Monday, January 18, 2016

Day 2, Balik Pandacan

Day 2, Balik Pandacan

Bakante ako ng Miyerkules. Pahinga muna at bukas ulit.
Medyo tanghali na ko nagising, mga bandang 8 n.u. at nag-almusal ng mitlop. Bertdey nga pala ni K-anne ngayon kaya dumating si MK mula pa Bulacan.


Kinahapunan, ayan, balik ako ng Pandacan kasama sina Ayan, Jonda, mga bagong mukha sa Grace Bible Church, si Kuya Joey at Kuya Benj. Nagkamustahan pala kami muna bago lumabas. Nag-abot ng libreng babasahin. Tumawid ng Nagtahan. Lumiko sa Jesus Street. Tumulay sa Jesus Bridge na sa ilalim ay creek na puro basura at karumihan. Narating ang monumento ni Balagtas. May mga nagtitinda ng pekeng air max at iba pang sapatos na tig-ti-300 pesos. May mga nagkakabit ng kahoy-kahoy para maging entablado. Di ko alam ang kasarian ng mga kandidato. Sa likod natatakpan ang monumento ni Balagtas na nilalambungan ng mga naglalarong bata kulang yata sa muni't pino.

May kanya-kanya nang kausap sina Ayan, Kuya Benj at Kuya Joey. Kaya maghahanap na rin ako. Pero wala akong ituturo, wala akong ituturong mabuti.

   May dala nga pala akong mga aklat dahil gusto ko sanang bigyan si Courtney, ang batang isinilang sa basketbol court pero iba na ang mga bata roon. Di na sila yung dati. Baka nagsilipatan na ng lugar. Isa sa mga naglakas-loob akong lapitan ay ang magpinsang sina Gelo at Robi. May dalang iskeytboard si Gelo pero naka-upo lang ang magpinsan kaya hinunta ko sila sa buhay-buhay nila. Medyo na-weirduhan siguro sila na bigla na lang may nakipagkuwentuhan sa kanila randomly.


   Nalaman ko na Gelo Edelion pala ang tunay n'yang pangalan at katorse na siya at kasalukuyang Grade 7 sa Roxas. Taga Penafrancia, Pandacan sila ni Robi Matematiko. Nasa Grade 3 sa Bagong Brgy. Elementary School pa lang si Robi kahit onse-anyos na siya at siya lang sa limang magkakapatid ang nag-aaral. Wala raw trabaho ang pareho n'yang magulang at tinutulungan lang sila ng tatay ni Gelo na drayber para makaraos sa araw-araw. Tinanong ko kung ano bang paboritong subject nila, si Gelo ay Filipino at si Robi naman ay Math. Obyus naman yata na Matematika ang paborito n'ya.

    Kung may pangarap nga raw sila ay ang maging scientist (kay Gelo) at pulis (kay Robi). Inabutan ko sila ng tig-isang aklat: The Biography of Hudson Taylor kay Gelo at The Magic of Apo Mayor kay Robi.

   Isa pa sa mga nakilala ko ay si Nookie. Kanina pa siyang naka-upo sa may estatwa ni Balagtas at nakatingin sa makulay na sumasayaw na tubig. Nagmumuni sa saliw ng Macho Papa at iba pang novelty songs. Ang buo pala n'yang pangalan ay Nookie Andrade at nasa Grade 4 sa Zamora Josena Elementary School sa edad na dose. Palipat-lipat din daw sila ng bahay at hirap sa buhay kaya napatigil siya ng dalawang taon. Tatlo raw silang magkakapatid. Hindi n'ya raw alam kung anong trabaho ng nanay n'ya pero nasabi n'yang ang tatay n'ya ay sa meralco nagtatrbaho. Sa mga poste raw e. Galing naman kay Cookie Monster ang pangalan n'ya at pangarap n'yang maging scientist.

Nang tanungin namin siya kung anong gusto n'yang ipanalangin, "sana po ay magkaron ako ng magandang kinabukasan." Baka kaya madalas siya sa parke para makapag-isip-isip at mangamba sa bukas. Binigay ko sa kanya ang aklat na White Shoes na kuwento rin ng pagsisikap at tagumpay.

   Bumalik din kami bago gumabi at sana nakita nilang may naniniwala sa pangarap nila bukod sa kanilang mga sarili. Kapit lang sabi ng tarsier!




Enero 13, 2016
Dyord, San Miguel, Maynila

No comments: