Monday, February 8, 2016

Teachable Moment 3



Isa sa mga iginuhit ni Charmaine 

Dumalaw kami kay Charmaine ngayong araw. Nag-iisip nga ako kung akma pa bang gamitin ang salitang dalaw, dahil ginagamit natin ito madalas sa mga preso at may sakit. Pero parang wala namang sakit si Charmaine sa pagbaba nito ng hagdan. May pagmamadali siya sa pagbaba matapos marinig sa lola n’yang dumalaw ang mga ka-eskuwela n’ya.

Humingi kami ng dispensa ni E-boy dahil natagalan bago ulit kami nakabalik. Noong sinorpresa kasi siya nung bertdey n’ya ay di kami nakasama, kulang kasi sa koordinasyon ang mga organisador; badtrip nga e. Tapos, inabot na naming ang walong pirasong smidgets na binili namin sa may kanto nila. Tamang-tama, paborito n’ya raw ‘yon. Alangan pa nga kaming bumili dahil alam kong maraming bawal muna sa kanya. Gaya ng kape, gatas, sopdrinks, at maasukal na pagkain.

Inapuhap kami ni Charmaine sa aming paghingi ng dispensa sa pagkakatagal naming pagbabalik. Maayos naman daw siya. Malakas-lakas siya.  Medyo inuubo lang daw s’ya ngayon at nananakit ang umbok sa likod dahil sa lamig ng panahon. Mahalumigmig nga ngayong araw, pagbaba namin ng erkon na bus ay akala namin nasa Baguio kami at wala sa Sariaya. Sa pangungumusta ko sa kanya ay lumiit naman daw ang umbok sa kanang balikat n’ya.

Tinanong ko ang mga iniinom n’yang mga gamot ngayon. Wala na raw s’yang masyadong iniinom na herbal medications kundi mga mismong pinakuluang mga halamang gamot na ang iniinom n’ya. Ampait-pait daw, sabay ngiwi na pangiti ang mukha n’ya habang nagkukwento. Ito ang ilan sa mga iniinom n’ya:

Talbos ng kamote – para sa kaayusan ng dugo
Talbos ng bayabas – para sa immune system
Mangosteen – may iba pa ‘tong mga kahalong halamang gamot
Malunggay – para sa calcium, iron, zinc, vitamin C, atbp.

“Ano nang findings sa’yo ngayon?” tanong ko. Wala na pala s’yang check-up. Tinanong ko kung ano ‘yung pinaka huling check-up, okey naman daw s’ya meron lang pneumonia. Paubo-ubo s’ya habang kinakausap ko. Nasa ospital din ang tatay n’ya noong Biyernes pa dahil sa pneumonia kaya wala rin ang nanay n’ya ngayong araw.

Hirap akong humabi ng usapin. Ang kasama ko na si E-boy ay ayaw sumagwan, ang tipid magkuwento; parang microblogging lang. Siguro sa buong pagkukwentuhan namin ni Charmaine ay hindi pa lalagpas ng isang daan ang salita n’ya. Ano bang magandang pag-usapan na medyo malayo naman sa kalagayan n’ya. Dapat bang ilayo ko ang usapan sa sakit n’ya? E kung magkuwento naman ako ng pinaggagagawa ko sa buhay ko ngayon, matutuwa ba siya o lalo lang n’yang makikitang kinulong s’ya ng kanyang sakit.


WIP ni Charmaine

Sinusubukan n’ya raw ngayong gumuhit-guhit. Kahit pakonti-konti lang para hindi s’ya kalawangin. Ako naming si eng-eng, gustong makita ang iginuhit n’ya. Kaya umakyat si Charmaine sa kuwarto nila para kuhanin ang mga iginuhit n’ya. Hindi pa nga lang tapos. Mabilis daw kasi s’yang mangalay. Si Charmaine nga pala ay isa sa mga artists naming sa Traviesa sa unibersidad.

Nagbabasa-basa rin daw s’ya ngayon. Mga ilang essays sa isang fundamentals of writing na textbook para matuto raw siya kahit hindi pa nakakapasok.. Ako naming si eng-eng, gusting Makita ang mga binabasa n’ya, akyat na naman si Charmaine sa taas kahit na pinipigilan ko dahil baka mapagod naman ng kapapauli-uli. Bitbit n’ya ang isang textbook at isang devotional book. Sabi n’ya gusto n’ya rind aw ipabasa sa’kin ‘yung mga notes na sinulat n’ya kapag naiisipan; nag-umpisa na rin pala s’yang magsulat-sulat. Sa loob daw kasi ng 9 na buwan simula nang mabatid ang sakit n’ya, ay naiinip at nagtatanong din s’ya minsan kung bakit. Siyempre, wala s’yang makukuhang sagot sa ngayon. Yung mga bagay na nagagawa mo dati, pero hindi na ngayon, pakiramdam n’ya nakaimbak lang s’ya sa isang bodega.

‘Yung pagguhit na dati na n’yang ginagawa at pagsusulat na pagpapalaya pala ng sarili mula sa mga iniimbak; ang kanyang pagkatha ngayon ay isang paraan na n’ya ng paglaban. 


Si E-boy na ang hinilingan kong manalangin bago kami umuwi, para na rin makapahinga si Charmaine sa pag-akyat-baba sa hagdan. Ito ang ilan sa mga nasambit n’yang pangangailangan: Pinansyal, pagpapagamot ng tatay n’ya, gabay sa kanilang pamilya sa mga krisis, at paggaling n’ya.

Arya! Alalahanin nating lahat tayo ay isang work in progress.





No comments: