sakaling hindi nga ito pinalad, magpapasalamat pa rin ako dahil naisa-papel ko ang konsepto ng proyektong naisip kasi puwedeng sa ibang paraan maisakatuparan ang Project PAG-bASA. Sa totoo lang, marami tayong naiisip na magagandang suhestiyon, solusyon, proyekto, hindi lang natin naisasapapel dahil malamang kulang tayo sa paniniwala na maaring maisakatuparan ang mga ito sa hinaharap. Madalas, tinatamad din tayo magsulat. O di kaya ay pinanghihinaan ng loob. Ne-never say never! Ne-never say never!

Hindi ko sasabihing "ang hirap i-explain ng nararamdaman ko ngayon." Pipilitin kong himayin ang halo-halong emosyon. Una, masaya ako sa pagkapanalo dahil unang beses kong nanalo sa Filipinong sulatin na may premyong pera at sampung libo kaagad. Pipilitin kong mapunta lahat sa proyekto ang salapi; at dapat lang. Pangalawa, pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat; ang dumi ko, hindi naman ako mahabaging nilalang, hindi naman ako busilak, puwede nga 'kong maging politiko; pero ang proyekto ko ang napiling manalo ng mga hurado. Alam ko mas marami pang magaling at magandang proyekto na naisali, 'wag kayong mawalan ng pag-asa, kung hindi ngayon nagbukas ang pinto, maghanap pa kayo ng iba pang pinto. Punta ka sa back door, fire exit, at kung naniniwala ka talaga sa proyekto at misyon mo sa buhay, maisasagawa mo yan kahit sumuot ka pa doon sa lagusan ng mga pusa. Pangatlo, naramdaman kong may layunin pa pala ako sa mundo bukod sa taga-ambag sa carbon dioxide sa atmosphere. Pang-apat, feeling accomplished dahil madadagdagan ang awards section ng resume ko. Haha

   Sa TOTOO lang, hindi ko lang tagumpay 'to e. Tagumpay ito nating lahat na nagmamahal sa pagbabasa at panitikan. Tagumpay ng mga naghahangad ng kahit kaunting pagbabago sa kinabukasan ng bansa. Bansang nagbabasa lang ay may pag-asa. Ang nagbabasang kabataan ang pag-asa ng bayan!



Pasasalamat:
Salamat sa pamilya ko na wala namang kamalay-malay sa pinaggagagawa ko sa buhay-tambay ko. Salamat sa pagchi-cheer paminsan-minsan ng tatay ko "ano gay-an ka na laang baga?!", sabi n'ya. Salamat sa Pamilya Pampolina na bukas lagi ang kusina para pakanin ako, ngayong taon binuksan din nila ang kuwarto para makanood ako ng movie sa kanilang 60-inch na t.v. Salamat sa mga kaibigang nakukuwentuhan ko tungkol sa misyon kong bigyan ng aklat lahat ng bata sa Pilipinas bago ako ikasal. Salamat sa mga taong nasa likod ng patimpalak at mga nagbigay inkspirasyon sa'kin para isulat ang proyekto. Salamat sa ibang nanalangin para sa proyekto ko kahit di naman naniniwala. Salamat E-boy, Nikabrik, Alfie, Jem-jem, Ate Abby, at Kuya Joey, sa panlilibre n'yo ng kape, biskuwit, at pamasahe kapag G na G ako. Hindi ko pa kayo malilibre dahil hindi sa'kin ang premyo, kaya i-lilibre n'yo pa kong patuloy. Haha

Salamat sa Diyos, dahil sa di mabilang na patimpalak at panawagan sa kontribusyon na sinalihan ko sa isang buong taon, meron namang tinamaan kahit isa. May himala nga, 'te Guy! Sige na God, iiyak na ko dito sa bus. Salamat! Apir!

Bukas: Tulak pa-Tarlac!

No comments: