Sunday, February 7, 2016

*Sob


   Matapos ang isang mahaba at mahigpit na linggo ng paglalakbay sa probinsya ng Quezon bilang mananaliksik, nakapaglaba rin ako sa wakas. Umaala bondoc peninsula na 'yung mga tubal ko. Kokonti pa naman ang matino kong damit.

   Medyo may ulambon pero walang makakapigil sa paglalaba ko. Hindi na puwedeng ipagpabukas. Oks na maulanan, puwede namang maligo mamaya pagkatapos. Bugbog, bugbog. Kusot-kusot. Sabon-sabon. Maya-maya pa'y narinig ko na ang malutong na "pu*a&%na mo ka! hayop ka"! Sabay lagitik ng kung anong pamalo. Napapiga ako ng mas mariin. Napalingon sa pinagmumulan ng ungot ng aso. Si Chu-chu, asong puti ng kapit-bahay namin, hinataw ni Tatay; ang pinaka elder sa aming kapit-bahayan.

   Habang pinagmumura si Chu-chu ay kinaladkad n'ya 'to ng tali nitong kadena. Kita kong putikan ang aso, dahil nga siguro nag-uuulan. 'Yon din ang ikinagalit ni Tatay, nagputik ang puting aso; kinakaladkad n'ya ito ng ubod lakas para ihagis sa ilog. Ito talaga ang paraan n'ya ng pagliligo sa aso simula't sapol. Umahon si Chu-chu sa unang hagis na pahila sa kadenang nakagapos sa leeg. Itinapon uli sa ilog ng pahila muli sa kadenang nakakasakal sa leeg. Ahon ulit si Chu-chu. Sabay ang mura at hagupit. Hinatak ulit si Chu-chu ng galaiting matanda.

   Hayop naman talaga si Chu-chu. Bitch naman talaga ang nanay n'ya. Malamang magdudumi 'yon dahil di naman kalakihan ang bahay ni Chu-chu para di s'ya matilamsikan ng ulang tumatama sa lupa. Pagkatali sa bahay n'ya,  narinig kong muli ang malutong na "pu*a&%na mo ka! hayop ka"! Napapariin ang kusot ko sa damit.

   Ilang beses ng umaawat si Kuya Urle, kapitbahay namin. Hindi naman ito super concerned sa mga hayop. Pero hindi naman kailangan animal rights activist ka o nag-aral sa Coursera ng Animal Behavioral Science para malaman ano ang ibig sabihin ng tamang pag-aalaga. O kung ano ang pagmamalupit. 

   Mapagtimpi rin itong si Chu-chu. Tinatahulan ako nito kapag dumadating ako ng pagabi na. Kung tutuusin, kung naburyot s'ya puwede n'yang kagatin 'yung matanda, pero di n'ya ginawa. Di n'ya kakagatin ang nagpapakain sa kanya. Bukod sa kanyang mahal na bisikleta, si Chu-chu na lang din ang kasama ni Tatay sa buhay.


   Maya-maya nagsampay na 'ko. Naririnig kong may nagwawalis kena Ate Lani. Maya-maya ay lumagitik na ang walis ting-ting at umungot na ang aso nila. Napapapiga tuloy ako ng husto.

No comments: